Chapter 9

61 8 3
                                    

ISANG linggo!!!

     Isang linggo na siyang nagtitiis! Kung bakit ba naman kasi sa dinami-rami ng mga lalaki sa mundo eh dito pa siya nagkagusto sa damuhong 'to. At eto namang tangang puso niya kahit ano yata ang gawin niya si Justin pa rin ang itinitibok nito.

     Heart naman... tama na . Pagmamakaawa niya sa sarili. Pero anong magagawa niya kung isang ibla o isang daliri pa nga lang sa paa ang nakikita niya eh pati yata bulate sa tyan niya kinikilig na.

     Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay walang sandali na hindi sila nagbabangayan kapag nagkakasalubong sila sa bahay. Sa paaralan naman ay walang pansinan dahil na rin sa kagustuhan nito at sa kagustuhan na rin niya na itago ang sitwasyon nila.

     Kanina pa niya dinudutdot ng tinidor ang niluto niyang hotdog. Wala talaga siyang ganang kumain dahil kanina pa masakit ang ulo niya. Malamang na sa ka-co-computer niya 'to. Marami kasi siyang deadline na kailangang habulin kung gusto niyang kumita ng malaki-laki para sa buwan na ito.  Kahit na wala na siyang maisip na eksena sa kuwento pilit niya pa ring pinipiga ang utak niya para lang may maisulat.

     Muli niyang pinagmasdan ang gutay-gutay na hotdog sa kanyang plato at nagpasya siyang itapon na lang ito dahil wala talaga siyang gana. Akmang itatapon na niya ito sa basurahan nang maalala na hindi nga pala siya dapat magsayang ng pagkain dahil kulang na siya sa pera. Ipinasok na lamang niya ito sa loob ng refrigerator. 

     Sabado ngayon at napansin niyang wala na nga pala siyang maisusuot na damit. Nagtungo siya sa laundry room at inumpisahan ang paglalaba. Wala siyang alam sa paglalaba dahil nasanay siyang may naglalaba para sa kaniya. Kinuha niya ang lahat ng kaniyang damit at ipinasok iyon lahat sa washing machine. Nang matantyang hindi naman aabot sa limit ng machine ang ipinasok niyang mga damit nilagyan na niya ng tubig ang washing machine at nagbuhos din siya ng tatlong pakete ng detergent powder. Hindi pa siya nakuntento at dinagdagan pa niya ito ng bleach para siguradong malinis. 

     Mukha namang hindi matapang 'yung bleach. May baby sa cover ng bote eh. Okay na 'yan.

     Nang makita na umiikot na ang machine at mukhang wala namang problema, umupo muna siya sa sala at nanood ng telebisyon. 

     Haaayyy... Ang sarap ng buhay kapag wala sa bahay ang asungot. Ipinikit niya ang mga mata ang muling dinama ang kaiga-igayang pakiramdam na hatid ng katahimikan. Malamang ay dala na rin ng stress at pagod sa nagdaang mga araw hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya.

     "Hoy, tanga! Gising! Kahit kelan talaga tatanga-tanga ka!"

     Bigla siyang napabalikwas ng bangon dahil pakiramdam niya ay mababasag ang tainga niya sa sigaw na narinig niya. Nanlalaki ang mga matang nilingon niya ang pinanggalingan ng boses at ganoon na lang ang pagtataka niya nang makitang galit na galit sa kaniya si Justin sa kung anong dahilan.

     "Pwede bang hinaan mo 'yang boses mo?!" balik sigaw niya rito. "Kahit kelan talaga bastos kang lalaki ka! At sino ang tinatawag mong tanga?!" tuluyan na siyang nainis nang maalala niya ang tawag nito sa kaniya kanina.

     "Oh, eh sa talaga namang tanga ka, eh. Tingnan mo nga ang ginawa mo!" nakasigaw pa rin ito sa kanya sabay turo sa bandang likuran nito.

     Nanlaki ang mga mata niya nang makita niya kung ano ang tinutukoy nito. Mula sa kinauupuan niya sa sala ay napatakbo siya patungo sa laundry room at bumungad sa kaniya ang basang-basang sahig at mula sa washing machine ay nakita niyang sobra-sobrang bula ang lumalabas mula rito kahit na natatakpan pa ito. Ang mga bula ang kumalat na sa sahig at kung hindi siya mag-iingat sa paglalakad ay siguradong madudulas siya.

     "Linisin mo 'yan!" anito sa kaniya sabay talikod. "Pesteng buhay 'to. Pagod ka na nga ito pa mauuwian mo." dinig niyang dagdag pa nito habang paakyat ito sa kwarto nito.

     Hindi na niya nagawang gumanti ng sagot dito dahil alam niyang may mali siya. Pero sobra naman na sigurong tawagin siya niyong tanga. Nilunok na lang niya ang lahat ng inis at murang nais na kumawala mula sa kanyang bibig at sinimulan niya ang paglilinis.

     Makalipas ang kalahating oras ay nalinis na niya ang laundry room at inilabas na mula sa washing machine ang kaniyang mga damit.

      Kung bakit ba naman kasi nakalimutan kong dalhin sa labandera ang marurumi kong damit. Kastigo niya sa sarili.

     Dahil nga walang alam sa paglalaba, basta na lang niyang sinampay ang mga damit nang hindi niya pinipigaan. Pagod siya sa ginawang paglilinis ng sahig kaya naman minadali na niya ang ginagawa at hindi na masyadong pinagtuunan ng pansin ang ginawang pagsasampay. Basta maisampay ayos na. Pagkatapos niya magsampay ay bumalik na siya sa kwarto at sinimulan na ang trabaho.

     Ilang minuto na siyang nakatitig sa screen ng laptop niya pero wala na siyang maidugtong sa istoryang isinusulat niya. Nagpasiya siyang lumabas ng kwarto at manood ng isang romance film. Baka sakaling ma-inspire siya sa mapanood. Dala ang laptop ay pumuwesto na siya sa harapan ng telebisyon at nanood. Palipat-lipat siya ng channel hanggang sa may makita siyang pelikulang natipuhan niya.

     Nasaan na kaya ang mokong na 'yun? Nananghalian na kaya siya? Nahuli niya ang sariling nag-aalala kay Justin pero bigla din niyang kinastigo ang sarili.

     Wala siya pakialam sa'yo, okay? So, dapat wala ka ring pakialam sa kaniya.  Para siyang baliw na sinasaway ang sarili.

     Ipinagpatuloy na lang niya ang ginagawang panonood at pilit na iwinaksi sa isipan ang imahe ng lihim na sinisintang pururot niya.

     "Hoy, babae!" rinig niyang tawag nito sa kaniya.

     Heto na naman tayo...

     Saglit niya lang itong tinapunan ng tingin at inirapan. Nakita niyang palapit ito sa kaniya na may dala-dalang damit na para bang tie dye ang design.

     Nagsusuot pala siya ng ganon?

     "Ano na naman?" tanong niya rito na pinanatili ang kanyang mga mata na nakatuon sa telebisyon.

     "Anong ano na naman? Did you know that you just ruined my favorite shirt?!" anito sa kaniya sabay hagis sa kandungan niya ng damit na hawak nito kanina.

     "Hoy, manok! 'Wag mo nga akong pagbibintangan! Wala akong sinisirang damit mo noh!" Napatayo na rin siya na hawak pa rin ang damit na inihagis nito sa kaniya.

     "Oh, eh di ba lahat ng nakasampay sa likod ikaw ang naglaba?!"

     "Oo, so?"

     "Nasama sa mga labahin mo ang tee shirt ko."

     Tinignan niya ang damit na hawak at bahagyang iniunat.

     "Anong problema dito? Okay naman ah. Mahilig ka pala sa tie die. Hindi bagay sa image mo. Hahaha," dinugtungan pa niya ng pang-aasar para lang may maiganti siya.

     "For your information, Danielle, hindi TIE DYE ang tee shirt ko!" sagot nito sa kaniya na halatang nagtitimpi sa inis dahil napapikit pa ito at nakakuyom ang mga kamao. "It was a plain, black shirt pero dahil sa katangahan mo, 'yan ang kinalabasan! Bayaran mo 'yan!"

     O-ow....

-----
Nakuuu... Kelan nga ba matatapos ang bangayan ng dalawa? May katapusan nga ba? Sino ang unang susuko? Mas lalalim pa kaya ang asaran ng dalawa? Darating kaya ang panahon na magkakaroon ng katahimikan sa mga buhay nila?

Antabayanan sa susunod na mga kabanata... 😊

-----
The author would really appreciate your comments and votes. It motivates her to go on with the story. Thank you po sa mga nag-spend ng time na magbasa. Hanggang sa muli!!!

Mischievous Bride Unwilling GroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon