Chapter 5

72 5 9
                                    

“DANIELLE!” salubong sa kaniya ng kaniyang Ninang Agnes. Niluwangan nito ang bukas ng gate at pinapasok na siya sa magara nitong mansyon.

     “Good afternoon ho, Ninang,” bati niya rito sabay yakap. Gumanti naman ito ng mahigpit na yakap sa kanya na may kasama pang halik sa pisngi. Ninamnam niya ang mainit na yakap nito. Hindi man sila laging nagkikita ay ito lamang ang kilala niyang mother figure mula noong mamatay ang kaniyang ina.

     “I thought nakalimutan mo na ‘ko,” may hinampong saad nito.

     “Puwede ba naman ‘yon, Ninang? Masyado lang ho talaga akong naging abala sa mga gawain sa eskwelahan, tapos si Papa…” hindi na niya naituloy ang sasabihin. Hindi niya alam kung dapat bang mag-open up siya rito.

     “Ano ang tungkol sa Papa mo, hija?” pangungulit nito sa kanya.

     Pinag-isipan niya nang mabuti at maya-maya’y nagpasya na huwag na lang itong ungkatin pa.

     Wala naman silang maitutulong kung sakali.

     “W-wala ho, Ninang.”

     “Oh, siya, sige. Halika na sa loob at nang matikman mo naman ang aking luto. Dito ka na mananghalian at maghapunan, ha?” tuluyan na siyang pinapasok nito.

     Inilibot niya ang kaniyang paningin sa kabuuan ng napakalaking tahanan nito. Hindi naman nagkakalayo ang istruktura at disensyo ng mga bahay nila. Palibhasa’y matalik na magkaibigan ang kaniyang ina at ang Ninang Agnes niya. Malaking bahagi ng bahay ang gawa sa glass. Tatlong palapag ang mansiyong ito na may malawak na solar at malaking swimming pool sa likurang bahagi ng bahay. Kulay puti ang kulay nito na nagdagdag sa pagiging grandyoso nito.

     “Oh, mukhang may hinahanap ka yata?” puna nito sa kaniya nang makitang palinga-linga siya sa paligid. Tinapunan niya ito ng tingin at doon niya napagtanto na hindi lang ito basta nagtatanong. Nasa mga mata nito ang pilyang panunudyo.

     “Wala naman ho, Ninang. Sino naman ho ang hahanapin ko, eh, panigurado namang wala siya ngayon dito—“

     “Hahaha,” napahagalpak ng tawa ang Ninang Agnes niya. Gusto niya mang kutusan ang sarili ay hindi niya naman magawa sa harapan nito. Ang dali-dali talaga niyang mahuli.

     “Ninang naman, eh…” nakangusong yakap niya rito.

     “Hahaha…” patuloy nitong pagtawa. Kinalma muna nito ang sarili bago siya kinalas mula sa pagkakayakap niya rito. Hinamig nito ang mga hibla ng buhok niyang tumabon sa kaniyang mukha. “Hija, sa akin ka pa ba maglilihim? Natutuwa lang ako dahil hanggang ngayon ay hindi ka pa nagbabago. Si Justin pa rin ang gusto mo,” masuyo lamang siya nitong nginitian.

     “N-ninang…” muli na namang nagtalo ang kanyang kalooban kung sasabihin nga ba rito ang problema niya. Pinisil nito ang kamay niya at inakay na siya patungo sa sala.

     Hanggang panaginip at pangarap na lang ho ‘yon. Nais niya sanang isatinig.

     “Kung kami ng Ninong Bert mo ang masusunod, ikaw ang gusto namin para kay Justin,” anitong ikinagulat niya. “Pero mga bata pa kayo. Ayaw naman naming pangunahan ang mga desisyon niyo,” patuloy nito. “Dito ka na lang muna at titingnan ko lang kung luto na ang pagkain. Ha’mo at maya-maya’y bababa na rin si Justin,” dagdag pang-aasar nito sa kaniya. Tumango na lamang siya at hinayaan na itong magtungo sa kusina.

     Imbes na maupo kaagad ay pinasadahan niya ng tingin ang mga picture frames na nakasabit sa dingding. Kung gaano kaputi ang kabuuan ng sala ay kabaliktaran naman ito ng isang panig ng dingding kung saan nangakasabit ang pagkarami-raming larawan ng pamilya at mga kaibigan nito mula pa noong bagong kasal ang mag-asawa hanggang sa ngayong binata na ang anak ng mga ito.

     Napadako ang kaniyang tingin sa isa sa mga larawan ni Justin. Sa kuha nito ay nakasuot ito ng basketball jersey na kulang navy blue. Pawisan ito pero bakas ang kasiyahan sa mukha nito.

     Sus! Grabe kung makangisi ‘pag iba ang kaharap pero kapag ako na akala mo naman nakakain ng sampung sili na pinigaan ng kalamansi sa sobrang sungit. Salamat ka…! Hiyaw ng kaniyang isipan.

     Muling nagpatuloy ang paglalakbay ng kaniyang mata sa iba’t ibang larawan. May mga larawan kung saan kasama niya ang mag-anak na Lee. May mga litrato ring silang dalawa lang ni Justin ang magkasama. Katulad na lang ng isang ito kung saan makikitang nakasalampak sila sa sahig habang naglalaro ng mga lego blocks. Ngiting ngiti siya sa larawan samantalang ito ay tila lalamunin na siya sa sobrang talim ng pagkakatitig sa kaniya. Naaalala pa niya ang araw na ito. Ito rin ‘yung araw na…

15 years ago…
“Hoy, Justin!”

“Ano bang problema mo? Kanina ka pa sunod nang sunod sa’kin, ah. Isusumbong na kita kay mommy!”

“Kuuuh… Napakasumbongero mo naman. May sasabihin lang naman ako sa’yo ah,” aniya rito sabay dukot sa bulsa niya ng bagay na kanina pa niya gustong ibigay rito. Nakita niya na ganito ang ginawa ng Tito Danny niya sa girlfriend nito kanina. “Oh, ito. Kunin mo,” aniya rito sabay abot dito ng singsing na gawa sa plastic.

“Para saan naman ‘yan? Anong gagawin ko diyan eh ang pangit-pangit niyan!”

“Hoy! Teka lang! Sobra ka naman!”

“Eh, para nga saan ‘yan?” iritableng tanong ng batang lalaki sa kanya.

“Yan ang engagement ring natin. Suotin mo ‘yan lagi. Dahil paglaki natin, ikaw ang pakakasalan ko,” aniya rito sa napakalapad na ngiti.

“Mommyyy!” sigaw na sinabayan pa ng takbo palayo ng batang lalaki.
---------------------------
     “Nagpapasok na naman ng baliw ang nanay ko,” masungit na untag sa kaniya ng isang baritonong boses.

     Nakuuu! Kahit kailan talaga!

     “Ehem!” sinadya niyang lakasan ang pagtikhim.

     “May ubo ka ba? Mas mabuti pang umuwi ka na lang at baka maikalat mo pa sa bahay namin ‘yang sakit mo,” pagsusungit ng lalaki.

     Isa… dalawa… tatlo… apat… dahan-dahan siyang pumikit at nagbilang sa isipan habang kinakalma ang kaniyang puso. Kung sa inis o sa kilig ay hindi niya mawari. Nakapikit pa rin siya nang tuluyang humarap sa dako nito. Hinanda na niya ang sariling magtaray rito.

     “Mister—“ naputol na ang kung ano pa mang sasabihin niya at napamulagat na lamang siya rito.

     “Mister ano? Huy! Natulala ka na dyan!” untag nito sa kaniya at dahan-dahang lumapit sa kinatatayuan niya.

     “P-pandesal…” wala sa sariling dugtong niya.

     “Mister Pandesal?! Are you checking me out?!” kunwari’y nahintakutan ito sa kaniya nang itinakip nito sa pang-itaas na katawan ang tuwalyang nakasampay sa balikat nito at bahagya pang umatras.

     Pandesal, Dan? Really? Pandesal?! Oh my… Kunin niyo na po ako, Lord…

     Hinamig niya ang sarili at ipinilit na ibinalik ang composure. Muntikan na naman siyang matuliro ng pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan nito. Swimming trunks lang ang suot nito at nakabalandra sa kaniya na parang daing ang buo nitong kamachohan. Kinastigo niya ang sarili at tuluyan nang nagtaray bago pa mahulaan ng lalaki na umaandar na naman ang kamanyakan niya.

     “Checking you out ka diyan! Mahiya ka nga sa sarili mo! Pandesal ang nasabi ko kasi may nakita akong pandesal sa picture, oh” sabay turo pa sa kaniyang likuran at iminuwestra niya ang mga litratong kanina lamang ay tinitingnan-tingnan niya.

     “Gawa-gawa ka na naman ng kuwento.” Pang-aasar nito sa kaniya. “Eh, wala namang pandesal diyan. Baka naman namangha ka lang sa ganda ng kantawan ko.”

     Namilog ang kaniyang mga mata sa sinabi nito. Siya naman ang napaatras nang unti-unti itong lumapit sa kaniya. Gadali na lamang ang pagitan nila nang muli itong magsalita. Napatingala siya rito nang marinig ang malamyos ngunit may bahid ng kapilyuhang tinig nito

     “Are you still fantasizing about me being your husband?” nakakaloko itong ngumisi sa kaniya.

     “H-hin—“

     “Ms. de Juan,” putol nito sa kung anuman ang sasabihin niya. “For your information, hindi ako mahilig sa mga babaeng otap ang katawan,” anito habang hinahagod ng tingin ang buo niyang katawan na nagtagal pa sa pagtitig sa kaniyang dibdib. Napanganga siya sa sinabi nito. Naitakip niya ang kamay sa kaniyang dibdib na tila ba may x-ray vision ang lalaki. Hindi  niya malaman kung ano ang sasabihin.

     “Isarado mo na ‘yang bibig mo. Baka mapasukan ng langaw,” anito sabay bira ng talikod at tuluyan nang lumabas sa may pool area. Naiwan na lang siyang natigagal sa kaniyang kinatatayuan.

-----------------------
Hi, Readers! Maraming salamat sa pagbabasa. This is my friend's work and I am very much happy to share this with you. Medyo may katagalan ang update because according to her, "Marami akong ginagawa 😑". 😁 But don't worry, magaling akong mangulit.

Thank you so much, Guys!

Mischievous Bride Unwilling GroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon