Naghahalo ang pula sa asul na kulay ng kalangitan ng mga oras na iyon. Siya si Christian, ay ngayo'y nag-iisa, wala ang kaibigan sa kanyang tabi. Kahit na maraming mga tao sa paligid ay tila napaka-tahimik ng kanyang mundo. Walang nakakarinig sa sinisigaw ng kanyang puso.
May mga panadaliang mga ilan na napupukaw ang pansin sa gwapong binata ngunit wala doon ang hinahanap niyang atensyon. Hinahanap niya si Mark at ang kanilang pagsasama.
Naalala niya ang kanyang pamilya... ang mga tinuran ni Peaches tungkol sa nagkaka-edad ng mga magulang... malimit na nagkakasakit na rin ang kanyang ama... si Anafrid... ang kanyang kaisa-isang kapatid... na siya lamang ang maaring maging tagapag-tanggol balang araw... at si Mary... na may isang magandang bukas na pangako sa kanilang dalawa...
Ngunit ganun na lamang ba iyon? Kailangan niya na bang iwan si Mark ng tuluyan at magpaalam sa mga sandali na kanilang pinagsamahan?
Tiim-bagang dinala siya ng kanyang mga paa sa dinidikta ng kanyang puso. Sa takip-silim na iyon, natagpuan ni Christian ang sarili na tinatahak ang makikipot at madidilim na eskinita na kung saan sila unang nagtagpo ng lalake.
Dinaanan niya ang underpass na kung saan unang nagtagpo ang dalawa, na may isang holdaper na inaapoy ng lagnat at isang biktima na puno ng takot ng dilim ng gabi at hagupit ng bagyo... at talim ng balisong...
Dalawang anino na nagkatagpo... magkahawak-kamay sinuong ang dilim ng buhay... pinagsaluhan ang hatid ng bagyo, hawak-kamay upang marating ang liwanag ng bukas.
Pero nasaan ka na Mark? Bakit di ko hawak ang kamay mo ngayong abot-kamay ko na ang liwanag?
Naroroon ang hungkag na nirerentahang kwarto ni Mark. Na mas mukhang lumuma pa sa ngayon. Nakita niya ang gilid ng kama kung saan siya tinali ng lalaki at kung paano niya nagawang mataksan ito ngunit piniling sagipin ang holdaper sa pagdedeliryo nito. Ang kama na kung saan sila unang inabot ng magdamag.
Malungkot na balita na wala na raw doon ang binata na may ilang linggo na rin ang nakakalipas. Ni walang nakaka-alam kung saan ito lumipat. Nadaanan pa niya ang intsik na nagpahirap sa binata na malagkit ang tingin sa kanya. Gusto niya itong suntukin ngunit tila ba tinakasan na siya ng lakas ng mga oras na iyon. Gusto na lamang niya ay makita ang kaibigan. At ipinapangako niyang di na ito hahayaang bumitaw sa kanyang kamay.
Maging ang tropa ni Mark na binilhan nila ng kapalit na cellphone noon ay di rin alam kung nasaan ang lalake. Wala ni isang bakas ni Mark na natagpuan ng binatang si Christian.Mark! Mark!
Sumisigaw ang kanyang puso. Tinatawag ang kaibigan. Ngunit bingi ang paligid... walang Mark na dumating sa kabila ng nakabibinging tawag ng kanyang puso.
Tila wala na nga ang lalake. Ganun na lamang ba iyon? Kalimutan na lamang ba na minsan may isang Mark na kanyang nakilala. Isang taong nakilala at narinig ang tunay na sinisigaw, mga dinaing ng kanyang puso't buong pagkatao? Kakalimutan na lamang ba niya ang mga ala-ala ng mga masisikip at madidilim na mga eskinita na naging simula ng kanilang kakaibang pagkakaibigan?
*****
BINABASA MO ANG
Balisong
RomanceSa dilim... nagkabangga... nagkapit-kamay... sa pait ng buhay... sumibol ang kakaibang pagkakaibigang hindi ninyo malilimutan....