Chapter 8

64 4 0
                                    



     "DAN!"
     Nilingon niya ang tumawag sa kaniya at nakita niyang tumatakbo palapit sa kanya si Gwen.

     "Hi, Gwen!" bati niya rito. Huminto muna siya sa paglalakad papasok sa Educ. Building kung saan naroroon ang unang klase nila sa araw na 'yon.

     "'Wag mo akong ma-hi-hi dyan, babae. Baka akala mo natutuwa ako sa'yo ngayon," himutok nito sa kanya na sinabayan pa nito ng panduduro sa kanya.

     Binundol ng kaba ang kaniyang dibdib.

     May alam na kaya ito sa nangyari? Tanong niya sa sarili. Itinago niya ang lahat dahil ayaw niya ng maraming komplikasyon. Hindi pa niya alam kung ano ang magiging bunga ng ginawa niyang pagpapakasal kay Justin kaya gusto niyang ilihim muna ang bagay na ito kahit na sa kanyang kaibigan.

     "Ano bang pinagpupuputok ng butsi mo diyan?" pagmamaang-mangan niya sabay tabig sa daliri nitong dumuduro sa kanya.

     "Saan ka nanggaling kahapon? Alam mo bang buong araw mo akong pinaghintay sa cafe?!" pinandilatan siya nito ng mata.

     Natampal niya ang kanyang noo nang maalalang nangako nga pala siya na tutulungan ito sa paggawa ng narrative report na may kinalaman sa isinagawa nilang auction.

     "Tinatawagan ko ang bahay niyo pero ring lang nang ring," patuloy pa nito.

     "Naku, pasensya na, Gwen, ha. May pinuntahan lang kaming importante ni dad," pagsisinungaling niya rito. Hindi pa siya handang ipagtapat ang totoo.

     "Oh, siya, halika na nga. Wala naman na akong magagawa, eh," yakag nito sa kanya.

     Lumipas ang unang period nila sa umagang iyon na ang laman ng isip niya ay si Justin. Naririnig niya ang sinasabi ng kanilang professor pero wala rito ang atensyon niya. Ibinaling na lamang niya ang tingin sa labas ng bintana. Muling nagbalik sa kanyang alaala ang nangyari noong nagdaang araw matapos ang kanilang 'kasal'.

     Matapos nilang libutin ang ibabang bahagi ng apartment ay napagpasyahan nilang umakyat sa itaas upang makita ang kanilang magiging kuwarto.

     "Hoy , babae!" tawag nito sa kanya.

     "Huwag mo nga akong matawag na 'Hoy babae'. May pangalan ako noh!" nakapameywang na pangaral niya rito.

     "Yeah, right," patamad na tugon nito. "Akin ang kwartong 'to", anito, "at ikaw, dyan ka sa kwartong 'yan. Huwag na huwag kang magkakamaling pumasok sa kwarto ko ha!" bulyaw nito sa kaniya.

     Aba't kita mo nga naman ang gaspang ng ugali ng mokong na 'to!

     "Hoy, lalake! For your information, si Dad ang bumili ng bahay na 'to kaya wala kang karapatang umasta na para bang ikaw ang may-ari!" balik bulyaw niya rito.

     "Hoy, babaeng pinaglihi sa otap! 'Di ba ikaw ang nagplanong magpakasal sa'kin dahil patay na patay ka sakin?! Oh, tapos ngayong natupad na ang matagal mo nang minimithi na makamit at mapagsawaan ang maganda kong katawan ako pa ngayon ang walang karapatan?! Sino sa atin ngayon ang dapat na mahiya?!" tikom ang kamao at nagtatagis ang bagang na balik bulyaw nito sa kanya.

     Babaeng pinaglihi sa otap?! napatingin siya sa sariling katawan. Ang walang hiya!

     "Kung ako pinaglihi sa otap, Ikaw naman pinaglihi sa manok! Kalalaki mong tao grabe kung makaputak 'yang bibig mo!"

     Napapikit ang lalaki sa huli niyang tinuran. Tila ba nagpipigil ito ng inis. Nang magmulat ito ng mga mata ay mukhang mas kumalma na ito.

     "Okay," kapagdaka'y simula nito, "ganito na lang ang gawin natin" anito na dahan-dahan pa ang pagsasalita na tila ba isang pre-schooler ang kausap nito na siya namang nakapagpadagdag sa kaniyang inis. Pero dahil alam niyang wala na rin naman patutunguhan ang bangayan nilang dalawa, nagpasya na lamang siyang pakinggan ang kung anumang sasabihin nito. "Walang laman ang kwarto. So pupunta tayo ngayon sa mall para bumili ng mga gamit sa kwarto ko. At dahil pakana mo naman 'tong lahat, ikaw ang gagastos." pagtatapos nito sabay binirahan siya nito ng talikod at walang lingong-likod na bumaba ng hagdan.

     "Aba't! Hoy!" napapadyak pa siya sa sobrang inis. Pero muling nanumbalik sa kaniyang isip ang paalala ng kaniyang ama tungkol sa utang na loob nila sa mga magulang ni Justin. Maliban sa bahay ay wala nang ibinigay na pera sa kanya ang kanyang ama. Pero mayroon naman siyang savings sa bangko at malaki-laki din naman 'yon kaya mukha namang makakaya niyang punuin ang kwarto nito sa kung anuman ang mga pangangailangan nito. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya at tuluyan na siyang sumunod dito.

     Makalipas ang mahigit tatlong oras ng paglilibot at pamimili ng mga kailangan nito, sa wakas ay pabalik na sila sa kanilang bahay. Naghari ang katahimikan sa loob ng kotse nito at kung tutuusin, sa takbo ng mga pangyayari, mas gusto niya ang ganitong katahimikan habang kinukuwenta sa kanyang isipan ang natirang pera sa kaniyang savings account. Hindi biro-biro ang nagastos niya ngayon. Nilinaw din sa kanya ni Justin na hindi ito mag-aambag ng kahit ni singko sa mga gastusin sa bahay.

     "Hoy, Otap!" untag nito sa kaniya. Kanina pa siya nito tinatawag na otap. Ito na yata ang pinaka-sweet na endearment na narinig niya sa tanang buhay niya.

     "Ano 'yon, Manok?" balik pang-aasar niya rito.

     "Napansin ko lang, wala ka yatang binili para sa kwarto mo," puna nito sa kaniya. Mukhang kahit papaano eh napapansin din naman pala siya nito.

     "M-may binili naman ako. Hindi mo lang napansin dahil sa kapipili mo kanina. Sa online lang kasi ako bumili para mas mura," aniya rito. Inipit niya sa ilalim ng mga hita niya ang kaniyang kamay dahil sa tuwing nagsisinungaling siya ay hindi niya maitago ang panginginig ng mga ito.

     "Tsk! Maraming scammer sa online," pangaral nito sa kaniya.

     "Uuuyyy... Concern siya... Are you falling for me, Manok?" panunudyo niya rito.

     "Falling for me ka dyan! Gusto mong itulak kita para tuluyan ka nang ma-fall sa kalsada nang sa wakas eh mabawasan na ang mga asungot sa buhay ko?!" anito sa kaniya na hindi na napigilan ang inis at sandali pa siya nitong tinapunan ng nanggagalaiting tingin.

     "Ouch nemen!" umarte siyang nasasaktan sabay tutop ng dalawang kamay sa kaniyang dibdib. "Weg nemen genen, meshekheeet." aniya rito with so much feelings pa.

     Kung palaging ganito ang usapan nila, mas mabuting idaan na lang niya sa biro at pangungulit ang lahat dahil sigurado siyang walang pang isang buwan, durog na ang puso niya sa sobrang sakit ng mga salitang binibitawan nito sa kaniya.

     "Wag ka ngang pabebe. Hindi bagay sa'yo! Bagay lang 'yan sa mga cute na babae. Hindi sa tulad mo na--"

     "Hep! Hep! 'Wag mo nang ituloy, Manok kung ayaw mong--"

     "Kung ayaw kong ano?!"

     "Kung ayaw mong ano... 'yung ano... Ah! basta! 'yun na 'yun!"

     "'Wag kang magbabanta kung hindi mo naman--"

     "Kung ayaw mong halikan kita!" bigla niyang naisigaw. Wala na siyang maisip na iba pang sabihin dito para kahit naman papaano eh manalo siya sa bangayan nilang dalawa. At tulad nga ng hinala niya, tuluyan na itong nanahimik.

     Gano'n ba talaga ako kasuklam-suklam? piping tanong niya sa sarili.

     Hanggang sa makauwi na sila ay nanahimik na ang lalaki. Nagkaniya-kaniya na sila ng pasok sa kanilang mga kwarto nang maayos na nila ang kanilang mga gamit.

----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Mischievous Bride Unwilling GroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon