Chapter 49: Letting Go

649 19 0
                                    

-----

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

-----

Dahan-dahan kong nilapitan ang babaeng  halos buong araw kong hinahanap. Kung sinu-sino na ang nilapitan ko at sa huli ay hindi ko inasahang kakailanganin kong lapitan si Baro  para lang mahanap siya.

Tahimik siyang nakaupo habang pinagmamasdan ang hampas ng alon sa dalampasigan. Halata ang lalim ng iniisip niya dahil sa maging ang ingay na gawa ng paglapit ko ay hindi niya kaagad napansin. Nang mga oras na iyon wala akong ibang gustong gawin kung hindi ang yakapin siya, mag-sorry at ihingi ng tawad ang lahat ng sinabi kong maaring nakasakit sa kanya.

Halos buong araw ko nang pinapagalitan ang sarili ko, sa kung bakit siya biglang umalis nang walang paalam. Halos paliparin ko ang sasakyan ko kanina matapos sabihin ni Baro kung nasaan siya.

Ilang minuto pa akong nanatiling nakatayo sa gilid niya bago niya ako tuluyang napansin.

Nilingon niya ang direksyon ko at saka ako tinitigan.

Hindi siya nagsalita pero sapat na ang mga tinging ibinibigay niya sa akin para masabi kong nasasaktan siya. Ang mga mata niyang halos namamaga pa hanggang ngayon ay indikasyon na katitigil lang niya sa pag-iyak. Ang mga tingin niyang diretso ngunit mas lamang ang nagtatanong kung bakit naroon ako at kung paano ko siya natunton.

Dahan-dahan akong lumapit sa kanya, sapat na ang distansiyang iyon para mas makita ko ang sakit sa mga mata niya. Ang mga sakit na nararamdaman niyang ako mismo ang may kagagawan.

"U-umuwi na tayo. Nag-aalala na silang lahat sa iyo."

Hindi siya kumibo at sa halip na kausapin ako ay muli niyang ibinaling ang tingin sa malawak na dagat at sa mga along nililikha nito. Naupo ako nang tahimik sa tabi niya, hindi ako lumikha ng kahit anong ingay at pinagmasdan ko lamang siya habang nakatingin sa malayo.

"Bakit nandito ka?"

"Hinahanap kita."

"Hindi naman ako nawawala." maiksing tugon niya sa sinabi ko.

"Bigla kang umalis kina tita Bernie, hindi ka nagpaalam at wala kang pinagsabihan kung nasaan ka. Nag-aalala kaming lahat sa iyo, nag-aalala ako sa iyo."

"Hindi niyo naman kailangang mag-alala."

"Bakit?" bahagya nang tumaas ang boses ko habang kausap siya. Lahat ng pagod at pag-aalalang dala ng biglaan niya pag-alis kanina ay naghalo-halo na. Pati na rin ang ideya na mas alam pa ni Baro kung nasaan siya, sa mismong lalakeng nanakit sa kanya. Ang isipin iyon ang lalong nagpapagalit sa akin, gusto ko siyang sumbatan ngunit alam kong kapag ginawa ko iyon ay baka lalo lang siyang lumayo.

"Si Baro ba ang nagsabi sa iyo na narito ako?"

"Isa pa iyan, bakit sa lahat naman ng tao? Bakit sa kanya mo pa piniling tumakbo?"

Don't Listen To It Secretly (Wattys 2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon