Chapter 13
Para hindi na mag-alala pa si Bryan ay iniba ko na lang ang usapan hanggang sa marating namin ang cafeteria. Katulad ng nakasanayan ay panay na naman ang pagbato niya ng pick-up lines habang kumakain kami.
"Alam mo bagay sa 'yo ang maging amo ko."
Tinaasan ko ito ng kilay. "Bakit?"
Madrama naman itong lumayo at napahawak sa kaliwang parte ng kanyang dibdib. "Kasi inalipin mo ang puso ko, eh."
That made me laugh. Maloloka talaga ako sa lalaking 'to.
"Ang korni mo talaga. Sa totoo lang, hindi halata sa 'yo na magaling ka sa mga pick-up lines," naiiling na sabi ko sa kanya pagkatapos kong uminom ng tubig. Pakiramdam ko ay natuyuan ang lalamunan ko sa kakatawa.
"Gano'n? Ano ba ang first impression mo sa 'kin?" Itinukod niya ang magkabilang siko sa ibabaw ng mesa bago pinagsiklop ang dalawang kamay at ipinatong ang baba niya rito.
Natigilan naman ako nang dahil sa naging tanong niya. Ano nga ba ang first impression ko sa kanya?
Ngumiti ako at ginaya ang posisyon niya. "Mabait at tahimik."
Unti-unting nawala ang kanyang ngiti. Sa isang iglap ay naging malungkot ang kanyang mukha at mga mata.
"Hindi ako mabait, Sam. Tandaan mo 'yan."
Napakurap ako nang dahil sa sinabi niya. Seryoso lang itong nakatingin sa 'kin nang bitiwan niya ang mga salitang 'yon. Parang ibang Bryan na naman ang kaharap ko ngayon.
"Pero 'yon ang nakikita ko." Ngumuso ako.
Napailing ito bago pagak na natawa. "Hindi lahat ng nakikita natin ay totoo."
Hindi ko nagawang makapagsalita. Parang kanina lang ay masaya pa kaming nag-uusap. Pagkatapos sa isang iglap ay bigla na lang naging awkward ang lahat.
Magsasalita pa sana ako nang may biglang tumawag sa pangalan ni Bryan. Sabay kaming napalingon sa pinanggalingan ng boses. Hinihingal na lumapit sa 'min ang isang junior student base na rin sa kulay ng kanyang ID lace.
"May problema ba, Ren?" kunot noong tanong ni Bryan.
"Sina Jay at Mike po, nagsusuntukan. Nasa court po sila," aniya na hinihingal pa rin.
Agad namang napatayo si Bryan. "Ano? Sige. Susunod ako." Bigla itong bumaling sa 'kin. "Mauna ka na sa library, Sam. Susunod na lang ako."
Bago pa man ako makapagsalita ay mabilis na itong tumakbo paalis. Marahil ay kasamahan niya sa basketball team ang dalawa umanong nag-aaway.
Tumayo na rin ako dahil tapos naman na akong kumain. Agad na dumiretso ako sa library kung saan dapat kami sunod na pupunta.
Next week na ang exams namin kaya gano'n na lang ang pagsusunog ko ng kilay para maipasa ito. Ilang araw din na wala akong ibang inatupag kung hindi ang magbasa, mag-analyze at mag-memorize.
Tumigil lang ako sa pagbabasa nang bigla akong nakaramdam ng antok. Ilang araw na rin kasi akong walang matinong tulog.
Napatingin ako sa relong pambisig ko at gano'n na lang ang gulat ko nang mapansin na alas-tres na pala ng hapon. Ilang oras na rin pala akong nandito.
BINABASA MO ANG
Tristan, the Rebel Guy (Published)✓
Teen Fiction• Tristan, the Rebel Guy (Novel) • Campus Prince Series #1 • Published Under Immac PPH Samantha Michelle Alvarez is a typical type of girl who believes in the concept of true love. Thus, despite the heartbreaks she has experienced, she still hopes t...