"There is danger for him who taketh the tiger cub and danger also for those whoso snatches a delusion from a woman." Tiniklop ko muna ang binabasa kong libro na ginawa ni Arthur Conan Doyle. Naaliw ako sa pagbabasa habang hinihintay ko ang mga kasama ko na matapos nila ang pag-aaral.
"Bye Kath! Una na kami baka mahuli't mapagalitan pa kami ng Librarian natin," bulong nung kaklase kong si Yvonne sa tenga ko tapos mabilis na lumabas siya sa silid aklatan kung saan kami nag-rereview para sa nalalapit na defense namin. Tumango ako at sumunod na din sa kanya ang dalawa pa naming kasama na parehong natatranta na rin.
Nang makalabas na sila ay binuksan ko ulit ang libro at bumalik sa pagbabasa, "There is as much sense in Hafiz as in Horace, and as much knowledge of the world." Nagpakawala ako ng malalim na buntong hininga at sinara ang libro.Lumiyad at humikab ako bago tumayo at binalik ang mga aklat na hiniram ko. Nilalagay ko sa tamang ayos ang mga aklat nang halos kumawala ang puso't kaluluwa ko sa biglaang pagsulpot ng mukha ng masungit na Librarian namin.
"Miss de Silva, bakit nandito ka pa? It's already past ten in the evening. You should be heading out." Masungit na bulyaw niya sa akin. Pinaikot ko na lang ang mata ko saka nilagpasan siya. Panay naman ang litanya niya habang nakasunod sa akin. "Hindi porket isa ang Daddy mo sa mga nagsusuporta sa paaralang ito ay pwede mo nang gawin ang gusto mo Miss de Silva. You are still a student and you should abide by my rules in this place. Eight PM is eight PM Miss de Silva."
Pinalagpas ko na lang sa kabilang tenga ko ang mga sinasabi niya habang inaayos ko ang gamit ko. Hindi pa rin siya napapagod sa paglilitanya sa likod ko kaya mas minadali ko ang pag-aayos.
"Bye Miss Quintana!" Sumingit ako sa walang katapusang litanya niya at naglakad na palabas.
Naglalakad ako dito sa madilim na daan sa likod ng isang abandunadong apartment dito sa aming lugar. Mas minabuti kong maglakad pauwi galing sa eskwelahan dahil narinig ko kaninang umaga na nagkasakit yung drayber namin. Malapit lang din naman ang bahay namin kapag dito ako dadaan kaya nakapagdesisyon ako na maglakad na lang. Sanay na din naman ako na maglakad sa gabi dahil kadalasan ay tumatakas ako sa bahay para gumala. What? I am a teenager too. Normal na sa edad ko ang gumala sa gabi. At masyado nang busy ang tatay ko para mapansing wala ako tuwing natutulog siya.
"W-wag po!" Medyo napahinto ako nang makarinig ako ng boses na may halong hinagpis. Sunud-sunod na ungol at iyak ang narinig ko kaya nakapagdesisyon ako na magtago at silipin kung ano ang meron. Lalaki. Lalaki ang naririnig kong nagmamakaawa sa taong nasa ibabaw niya. Napalunok ako nang makita ko ang pagbaon ng matalim ng kutsilyo sa leeg ng lalaki. Tatakbo sana ako papunta sa kanila nang makaramdam ako ng malamig na bagay sa kamay ko. Nilingon ko iyon at nakita ko ang nakasandal na baseball bat sa likod ng maruming dram. Nagmadaling kinuha ko iyon at maingat na naglakad papunta sa kanila.
Gusto ko ng masuka nang makita ko ang mabilis na pag-agos ng dugo ng madungis at payat na lalaki na hindi na makasigaw ng tulong dahil sa sinapit. Tiningnan ko ng mabuti nang makita ko ang maliit na katawan ng salarin. Ibig sabihin..Babae siya?
"Shit!" Napatakip ako ng bibig ko nang makausal ako ng malakas na mura na nagpalingon sa suspek. Akala ko ay makikita ko ang mukha niya pero hindi. May nilagay siyang kung ano sa mukha niya na tanging butas para sa ilong at bibig lang ang meron. Mukha siyang plastic na hindi. Nakakatakot dahil para siyang multo na walang mukha-pwera na lang sa bibig niya.
Tinutok ko sa kanya ng baseball bat na hawak ko. Maaari kong paluin ang kamay niyang may hawak ng kutsilyo at paniguradong mabibitawan niya iyon dahil gawa sa metal at mabigat ito, "Anong ginawa mo sa kanya?!" Sigaw ko pero nakaharap lang siya sa akin.
Bahagya niyang tinagilid ang ulo niya pakanan na parang sinasabi niya sa akin na napakabobo ko para hindi ko masabi kung ano ang ginagawa niya sa kawawang lalaki.
