Matapos ang pagbagsak ng emperyo ng Edreon sa kamay ng mga Pirata, naging laganap ang pamiminsala ng mga Pirata sa mga bayan at kung saan-saan pang mga lupain.
__________
Sa isang masukal na kakahuyan, nag uusap ang ilang mga lalaki at ang pirate hunter na si Neo. Kasama ni Neo ang kaibigan nitong ni Chrome, isang nagsasalitang kuwago.
"Maraming salamat sa tulong mo, Neo.." Usap ng isang lalaki habang nakayuko.
"Hindi kami interesado sa pasasalamat, mas interesado kami sa pabuya.." Tila pabirong ngisi ni Chrome na nakatungtong sa balikat ni Neo.
Tahimik lamang na naka tingin sa malayo si Neo, siryoso lamang ito.
"Ah—Oo, h-heto—" Natataranta pang abot ng isa sa mga lalaki sa isang supot na naglalaman ng pilak.
Agad namang lumipad si Chrome at kinuha ang supot ng pilak mula sa kamay ng lalaki, matapos ay agad itong bumalik sa balikat ni Neo.
Kinuha ni Neo ang supot mula kay Chrome at sinilip ang laman nito.
"Dahil sa inyo, nahuli na ang mga piratang nagnanakaw ng mga ani namin, kaya't nag ambag-ambag kami para dagdagan ang pabuyang 'yan.."
"Oo, tama iyon, sana ay makatulong iyan sa inyong paglalakbay.." Habol pa ng isa sa tatlo.
"Hak hak! Basta may kinalaman sa mga pirata, sabihan nyo agad kami! Hak hak!" Sambit ni Chrome.
"Sa-salamat ulit.." Sambit ng mga lalaki na agad ring tumalikod at naglakad palayo.
"Sandali.." Biglang pigil ni Neo sa tatlo.
Humarap ang tatlong lalaki kasabay ng pag hagis ni Neo ng supot pabalik sa tatlo, mabilis naman itong nasalo ng isa sa mga lalaki.
Bakas sa mukha ng mga lalaking magsasaka ang pagtataka.
"Kung ano lang ang napag usapan natin, yun lang ang kukunin namin.." Supladong sambit ni Neo na agad ring tumalikod at umalis, kasama si Chrome.
Nagkatinginan na lamang ang tatlong lalaki.
__________
Tahimik ang kakahuyan at tanging huni lamang ng mga ibon at naghahampasang mga sanga ng puno ang maririnig sa paligid.
"Neo, halos ibuwis mo na yung buhay mo sa huling misyon na yon.. Bakit binalik mo pa yung sobrang bayad satin?" Biglang tanong ni Chrome habang naglalakad sila ni Neo.
"Hindi natin kailangan ng sobra.."
"Oo nga, pero makakatulong ang perang iyon para sa paghahanap mo sa kuya mo, diba?"
"Napag usapan na natin ito ng ilang beses, Chrome—hindi tayo mga pirata.."
"Pero—? Haays.."
Napayuko na lang si Chrome.
"Hindi nga kami mga pirata, pero kumikita naman kami mula sa pagiging pirate hunter, pshh.. anong pinagkaiba 'non? Sigh.." Bulong ni Chrome sa sarili.
Ilang saglit pa, habang tahimik na naglalakad ang dalawa ay nakarinig ang mga ito ng malakas na pagsabog, di kalayuan sa kanilang kinatatayuan.
Mabilis na kumilos ang dalawa upang alamin ang mga kaganapan.
Mabilis na inakyat ni Neo ang isang malaking puno at nagpalipat-lipat sa mga sanga nito hanggang sa marating nito ang pinaka mataas na bahagi ng puno. Dito na nagmasid ang dalawa.
