Prologue

1K 35 47
                                    

Prologue

Pagkababa ko ng sasakyan ay dali-dali akong tumakbo papasok sa school gate bago dumiretso sa West Wing. Sampung minuto na lang kasi ay magsisimula na ang klase namin. Ayoko pa naman sa lahat ay ‘yong male-late ako.

Late na rin kasi akong nakatulog kagabi dahil galing pa ako sa bahay ng matalik kong kaibigan. May sakit kasi ito kaya naman ay walang pagdadalawang-isip ko ‘tong pinuntahan. Hanggang sa hindi ko na namalayan pa ang oras. Kaya sa huli ay late naman akong nagising!

Paliko na sana ako sa dulo ng hallway nang may bigla akong nabunggo. Nahulog ang backpack kong bahagya lang na nakasabit sa balikat ko at nakabukas. Kaya naman ay natapon ang ilan sa mga laman nito. Mabilis na pinulot ko naman ang mga ito.

“Pasensya na po!”

Napaangat ako ng tingin at nanlaki ang aking mga mata nang makita ang guro namin sa unang klase.

Ngumiti naman ito at inayos ang suot na salamin. “Ayos lang. Sa susunod ay tumingin ka na lang sa dinaraanan mo.” Napatungo ito at kumunot ang noo bago may kung anong pinulot sa sahig. “Sa ‘yo ba ‘to?”

Natigilan ako nang makita ang kuwintas na hawak niya. Kulay silver ito at may pendant na letrang ‘M’.

Malungkot akong ngumiti bago ko ito kinuha ng kanyang iabot. “Opo.”

Hindi ko naiwasan na muling maalala ang espesyal na tao na nagbigay sa ‘kin nito. Sana lang ay masaya na ito sa kung saan man ‘to naroroon ngayon.

Nagsalubong naman ang kilay ko nang mapansin na tila natigilan si Mr. Villanueva. “May problema po ba?”

Kumurap-kurap ito bago umiling. “Wala naman. Tara na at magsisimula na ang klase natin.”

Tumango na lamang ako at sumunod sa kanya. Pagkapasok namin sa loob ng classroom ay nagkanya-kanya nang balikan sa kani-kanilang upuan ang mga kaklase ko.

Ilang minuto pa ang lumipas ay nagsimula na ng klase si Mr. Villanueva. Ngunit wala akong gaanong maintindihan sa tinuturo niya dahil bumibigat ang talukap ng mga mata ko.

Hanggang sa narinig ko na lamang na tinutukso ng mga kaklase ko ang isa sa mga magkasintahan sa klase dahil magkahiwalay sila ng upuan ngayon. Pilit naman silang sinasaway ng teacher namin at napailing na lang ako nang dahil sa kakulitan nila.

Pero ang antok na nararamdanan ko ay biglang naglaho na parang bula nang marinig ko ang pagtawag ni Mr. Villanueva sa apelyido ko.

Dali-dali naman akong napatayo at bumungad sa ‘kin ang seryoso niyang mukha.

“Naranasan mo na ba ang magmahal?”

Natigilan at napakurap ako nang dahil sa tanong na ibinato niya sa ‘kin. Hindi ko alam kung ano ang kinalaman ng tanong na ‘yon para sa diskusyon namin ngayong araw sa asignaturang Filipino kaya hindi ko agad nakuhang sumagot.

Biglang tumahimik ang kanina pa maingay na klase. Mukhang nakuha ng tanong na ‘yon ang atensyon ng mga kaklase ko.

Hindi naman ako ang may issue rito sa love life. Pero bakit ako pa ang napili niyang tawagin?

Nang makabawi sa pagkabigla ay hindi ko napigilan ang pagsilay ng matamis na ngiti sa ‘king mga labi. Ramdam ko na nakatuon sa ‘kin ang atensyon ng lahat dito sa loob ng aming silid at nag-aabang sa magiging sagot ko.

“Opo. Kasi sino ba naman po ang hindi pa, ‘di ba?”

May iilan akong narinig na sumang-ayon sa sagot ko habang ang ilan naman ay sumimangot at kumontra. Hindi ko naman na ito pinansin pa. Alam ko naman na may kanya-kanyang opinyon ang bawat isa sa ‘tin lalo na sa ganitong klase ng usapin.

Napangisi nang malawak si Mr. Villanueva kasabay ng kanyang pag-iling. Bakas sa kanyang mukha ang pagiging interesado sa paksang binuksan. “Mukhang fan ka ng isang malaromantikong istorya, Ms. Alvarez.”

Walang pag-aalinlangan naman akong tumango dahil tama naman ang kanyang hula. “Opo. Sa totoo lang ay naniniwala po ako sa happy ending at happily ever after.” Mas lalong lumapad ang aking ngiti.

Maaaring korni ito pakinggan para sa iba pero naniniwala pa rin ako na ang bawat isa sa ‘tin ay nangangarap na magkaroon ng isang perpekto na love story. Ito ‘yong tipo na hanggang sa dulo ng walang hanggan ang pagmamahal n’yo para sa isa’t isa, at wala ng kahit na ano o sino pa ang makakapagpahiwalay sa inyong dalawa.

Pero kahit ganoon ay alam ko naman na wala talagang perpektong relasyon. Ang lahat ay dumadaan sa pagsubok, hirap at sakit. Ang mas masaklap pa ay ang paghantong sa hiwalayan ng isang relasyong pilit na iningatan mula umpisa.

Nakakalungkot man isipin pero ‘yon ang masakit na katotohanan at parte na ng reyalidad ng buhay.

Ang ilan sa mga nakaranas na ng kasawian sa pag-ibig ay biglang nagbago at nahirapan ng magtiwala ulit. Sila ‘yong tipo ng tao na takot ng sumubok at sumugal pa ulit.

Pero hindi ako. Dahil kahit ilang beses man akong masaktan, umasa at maiwan ay patuloy pa rin akong maniniwala at maghihintay. Sabihan man akong tanga ng iba ay hindi pa rin ako susuko at mapapagod na bigyan ang sarili ko ng pagkakataon na maging masaya.

Dahil naniniwala ako na sa kabila ng sakit at panloloko na naranasan ko ay makikita at makikilala ko pa rin siya. Ang lalaking nakalaan para sa ‘kin.

“Masyado naman atang perpekto ang inaasam mo na istorya, Ms. Alvarez. Madalas na sa mga palabas at libro lamang ito nangyayari. Pero paano kung may makilala ka na isang lalaki na mayroong paniniwala at pag-uugali na kabaliktaran ng sa ‘yo? Mahuhulog kaya ang loob mo sa isang katulad niya?” puno ng kuryosidad niyang tanong.

Unti-unting nawala ang aking malapad na ngiti at bigla akong napaisip. Tila may napukaw ang tanong na ‘yon sa aking isipan at sa isang iglap ay hindi ko na alam kung ano ang isasagot.

Paano nga kaya kung may makilala akong isang lalaki na sobrang kabaliktaran ko at ng paniniwala ko? Magiging okay kaya? Posible ba na mahulog ang loob namin sa isa’t isa?

Napangiti na lang ulit ako at direktang tumingin sa nagtatanong na mga mata ng aming guro. Hindi ko alam kung bakit pero bigla akong nakaramdam ng excitement nang dahil sa naisip.

“Malalaman ko lamang po ang sagot kapag nangyari na po ‘yon. Kaya sa oras na dumating po ang panahon na ‘yon ay sinisiguro ko po na ikaw ang unang makakaalam.”

Napatango naman si Mr. Villanueva bago ako sinenyasan na umupo na. Marahas naman akong napabuga ng hangin bago napatingin sa labas ng classroom namin.

Nahigit ko ang hininga nang makita ang isang lalaki na nakasandal sa railings habang nakatingin dito sa loob ng klase namin. Pero dahil nakasuot siya ng hood ay hindi ko gaanong maaninag ang kanyang mukha. Hanggang sa bigla na lamang siyang napaayos ng tayo at naglakad paalis.

Sino naman kaya ‘yon?

Tristan, the Rebel Guy (Published)✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon