Riva

235 13 0
                                    

MALIKOT ang aking mga mata habang sinusuri ang bawat sulok ng aking kwarto. Naisara ko nang mabuti ang bawat siwang at butas na maari nilang pasukan. Sarado na rin ang mga bintana. Magkagayunman, ayokong maging kampante. Nandito lang sila...sa tabi-tabi. Naghihintay kung kailan ako manghihina...kung kailan ako susuko.

Kahit gusto ko nang sumuko, ayoko. Paano na lang sina mama? Wala na si Lolo Oloy. Wala na ang lalaking magpoprotekta sa amin sa tuwing nagbabakasyon kami sa bahay na ito.

Kailangan kong maging matatag para sa aking mga magulang. Paniguradong ito ang gusto ni lolo. Ang huwag akong sumuko. Kaya ko ito...ngunit hanggang kailan? Araw-araw kong kinukwestiyun ang aking katinuan. Kung totoo ba ang mga ugat na pumapasok sa aking kwarto at ang mga punong nagkakaroon ng mga mukha, ngumingiti at kumakaway sa aking direksyon kapag napapansin nilang nakikita ko sila.

Totoo sila, Riva, sabi ng aking utak.

Napunta ang tingin ko sa kahoy na siyang tumabon sa butas na nilikha nila. Sa bandang iyon dumaan ang mga ugat. Mabilis ang kanilang mga kilos katulad ng isang ahas.

Napaatras ako nang marinig ko ang mga kalaskas. Umalulong sa labas ang mga aso, sabay-sabay. Nakakapangilabot na tila binabati ng mga ito ang pagdating ng inaasahan kong mga bisita. Ang mga aso lamang ang bukod-tanging nakakaalam sa kanilang pagpunta rito sa bahay.

Umaga. Tanghalian. Gabi. Wala silang pinipili. Wala silang pakialam kung may makakita sa kanila. Mali. Ako lang pala ang nakakakita sa kanila.

Hindi ko mapigilan ang pangingig ng aking katawan. Hindi na sapat ang tapang ko. Ayoko na. Natatakot na ako. Patawad, mama. Patawad, papa.

Tinakpan ko ang magkabila kong tenga gamit ang aking mga daliri. Wala akong naririnig. Hindi ko naririnig ang kwentuhan ng mag-asawa sa kabilang bahay maging ang pagtipa ng keypad sa cell phone ng anak ng nila. Hindi ko naririnig ang huni ng mga kuliglig. At higit sa lahat hindi ko naririnig ang papalakas na alulong ng mga aso. Wala na akong dapat marinig. Wala na.

Nanlaki ang aking mga mata nang mabutas ang bintana sa pagpasok ng mga naglalakihang ugat ng mga puno kasama ang dalawang lalaking hindi sumasayad ang mga paa sa lupa. Kasingputi ng bulak ang kanilang mga balat na para bang naubos na ng bampira ang mga dugo nila. Suot nila ay isang simpleng t-shirt at kupas na pantalon.

Naniniwala ako sa mga bampira. Ang mga kwento tungkol sa kanila ay ibinase sa mga totoong pangyayari. Alam kong totoo ang mga bamira dahil kung hindi, para ko na ring sinabi na hindi totoo ang nakikita ko. Na bunga lmang ito ng druga na tinira ko. Ngunit hindi ako pumasok sa pagdudruga.

"Lumayo kayo! Mga kampon ng demonyo!" pagtataboy ko sa kanila. Ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila tumigil. Tahimik akong tinitingnan ng dalawang lalaki. "Mama! Papa!"

Papalapit nang papalapit...

Tumayo ako at tinungo ang pinto. Nanginginig ko itong binuksan. Animo nakita nila ang aking pagtakas kaya sinundan nila ako. Mabilis akong tumakbo nang mabuksan ko ang pinto. Kailangan kong makarating kina mama.

Tinungo ko ang kanilang kwarto. Kung makakarating ako doon, hindi na nila ako susundan. Bigla na lang silang mawawala kapag kasama ko ang ibang tao. Iyon ang limitasyon nila. Hindi pa man ako nakakarating sa harapan ng pinto ng kwarto nina mama nang walang ano-ano'y nasa harapan ko na ang dalawang lalaki, pinipigilan ang aking daraanan. Sumasayaw sa aking harapan ang mga ugat na sumusunod sa saliw ng musika ng hangin na ang mga ito lamang ang nakakarinig.

Napaatras ako, nagpalinga-linga at naghahanap ng maaring malusutan subalit pinapalibutan na nila ako.

"Anong kailangan ninyo?" tanong ko sa dalawang lalaki. Gusto ko nang matapos ito. Ayoko na. Gusto ko nang bumalik sa normal ang aking buhay. Iyong muli akong papasok sa eskwelahan na walang nakikitang sumasayaw na mga puno at hindi nila inilalahad ang kanilang mga sanga at inaanyyahang pumasok ako sa kanila. Gaya ng inaasahan, wala akong narinig na sagot. Palagi na lang ganoon ang sitwasyon. Magtatanong ako ngunit ni isang letra ay wala akong maririnig sa kanila. Bakit mga piping multo pa ang nagpakita sa akin?

First Attack - Know Your GenreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon