FINAL CHAPTER
Copyright © Marco Jose (SiMarcoJoseAko)
Nagulat si Daddy sa naging desisyon ko. Tinanong niya ako kung mayroon bang nangyari ngunit hindi ko na siya nagawang masagot pa. Magalang lang akong nagpaalam sa kanya at tsaka ako nagmamadaling umakyat sa kwarto ko. Agad akong napahiga sa kama ko at doon lang ako nagkaroon ng lakas para muling umiyak. Siguro, mas maganda na 'yong ganito. Ang itigil ko na ang nasa pagitan naming dalawa. Gusto ko ng makalimot, gusto ko ng hindi masaktan pa. At alam ko sa sarili ko na ito dapat ang una kong gawin. Ang putulin lahat ng nasa pagitan naming dalawa.
Nang matapos ako sa pag-iyak ay agad akong tumayo upang maligo. Hinubad ko lahat ng suot kong damit at agad na pumasok sa loob ng banyo. Dahan-dahan kong binuksan ang shower at pinakiramdaman ang malamig na tubig na dumadaloy sa buo kong katawan. Ipinikit ko ang mga mata ko at inalala ang nangyari kagabi. I gave myself to him, I gave everything I have to him. Tanga na kung tanga, pero hindi ko pinagsisisihan na ibinigay ko ang sarili ko sa kanya. Mahal ko si Axcel, isang malaking bagay na hindi dapat.
Unti-unting bumalik sa isipan ko ang mga nangyari kagabi. Kung paano ko ibinigay ng buo ang sarili ko sa kanya. Kung paano ko ipinaramdam sa kanya na mahal na mahal ko siya. I never thought that I would be this insane because of him. Gusto kong matawa sa sarili ko. Kung dati ay tinatawanan ko lamang siya at inaasar. Ngayon, hindi ko maisip na mahal na mahal ko na siya. Hindi ko lubos akalain na mamahalin ko siya ng ganito.
Isang oras din ang tinagal ko sa pagligo bago ako natapos. Nagpalit lang ako ng sando at short shorts. Wala naman akong pasok ngayon at gusto ko lamang magpahinga dahil pakiramdam ko ay pagod na pagod ang buo kong katawan sa nangyari kagabi. Humiga lang ako at agad din akong dinalaw ng antok.
BIGLA akong naalimpungatan ng biglang bumukas ang pinto ng kwarto ko. Napaupo ako sa kama ko sa sobrang gulat dahil sa sobrang lakas ng pagkakabukas noon. Agad akong lumingon sa may pinto ng kwarto ko at halos manlaki ang mga mata ko ng makita ko kung sino ang naroroon. Agad na naghumerantado ang puso ko ng makita ko ang mukha niya na hingal na hingal habang nakatitig sa akin. Tanging puting sando lamang ang suot niya at isang itim na jersey shorts. Naaninag kong madilim na sa labas ng kwarto ko na marahil ay papagabi na.
Napalunok ako ng wala sa oras ng bigla siyang pumasok at malakas na isinarado ang pinto ng kwarto ko. Hindi ko alam kung galit ba siya o nag-aalala sa akin. Nakita kong nagtagis ang mga bagang niya ng lumapit siya sa akin, sa may dulo ng kama ko.
"A—Axcel." Nauutal kong sabi sa kanya.
"Bakit ba napaka-makasarili mo kahit kailan?!" Bigla niyang sigaw niya sa akin. Napalunok ako ng wala sa oras. Galit na galit siya. Nakikita kong nag-feflex ang mga muscles niya sa katawan at lalong-lalo na sa panga sa sobrang galit.
"Hindi mo man lang ako tinanong kung payag ako sa ginawa mo! Sarili mo lang ang inisip mo, hindi mo man lang ako inisip!" Sigaw pa rin niya sa akin. Nakatitig lamang ako sa kanya at pilit na iniintindi ang mga pinagsasabi niya. Wala akong ideya kung bakit siya galit na galit ngayon sa akin.
"Ano bang problema mo?!" Nagawa ko siyang sagutin. Lihim akong nagpasalamat sa sarili ko dahil hindi ako nautal sa pagsagot sa kanya.
"Tang ina, ano ang problema ko?! Ikaw! Ikaw ang problema ko, Heena! Ang hirap sa'yo, tinatago mo lang ang nararamdaman mo at hindi mo man lang sinasabi! Tapos bigla mo na lang akong iiwan ng ganoon?! Kung hindi pa ako tinawagan ng mga magulang ko, hindi ko pa malalaman!" Sigaw niya. Napakunot ang noo ko sa sinabi niyang iyon.
"Ano bang palagay mo sa akin kagabi?! Lasing na lasing at hindi ko na matatandaan ang mga nangyari sa atin?! Hindi ba't sabi ko sa'yo na huwag mo akong iiwan! Na lagi ka lang sa tabi ko?! Mahirap bang intindihin 'yon, ha?!" Sigaw pa rin niya sa akin. Nagpalakad-lakad siya habang napapahawak sa sentido niya na tila ba sumasakit sa kakasigaw niya.
BINABASA MO ANG
Just If (What If It's Love, Published Under Summit Media)
RomancePublished Under Summit Media, Pop Fiction. (What If It's Love) A story where forever doesn't exist. #BSS3