Chapter 17 - Papalahong Mga Ulap

244 10 0
                                    

Walang isang segundo ng pagsasama nila ni Mark na hindi naging masaya si Christian sa piling nito. Makwento ang lalaki. Sa mga raket nito at kung paano mismo ang mga pulis ay naiisahan ni Mark. Maraming kalokohan ang lalaki. At magiliw na ipinipahayag sa kanya ang bawat kakatwang detalye ng mga kalokohan nito. Minsan ay gusto mang putulin ni Christian ang pagkukwento ito upang sabihang mag-ingat ay pinipigilan na lamang niya ang sarili, ayaw niyang masira ang sandaling ito kung saan si Mark ay napapahalakhak.
Ganun nga ba ang lalaking ito, isip-isip ni Christian, sumasabay ang pagkagiliw sa ganda ng pahanon?

Sa mahabang biyahe nila na iyon, minsan ay maiisipan nilang pumarada sa mga carinderia upang punan ang kumukulong mga sikmura. May mga pagkakataong ding ipaparada ni Mark ang trak sa tabi ng daan upang umihi sa gulong.
Sa mga pagkakataon ding ito pa-simpleng sisilip si Christian sa side mirror upang silipin ang pagkalalaki ni Mark. Kahit sa pag-ihi ay napakaganda ng kabuuang ari ng lalaki.

Pagkabalik ni Mark sa manibela ay muli na naman silang maghihikgikan. Minsan di mapigilan tuloy ni Christian tanungin ang sarili, bakit ang saya-saya ni Mark ganung maghihiwalay din sila? O di kaya'y alam ba ni Mark ang ipinagdadalamhati niya kaya naman pilit lamang siya nitong pinasasaya?

Matapos nila maibaba ang mga gulay sa pwesto ng mga magulang ni Mary sa palengke ay napagpasyahang ihatid ni Mark si Christian sa kanilang bahay. Nakatulog pa si Christian sa balikat ni Mark habang sakay sila ng jeep pauwi.
Kalagitnaan na ng hapon nang marating nila ang bahay ni Christian. Agad naman silang masayang sinalubong ng pamilya niya at maging si Mary. Nakiagaw naman kaagad itong si Anafrid sa mga pasalubong mula kila manang Saling.

Sabik na sabik ang dalaga sa mga kwento ni Christian. Ang magandang mukha ng dalaga ay magiliw na nakaharap sa maamong mukha ng binata habang nakikinig.

"Kuya Mark!" tawag ni Anafrid. "Halika kain ka raw dito sa loob sabi ni papa."
Noon lamang naalala ni Christian si Mark na tahimik na nakaupo sa balkonahe.
"Oo nga naman, Mark." dugtong ni Christian nang lumabas para sa lalaki.
Hinimas ni Mark ang kanyang tiyan sabay iling na ang ibig sabihin ay busog pa ito. Ngunit humirit din ang lalaki, "Kape na lang muna."
Ngumiti dito si Christian at binalingan ang dalaga na magtitimpla lamang siya ng kape para kay Mark.
Lumabas si Mary at tinungo ang kinaroroonan ng lalaki. Kinumusta nito si Mark. Napakalumanay at malamig ng boses ni Mary nang magsalita, "Kumusta na pakiramdam mo?"
Nahihiyang ngumiti dito si Mark, "Ayos na ko."
Natuwa naman ang dalaga sa narinig mula sa lalaki.
"Salamat nga pala. Nakakahiya nga di na ko pinatulong ng tiyuhin mo sa pag-aangkat." patuloy ng lalaki. "Bilin mo raw."
Mahinang pagtawa ang kumawala mula sa dalaga. "Wala 'yun, Mark. 'Yun kasi ang nararapat." simpleng saad ng dalaga.

Si Christian, nang mga sandaling iyon, tangan ang isang tasang kape para kay Mark ay nakatunghay sa may pintuan. Pinanood ang dalawang taong mahalaga sa kanyang buhay na masayang nag-uusap.
Nakaramdam ng selos sa puso ang binata. Ngunit naguguluhan siya. Si Mary, na malinaw na umaga ang hatid sa kanya at sa kanyang pamilya.
At si Mark... na walang kasiguraduhan ang umaga.

"Mark, oh." sambit ni Christian habang iniaabot ang tasa ng kape sa lalaki.
"Salamat."
Tumabi si Christian sa kinatatayuan ni Mary. Inumpisahan naman ni Mark ang paghigop ng kape.
"May follow-up pala si papa sa doktor. Paalis na nga sila hinintay lang tayo." wika ng binata.
"Sasabay na rin ako sa kanila. Magsisimba kami ni Ana pati." dagdag naman ng dalaga.
Ikinalungkot ni Christian nang marinig ang wika ni Mark, "Ganun ba?... Sasabay na'ko sa kanila." Matapos nun ay ipinagpatuloy nito ang paghigop sa tasa ng kape.
Pa-simpleng tiningnan ni Christian ang mukha ni Mark, na para bang hinahanapan ito ng kung anumang expression.
Parang napakadali dito na magpaalam na.
Siguro ganun nga lang 'yun. Di ba nga para dito naglalaho naman talaga ang mga ulap. Gustong sisihin ni Christian ang sarili. Siya nga lang siguro ang mapag-isip ng kung ano sa kanila ni Mark. Ngunit para sa lalaki, wala lang lahat ng iyon.
Pero sadya nga lang ba ganun yun. Wala lang ba lahat ng pinagsamahan nila?
Kung sa tingin ng iba ay walang espesyal dito, para sa binata, hindi lamang ito usapin ng kung ano ang namamagitan sa dalawang kapwa lalaki, dahil mas higit pa dun, ito ay usapin ng damdaming namamagitan sa dalawang tao na may iisang landas na tinahak, kung saan may mga namuong mga ala-ala, mga ala-ala na tanging sa kanila lamang.

Abot-langit ang pagpipigil ni Christian sa nadaramang lungkot ng mga oras na iyon. Anumang oras ay nagbabadyang tumulo ang kanyang mga luha.
Siya namang paglabas ng kanyang mga magulang na pagayak na. Pinasalamatan ng mga ito ang lalaki at naghabilin na muling bumisita.
Maging si Mary ay di nakalimutang magpasalamat dito.
Nang tapunan ni Mark ng tingin si Christian upang magpaalam sa binata ay nagkunwaring abala naman ito sa pag-alalay sa mga magulang sa pagbaba mula sa balkonahe.

Di tuloy nakita ni Christian ang lungkot sa mga mata ni Mark nang sundan siya nito ng tingin.

Siya namang paglabas ni Anafrid sa pintuan ng kanilang bahay. Naabutan nito ang pagpapaalam ni Mark kay Christian.

Marahan ang pagdantay ng kamay ni Mark sa balikat ni Christian. Di tuloy napigilan ng binata na lingunin ito.
Nang magtama ang kanilang mga mata ay tila may kung anong bagay ang bumara sa lalamunan ni Christian.
Nasa harap niya ang makisig na mukha ni Mark na may ilang araw din niyang nakikita. Gusto niyang yakapin ng mahigpit ang lalaki. Damhin ang mukha nito sa kanyang mga palad. Pakiramdam niya ay tila isang bata na mawawalan ng isang kalaro. Isang kakampi. Maiiwan siya at muling babalik sa dating siya. Na tila lahat ay panaginip lang. Bigla niyang naalala ang mga ulap na unti-unting naglalaho...
"Brod... una na ko."
Di kaya ni Christian ang magsalita. Tiyak na gagaralgal ang kanyang boses. Tumango lamang siya kay Mark.

Ganun na nga lang 'yun...

"Teka... teka..." si Anafrid, "Aalis kaagad kamo si kuya Mark?" tanong nito na tila nagtataka.
"Sasabay siya sa atin, Ana." sagot naman ni Mary.
Gumusot ang mukha ni Anafrid na halata sa boses ang di pagsang-ayon, "Eh... kuya Mark, kararating mo lang di ba? Bakit di ka muna magpahinga?" wika nito sa lalaki. "Maya-maya ka na umalis. Mainit pa man din." dagdag pa ng dalagita.
"Oo nga naman." sabay-sabay na pagsang-ayon ng mga magulang ni Christian at pati na rin ni Mary.

At dahil apat laban sa isa, napagpasyahan ni Mark na sumandali muna kila Christian.

Bago pa umalis ang apat ay di nakaligtas sila Christian, Mark at maging si Mary sa selfie ng dalagita.

At sa muli, sa ikalawang pagkakataon, gustong sabitan ni Christian ng medalya si Anafrid!

BalisongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon