Balisong!
Iyon ang tanging susi niya upang kalagan ang sarili mula sa pagkakatali sa kanya ng holdaper.
Gamit ang mga paa ay dahan-dahang niyang inabot ang hinubad na pantalon ng lalake sa sahig.
Buong ingat niyang inilapit ito sa kanyang sarili. Naririnig niya mismo ang malalakas na kabog ng kanyang dibdib ng mga oras na iyon...
Sa wakas nailapit niya sa kanya ang pantalon kung saan nakasublit dito ang balisong ng holdaper. Agad niyang hinalugad ng kanyang mga nakagapos na kamay ang bawat bulsa ng pantalon at sa wakas natagpuan niya ang hinahanap na balisong. Iniipit niya ito sa kanyang mga tuhod at doon ipinudpod ang lubid na gapos. Ilang sandali pa ay nakalagan na niya ang mga kamay maging ang pagkakatali niya sa kama. Buti na lamang at hindi nagigising ang holdaper sa kabila ng mahihinang pagdaing nito dahil sa dinaramdam na mataas lagnat. Minsan itong babaling sa pagkakahiga, dadaing ng may pangangatog pero hindi ito tuluyang nagigising Buti na lang! Laking pasasalamat ni Christian.
Tinungo niya ang kanyang wallet at cellphone sa tokador at doo'y nakita niya na sira at ayaw bumukas ng kanyang cp. At may natira na lamang na 200 plus sa kanyang wallet. Nag-alala siya dahil alam niyang hinahanap na siya ng kanyang mga magulang. Naalala niya ang amang maysakit. Alam niyang hinahanap na siya ng mga ito sa mga oras na iyon.
Sa labas ay patuloy ang bagsik ng bagyo. Tinapunan niya ng tingin ang holdaper sa kama na noo'y inaapoy ng lagnat. May kung anong bigat siyang naramdamang awa sa kasalukuyang sitwasyon ng lalake. Di niya maipaliwanag subalit ramdam niya na hindi ito isang likas na kriminal. Wala siyang sapat na batayan subalit hindi niya magawang matakot ng todo sa lalake. Ang walang ekspresyong mukha nito ay tila may kung anong malalim na bagay na iniinda.
Ngunit kailangan, ito na ang kanyang pagkakataong tumakas. Naisip niyang muli ang kanyang pamilya. Ang kapatid na ga-graduate. Ang ina at ang maysakit na ama.
Bago niya tuluyang lisanin ang kwartong iyon ay kanyang kinuha ang kumot para sa lalake. Hindi niya matiis talikuran ang isang tao sa ganung klaseng kalagayan. Sa lamig ng gabi at sa tanging suot na brief ay mas lalong papasukin ng lamig na magpapataas pa lalo sa lagnat ng lalake.Saktong kukumutan niya ito nang biglang hawakan siya nito sa kanyang kanang braso.
"'Wag...w-wag mo k-ko iwan..." nanghihinang boses ng lalake.
Nawala ang takot kay Christian ng marinig ang pagsusumamo ng lalake. Sa pagkakahawak nito sa kanyang braso ay naramdaman niya ang init ng palad nito. Tanda ng mataas na lagnat. Nananatiling nakapikit ang mga mata nito. At nakita niya ang mga luhang dumadaloy sa magkabilang pisngi ng lalake. Nagdedeliryo.
Alam niyang maaaring mamatay ang lalake sa sandaling iwan niya itong mag-isa. Nag-isip siyang mabuti. Nakapagdesisyon siya. Iniayos niya ang pagkakakumot sa lalake. At ng matapos, dala ang wallet at payong na ipinahiram ng kaibigan.. dali-dali niyang nilisan ang silid.Ilang minuto ang lumipas ay bumukas ang pinto ng silid at doo'y nagmamadaling pumasok si Christian tangan ang isang supot na naglalaman ng mga biniling gamot at seafood noodles mula sa kanyang natirang pera sa wallet.
Nagulat siya sa kanyang nakita, nakadapa ang lalake sa sahig. Di niya alam kaninang wala siya ay pinilit tumayo ng lalake at noo'y na out of balance at bumagsak padapa sa sahig.
Dali-dali niya itong nilapitan at pilit ibinalik sa kama. Sa bigat ng lalake ay nahirapan siyang buhatin ito."Bakit mo pinilit tumayo alam mong hindi mo kaya?" para itong batang pinagagalitan ni Christian na noo'y nagkamalay na at tahimik na tila batang pinagalitan ng tatay niya. Mula sa pagkakahawak niya sa magkabilang kili-kili ay naramdaman ni Christian ang sobrang init nito sa katawan. Nang maiayos ni Christian ang lalake sa pagkakahiga ay tinungo niya ang mesa kung saan niya pinatong ang mga biniling gamot, kumuha ng isang basong tubig at pinainom ng mga gamot ang lalake.
"A-akala ko umalis ka na..." wika ng lalake. Halata sa boses nito na hindi makapaniwala. "P-pinilit kong tumayo upang ha-hanapin ka.."
"Para tuluyan ako?" putol dito ni Christian.
Sandaling tumahimik ang lalake, pinagmasdan siya sagklit at muling nagwika, "N-nag-alala ako na b-baka pagtripan ka ng mga a-addict."
Nagulat si Christian sa narinig. Ang lalakeng ito, ang holdaper na ito, nag-alala sa maaaring kapahamakang sapitin niya sa kalsada. Tila tama ang kanyang hinala na may kabutihan sa puso nito sa kabila ng pagiging brusko. "Bakit mo naman naisip ang bagay na iyon?" tanong ni Christian.
Simple lang ang sagot ng lalake. "Di ba iyon ang sinabi mo kanina?"
Oo nga naman, sa isip-isip niya, sinabi niya nga iyon nang nagpumilit siya dito magpalipas ng gabi sa takot mapag-isa at kung saan una niyang nasilayan ang pilyong ngiti ng holdaper.Biglang pumikit ang holdaper at umiling. Patuloy sa pangangatog. Alam ni Christian na hindi agad eepekto ang mga pinainom niya ditong gamot.
"Sandali lang." wika ni Christian. "Magpapakulo lang ako ng tubig at pahihigupin kita ng mainit na noodles. Makakabuti yun sayo. Tapos nun... pupunasan kita."
BINABASA MO ANG
Balisong
RomanceSa dilim... nagkabangga... nagkapit-kamay... sa pait ng buhay... sumibol ang kakaibang pagkakaibigang hindi ninyo malilimutan....