Chapter 16 - Saan Patungo Ang Mga Ulap?

238 9 0
                                    


"Christian... Christian..."
Nagmulat ng kanyang mga mata ang binata. Padapa ang kanyang puwesto at ang mukha ay nakaharap sa gilid ng kama.
Agad niyang nakita ang maaliwalas na mukha ni Mark. Kasalukuyan itong nakasandig paluhod sa lapag ng gilid ng kanyang kama, nakangiti, habang marahan siya niyuyugyog sa balikat na hudyat ng paggising nito sa kanya.
Di pa lubos sumisikat ang araw ngunit mababanaag mo sa labas ng bintana ang nagaasul nang kalangitan.
"Gising ka na... " nakangiting wika nito sa kanya. "Tingnan mo, ayos na pakiramdam ko." masayang dagdag pa ni Mark.
Pupungas-pungas na pinagmasdan ni Christian ang lalaki. Mas naging mukhang okay nga ito kaysa sa nagdaang mga araw. Mukhang nakapaghugas na rin ito ng mukha dahil sadya ngang umaliwalas ang mukha ni Mark. Suot ang mga pilyong ngiting iyon sa mga labi ay mas mukhang bata ito kaysa sa inaakala niya. May kakaibang kagwapuhan si Mark. Kahit yata bangasan ang mukha nito ng mga suntok ay di pa rin mawawala ang angkin nitong kakisigan. Lalaking-lalaki na tila ba ipagtatanggol ka kahit kanino, may angas kung kinakailangan, at bigla na lang mababakasan ng mga matang tila may malalim na iniisip. May katahimikan sa mga mata ni Mark na hanggang ngayon ay di maintindihan ni Christian. At minsan, mayroon ding pagkakataon tulad ng mga sandaling iyon na makikitaan mo ang lalaki ng kasiyahan na tila tulad ng sa isang bata musmos, puro kung ngumiti, walang pagpapanggap.
Di tuloy namalayan ni Christian na nakatunganga na pala siya sa mukha ni Mark.
"Kita mo na, pati ikaw napatunganga." pabirong puna nito sa kanya.
Naiinis si Christian sa mga ganitong pagkakataon, yung nahuhuli siyang nakatunghay sa lalaki. Kung bakit kasi nagkakaganito siya pag nasisilayan na ang mga ngiting iyon ni Mark.
"Nakakainis ka naman, nanggigising ka, eh." kunwaring pagrereklamo niya kay Mark upang itago ang pagkakapahiya.
Medyo sumeryoso si Mark nang muling magsalita, "Alam ko, napuyat ka sa pagmamasahe sa'ken. Kaya naman..." tumayo ito at sapilitan siyang hinila mula sa pagkakahiga. Lumabas na naman ang pagkapilyo ni Mark. Nagpatuloy ito, "... Tumayo ka na diyan at may hinanda ako..."
Nagmistulang bata si Christian sa maskuladong katawan ni Mark. Alam niya na tumatanaw lamang ng utang na loob ang lalaki. Isang pagpapasalamat. Kaya naman nagpatianod na rin siya sa paghila sa kanya ni Mark palabas ng silid.
Ni hindi siya nito binitawan sa pagkakahila hanggang marating nila ang kusina. Naabutan pa nila si manang Saling na nag-aalmusal.
"Gising ka na rin pala, Christian. Halika't saluhan mo na kami sa hinandang almusal ni Matt."
"Ammmh.. Mark po."
"Ay! Mark nga pala. Naku! Iba na talaga kapag nagkaka-edad na." natatawang saad ni manang Saling.

Lumukso ang puso ni Christian sa nakitang hinanda ni Mark. Wala ditong espesyal kung tutuusin, pritong daing, itlog, at ang nakakagutom na sinangag sa umaga. May isang platong nakatakip malapit sa pinggang laan sa kanya. Si Mark ang nagtanggal ng takip nito. Corned beef na ginisa sa sibuyas at patatas.
"Tara. Saluhan mo na kami." masayang anyaya sa kanya ni Mark.
Inalok din nila si manang Saling ngunit tumanggi ito. Mas sanay ang matandang babae sa tinapay at isang tasang kape sa umaga.
Pagka-upo ay sumulyap si Christian kay Mark. Bumuka ang bibig ng pasasalamat na walang boses. Nabasa ng lalaki ang buka ng bibig ni Christian. Gumanti lamang ito ng ngiti sa pagitan ng pagngunguya.

Napagkaalaman ng dalawang binata na abala ang asawa ni manang Saling kasama ang ilang tauhan sa pag-angkat ng mga gulay at ilan pang paninda sa kanilang trak. Alam pala ng mag-asawa na may iniindang lagnat si Mark. Nalaman nila na mismong si Mary ang nagbilin sa tiyahin upang hindi mabinat ang kaibigan ni Christian. Minsan pa ay napatunayan ni Mark ang kabutihan ng dalaga.

May mga pabaong pagkain ang mag-asawa. At kitang-kita ni Mark na halos tunay na pamangkin ang trato ng mga ito kay Christian.
Nasulyapan ni Christian na nakangiting pinagmamasdan sila ni Mark. Nang magsalubong ang kanilang mga tingin ay ngumiti lamang sa kanya ang lalaki. May saya sa mga mata ni Mark ngunit may tila kung anong bagay ang nasa likod nito. Tila na may lungkot na di maipaliwanag.
"Gabayan kayo ng Diyos sa biyahe ninyo." habilin ni manong Nando.
Bago pa sila tuluyang umalis ay mahigpit na nagbilin si manang Saling na bumisita muli sa kanila ang binata.

BalisongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon