Tumirik ang aking mga mata sa ginawa ni Venus sa aking kaibigan. Pawang wala siyang pinag-aralan. Ganiyan na ba ang naidudulot ng kasakiman?
"Walang sinuman ang maaaring makaagaw ng titulo sa akin bilang Valedictorian! Tandaan niyo iyang lahat!" Wika niya habang nandidilat ang kaniyang mga mata at dinuduro-duro niya kami isa-isa.
Nais kong lapitan ang aking kaibigan na nakasubasob sa sahig habang tinatapakan siya ni Venus. Halos yurakan na nito ang kaniyang pagkatao sa sobrang pamamahiya rito.
"Sa silid na ito, ako ang masusunod! Sapagkat kapag sinuway niyo ang utos ko, buhay niyo kaagad ang kapalit. Maliwanag ba?" Wika niya habang nakapameywang siya sa harapan ng aming silid at patuloy na ginagasak-gasak ang aking kaibigan.
Wala akong magawa. Ni hindi ko matulungan ang aking kaibigan sa paglalapastangan ni Venus sa kaniyang katawan. Naiinis ako sa sarili ko dahil nagiging sunod-sunuran ako sa kaniya. Takot kasi ako. Takot akong mahusgahan at pandirihan ng mga tao kapag nalaman nila ang tunay kong anyo. Kaya tahimik lang ako sa isang sulok na parang alipin na hindi alam ang gagawin.
"Tama na Venus! Masakit! Tigilan mo na ako! Tanggapin mo na lang na naungusan kita!" Wika ng aking kaibigan. Lakas loob niya itong ipinagduldulan sa mukha ni Venus kahit na hirap na hirap na siya sa kalagayan niya.
Kami mismo ang nagpapakatanga sa pang-aalipin sa amin ni Venus. Tanging si Mara lamang ang may lakas ng loob na kalabanin siya. Kaya bilib ako sa kaibigan kong iyan. Hindi kasi ako biniyayaan ng tapang kaya duwag akong humarap sa mundo.
At isa pa, nag-iingat lang ako na huwag maisiwalat sa sangkatauhan ang tunay kong pagkatao. Mahirap na, ayokong mausig dahil sa itsura ko at sa kung ano ako. Kaya kami'y mga nakayuko lang habang pinapanood ang ginagawang pagpapahirap ni Venus kay Mara.
"Ganun? Ah sige, gusto mo talagang makatikim ano? Pagbibigyan kita." Wika ni Venus habang hawak-hawak niya sa buhok si Mara at pinanggigigilan.
"Ahh!" Sigaw ni Mara sa sobrang sakit na kaniyang nararamdaman. Nais niyang pumalag ngunit hindi niya magawa.
Biglang nagliwanag ang kanang kamay ni Venus na sadyang nakakasilaw. Ito na ang pinaka kinakatakutan namin, ang pagbabagong anyo ni Venus. Iyon ang dahilan kung bakit takot sa kaniya ang karamihan.
Sa pagliwanag ng kaniyang kanang kamay, lumitaw dito ang pigura ng isang ahas na napapalibutan ng apoy. Binitiwan niya si Mara sa pagkakasabunot sa buhok nito at unti-unti na siyang umaangat sa ere. Hindi ko na pinalagpas pa ang pagkakataon at dali-dali kong nilapitan si Mara na nakalugmok sa sahig at halos bugbog sarado na sa kamay ni Venus. Dali-dali ko siyang niyakap at humingi ako ng kapatawaran.
"Sorry Mara, wala akong magawa para maipagtanggol ka kay Venus." Wika ko habang dumadaloy ang mainit kong luha sa aking mukha.
"Wala kang kasalanan Liana kaya tumahan ka na." Pang-aalo niya sa akin habang nakangiti na para bang walang iniindang sakit, kasabay nito ay ang pag-agos din ng kaniyang luha.
Halos nanginginig na ang mga kaklase ko sa takot ng mapansin naming nagbabagong anyo na si Venus.
Ang kaniyang mahabang buhok na kulay itim ay naging kulay berde at naging ahas ang bawat tumpok nito. Walong ahas ang naging buhok niya sa ulo, na sa bawat ulo ng ahas ay napapalibutan ng pulang apoy na para bang sabik na manuklaw ng tao.
Ang kaniyang mata ay naging kulay berde rin na nanlilisik at pawang punong-puno ito ng galit. Ang katawan niya ay nagkaroon ng kalislis ng ahas. Naging kulay berde rin ang kaniyang kulay. Ang kaniyang dila ay kagaya na sa ahas. Ang braso naman niya ay parang apoy na naglalagablab.
Ang kaniyang kasuotan ay nabago rin. Naging kulay berde ito na tube na hapit sa kaniyang katawan na nagpakita ng kagandahan nito. Naging palda ang suot niya sa pambaba na nakaalsa papaitaas. At ang sapatos niya ay may taas na isang dangkal. Naging kakila-kilabot ang kaniyang itsura. Unti-unti na siyang lumalapag pagkatapos niyang magbagong anyo. Kahindik-hindik ang aurang bumabalot sa kaniya ngayon.