Sino Ang May Sala

248 10 4
                                    

Malakas ang kabog ng dibdib ni Misty habang binabaybay ang mahabang pasilyo ng kanilang paaralan. Simula kasi nang lumabas siya ng kanilang silid ay hindi na siya mapalagay. May kung anong presensiya siyang nararamdaman na tila ba umaaligid sa lugar. Pakiwari pa niya'y may mga matang sa kanya'y lihim na nakamasid. Bukod pa ro'n, paminsan-minsan ay may naririnig siyang mahihinang yapak na tila ba palihim na sumusunod sa kanya.

Sa kalagitnaan ng kanyang paglalakad ay napayakap siya sa kanyang sarili. Bigla kasing umihip ang malamig na hangin na para bang humahaplos sa kanyang balat. Tila ba hinahagod nito ang kasuluk-sulukang parte ng kanyang katawan. Nakadagdag tuloy ito lalo ng kilabot sa madilim na pasilyong kanyang nilalakaran kung saan tanging mga lumang lamp post na lang sa paligid ang nagbibigay sa kanya ng tanglaw. Ang ilan pa rito'y pundido na, ang iba nama'y parang christmas light na patay-sindi.

Nagpatuloy lang siya sa kanyang paglalakad, diretso ang tingin. Tahimik pa rin ang paligid kaya't dinig na dinig niya ang kanyang paghinga. Sandali siyang luminga sa paligid, ngunit agad din naman niya iyong binawi na may halong pagtataka. Kataka-taka kasing ni-isang estudyante ay wala siyang nasulyapan. Bago iyon sa kanya dahil ngayon lamang iyon nangyari. Dati-rati nama'y sa ganitong oras ng gabi ay may mangilan-ngilan pang estudyante ang nagkalat sa paligid ng kanilang paaralan. Ngunit ngayon, wala. Nagmistulang abandonadong lugar ang kanilang paaralan.

Sandali siyang napahinto. "Sino 'yan?" Kunot noong tanong niya sa isang aninong may korteng babae. Bago pa man niya ito masundan nang tingin ay mabilis itong naglaho kasabay ng hangin. Agad niyang naramdaman ang unti-unting paggapang ng takot sa kanyang buong sistema. Ang mga buhok sa kanyang katawan ay isa-isa nang nagsisitayuan. Hindi na niya kaya. Unti-unti nang sinasakop ng takot. Sinubukan niyang pakalmahin ang sarili. Huminga muna siya ng malalim bago iniling-iling ang kanyang ulo, hindi pa nakuntento at sinampal-sampal pa ito at pilit na kinumbinsi ang sarili na guni-guni niya lang iyon.

Paliko na sana siya sa kabilang parte ng pasilyo nang may maramdaman na naman siya. Ilang sandali pa'y isang tinig ang kanyang narinig--- isang malumanay at malamig na tinig ng isang babae na tila ba nanggagaling sa hukay.

"Misty. Misty." Paulit-ulit na tawag sa kanya nito. Muli na naman siyang binalot ng kilabot sa katawan nang mapagtanto kung kaninong tinig iyon. Hindi siya maaaring magkamali. Kilalang-kilala niya ang nagmamay-ari ng tinig na 'yon. Kilalang-kilala. Iniangat niya ang kanyang tingin, hindi pa nakuntento at ipinalibot niya sa paligid ang tingin. Mula sa 'di kalayuan ay may nahagip na puting imahe ang kanyang mata na naging dahilan upang unti-unti na namang gumagapang ang takot sa kanyang katawan. Hindi nagtagal, ay kumaripas na siya ng takbo patungo sa pinaka-malapit na banyo. Nang makapasok sa loob ay dagli niyang itong ni-lock, hindi pa nakuntento at sumandal pa siya sa pinto. Habang nasa ganoong posisyon ay hinahabol niya ang kanyang paghinga.

Halos mapasigaw siya nang biglang mamatay ang ilaw sa loob nito. Kasunod noo'y ang pagkalampag ng pinto sa kanyang likuran na naging sanhi ng kanyang labis na pagkabigla. Dahil sa naka-dikit dito ang kanyang likod ay ramdam na ramdam niya ang isang malakas na pwersa. Tila ba may isang malaking bagay ang hinahampas dito. Desidido itong mabuksan ang pinto at makapasok sa loob. Wala nang ibang nagawa si Misty kundi ang magdasal ng taimtim at pigil na pigil ang mga luha na nagbabadyang kumawala.

Nagpatuloy pa ang pagkalampag. Kahit nanginginig ang tuhod ay pinilit niyang makalayo sa pinto, nararamdaman na niyang ilang sandali na lang ay mawawasak na ito at tuluyang mabubuksan. Nang mga oras na 'yon, hindi na niya alam kung ano ba ang dapat niyang maramdaman. Takot. Kaba. Halu-halong emosyon na ang umiral sa kanya. Hindi siya handa sa kung anong maaari niyang makita.

Makalipas ang ilang saglit, dahan-dahang bumukas ang yupi-yuping pinto na siyang lalong nakapagdagdag ng takot kay Misty. Hindi na niya malaman kung ano ang kanyang gagawin. Habang nasa isang sulok ng banyo at nanginginig sa takot ay may nakapa siyang isang matigas na bagay. Hinawakan niya iyong maigi gamit ang kanyang kamay na nanginginig pa. Itinaas niya iyon at handang ipalo sa kung anumang lalabas sa kanyang harapan.

First Attack - Know Your GenreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon