Chapter 10 - Kasangga sa Lansangan

346 9 0
                                    


Di tulad ng nagdaang gabi, puno na ng mga tao ang lansangan. Naaaliw si Christian ng mga oras na iyon. Tila isang batang sabik sa pamamasyal. Dahil di laking kalsada ay di sanay ang binata sa mataong lansangan.
Paminsan-minsan napapatingin siya sa mga nagsisigawang mga tindera't parokyano, habang ang cool-cool lang nitong si Mark sa paglalakad. Sanay na sanay ito sa pasikot-sikot ng lansangan. Ngunit may kakaiba sa lalaking ito, sa isip-isip niya. Pwede itong maging isang sigang holdaper, astig, tulad ng iba, ngunit may mga pagkakataong may lalim sa mga tingin nito. Isang bagay na nahihirapang arukin ni Christian.

"Anong tinitingin-tingin mo?" Nagbalik sa kanyang diwa si Christian nang magsalita ang lalaki.
Eto na naman, nako-corner na naman siya.
"N-napatingin lang." tila batang nayayamot na sagot ni Christian at inis na nagbawi ng tingin sa lalaki. Hindi niya tuloy nakita ang pagngiti ni Mark sa pagmamaktol niya.

Lumiko sila sa isang eskinita kung saan nakahelera ang mga iba't ibang komersyo na sari-sari ang mga tinitinda. Isa doon ang puwesto ng tropa ni Mark. Technician ito di talaga sa kanya ang puwesto.
"Brod!" bati rito ni Mark.
Mas may edad ito kesa kay Mark. Humpak ang mukha at may tato sa braso. Kung titingnan mo ay isang sanggano pero tulad ng naikwento ni Mark may isa itong anak na nakaratay ngayon sa ospital.
"Uy! Ricky, anong aten?"
"Brod konting pabor lang..." inilabas ni Mark ang cp ni Christian at iniabot dito. Tahimik lamang si Christian na pinapanood ang magtropa.
Agad na inasikaso ng mama ang cellphone at sinabing malala ang sira ng cp. Batid naman ni Christian na di naman de-kalibre masasabi ang china phone na binili nya. Isa lamang itong lumang modelo ng touchscreen. May lungkot sa mga mata ni Mark nang sinulyapan ang binata saka muling bumaling sa ka-tropa.
"Wala na bang ibang paraan pare?" kakamot-kamot sa batok na tanong ni Mark.
Nag-isip panandali ang mama. "Si Jerick!" bulalas nito. "Tingnan ko tol kung may bagong pitik." pagkasabi'y iniwan silang dalawa ni Christian.

Di maaaring magkamali si Christian sa narinig. "bagong pitik" - na ibig sabihin ay galing sa nakaw.
"Mark, tama ba yung narinig ko?"
"Na?" maang tanong nito.
"Na galing sa nakaw yung cellphone?"
"Oo." nakangiti pa nitong sagot. Masaya si Mark na magagawan ng paraan upang magka-cellphone na muli ang binata. Ngunit iba ang dating nito kay Christian.
"P-pero ayoko ng ganun."
Di na tinapos pa ni Mark ang pagrereklamo ni Christian. Nabasa na ng lalaki ang kunot sa noo ng binata. Alam na niya kung saan papunta ang usapan nila. Humugot ito ng isang malalim na buntong-hininga, ipinamulsa ang dalawang kamay at tinalikuran ang binata .
Pero makulit si Christian. Ihihirit niya talaga ang alam niyang tama.
"Ayoko ng mga bagay na galing sa nakaw, Mark."
Hinarap siya ng lalaki, maamo ang mukha nito sa kabila ng katigasan. Banayad ang boses sa kabila ng banas sa binata nang magsalita, "Hindi naman tayo ang nagnakaw, ah. Tayo itong inalok...." sandaling tumahimik at saka muling nagpatuloy, "... mahalaga may magamit ka."
Nakita ni Christian na concern lang si Mark. Kung bakit di niya naiintindihan agad yun.
"Brod!" yung katropa yun ni Mark. May saya sa tinig ito. Humahangos ito na bitbit ang isang touchscreen na modelong cellphone. "Oh! Mainit-init pa." nakangiting wika pa nito saka iniabot kay Mark ang dala-dalang cellphone.
"Ayos to, ah!" bati ni Mark. Sumulyap kay Christian ang lalaki, na halatang banas pa rin sa kadramahan niya. Mabilis na kinuha ang SIM card mula sa sira niyang cellphone, inilipat sa bagong cellphone at saka iniabot sa kanya.
"Oh. I-check mo kung ok."
"Okey na okey 'yan brod. Nagtatawaran na nga sila doon eh. Buti okey yung tyempo ko." singit ng mama.
Hinarap ito ni Mark. Iniisip niya ang kabayarang hihingiin nito. "Magkano ba, brod?" tanong ni Mark habang nakadantay ang kamay sa sariling batok.
Lumuwag ang ngiti ng mama, "Brod naman, isang hitit lang katapat ng gagong yun. Hehehe. Ako na bahala."
Di sumang-ayon si Mark sa tinuran ng lalaki. Pero mapilit ang katropa. Sinabi nito na kung hindi sila agad nakabili ng gamot at pinansin sa ospital gawa ng tulong ni Mark ay marahil wala na ang anak nito.
Lihim na humanga si Christian sa nasaksihan sa magka-tropa. Oo, mga sigang masasabi, loko, pero sa kabila nito ay marunong sila magtulungan. Magkakasangga.
Muling humanga si Christian kay Mark. Napatunayan niyang totoo lahat ng mga sinabi sa kanya nito kagabi. Dito pala napunta ang mga pera ni Mark at kailangan pa ng ilang halaga parabsa patuloy na gamutan.

Tumambay ang dalawa sa isang gilid upang makapagtext si Christian ng maayos matapos magpaload. Una niyang tinext ang tatay at kapatid. Napanatag na din ang loob ni Christian.

"Ayos na, Mark." masayang wika ni Christian.
Tumingin lamang sa kanya ang lalaki at ngumiti ng bahagya.

Biglang pumasok sa isip ni Christian na nagawa na ni Mark ang ipinangako nitong ibabalik sa kanya ang ninakaw na pera at nasirang cellphone. At hindi naging madali ang daan para mapagtagumpayan ito ng lalaki. Kung ano ang ikinabubuhay nito para maitawid ang isang araw. Ayaw niyang isipin na mabitag muli si Mark sa sitwasyong kinasadlakan nito sa kamay ng mga tulad ni Ferdie. Paano kung isang araw ay mahuli ito ng mga pulis. Nais malaman ni Christian ang mga bagay-bagay tungkol kay Mark upang mapanatag ang sarili. Subalit nahihiya siyang ungkatin iyon sa lalaki. Alam niyang di siya nito maiintindihan dahil maging siya rin ay naguguluhan sa kanyang nadarama.

At ngayong ayos na ang lahat ay ibig sabihin wala na rin silang dahilan para magkasama pa...

Tumingin si Mark sa ulap, medyo nakakunot ang noo at nagwika, "Mukhang uulan na naman. Mamya nyan baka abutan ka na naman ng malas. Buti pa umuwi ka na sa inyo." naroon ang pilyong ngiti sa mga labi ni Mark.
Tulad ni Mark ay inaninag niya ang kalangitan. Nagdidilim muli ang langit.
Naisip niya na binigay sa kanya lahat ni Mark ang pera. Ibig sabihin wala itong pera sa bulsa.
"Pano ka? Gusto mo libre kita. Tamang-tama magtatanghalian na." alok niya rito.
Ngumiti lamang ito sa kanya. "Ayos lang ako. May makakainan na ko dyan."

Alam ni Christian na hindi na sila marahil magkikita pa ni Mark. Wala na kasing dahilan.
Tila may tumulong tubig sa kanyang dibdib at bumara sa kanyang lalamunan.
"Sige. Salamat, Mark."
Yun lamang ang mga salitang kaya niyang sabihin. Alam niya na may sinat pa ang lalaki. Nag-aalala siya para rito. Ang masakit, wala siya sa tamang lugar upang iparamdam kay Mark ang mga bagay na iyon.
Tumango sa kanya ang lalaki. Ngumiti at nagsimulang lumakad palayo mula sa kinatatayuan niya.
"Mark!"
Nilingon siya nito.
"May mga gamot ka pa palang naiwan. Wag mo kalimutan!"
Gumuhit ang ngiti sa labi ni Mark, tumango at tumalikod, saka nagpatuloy sa paglalakad palayo.

At alam ni Christian, na iyon ang huling pagkikita nila ng lalaki.

Paalam, Mark...

-
-
-
Mula sa kinatatayuan ni Christian ay nanatili siyang pinagmamasdan ang unti-unting papalayong lalaki... Nang biglang may humablot sa kanyang hawak-hawak na cellphone .
"Snatcher!" hiyaw ng mga nakasaksi sa paligid. Tumakbo ang holdaper sa direksyong tinahak ng lalaki.
Nakaramdam ng tuwa ang snatcher nang maramdaman niyang di na siya hinabol pa ng binatang inisnatyan niya. Mas magiging madali ang lahat sa kanya. Na walang ano-ano'y may isang malakas na suntok ang dumapo sa mukha niya. Bulusok ang snatcher sa gitna ng kalsada. Nagkagulo ang mga nasa paligid at isa na rito si Christian.
Lumundag ang puso ni Christian nang mapag-sino ang nanuntok sa snatcher.
Si Mark!

Si Mark!

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
BalisongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon