Chapter 2: The instrument of the golden dragon

973 69 9
                                    

Yibo as Shufen

CHAPTER 2 -  The instrument of the golden dragon

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


CHAPTER 2 - The instrument of the golden dragon



Makalipas ang tatlong araw ay muling nagkaroon ng malay ang binatang si June sa kakaibang amoy sa kaniyang paligid. Hindi nakatakas sa kaniyang sensitibong pang-amoy ang matapang na amoy na nagmumula sa usok na para bang amoy ng insenso. Habang minumulat niya ang kaniyang mata ay ramdam na ramdam niya pa rin ang matinding pananakit ng kaniyang ulo. Napahawak siya sa kaniyang ulo habang unti-unting inaangat ang kaniyang katawan mula sa pagkakahiga. Habang hawak-hawak niya ang kaniyang ulo ay bigla niyang naramdaman na may kakaiba sa kaniyang buhok. Sa kaniyang paghaplos ay napansin niya na tila humaba ang kaniyang buhok. Kinuskos niya ang kaniyang mga mata habang nakapikit gamit ang kaniyang mga daliri upang mas malinawan siya sa kaniyang nakikita. Sa muli niyang pagdilat ay saka niya napagtanto na humaba ng husto ang kaniyang buhok na halos umabot hanggang sa kaniyang bewang.

"Sa wakas nagising na po kayo dakilang instrumento ng gintong dragon" nagulat si June nang may biglang magsalita sa harapan niya. Sa kaniyang pagharap ay may nakita siyang bata na nakasuot ng kulay asul na mahabang kasuotan na madalas niyang nakikitang tradisyunal na kasuotan ng mga intsek. Hindi siya kaagad nakasagot dahil nagtataka pa rin siya kung papano niya naiintindihan ang linggwahe nito sapagkat ingles lamang ang naiintindihan niyang salitang banyaga.

"Nasakop na ba ng china ang pilipinas?" hindi niya napigilang masabi habang nakatingin sa batang nakangiti sa kaniya. Habang pinagmamasdan niya ito ay bigla na lang niyang napansin na lumulutang pala ang katawan nito sa ere. Napaatras siya sa kaniyang kinauupuan dahil sa kaniyang natuklasan. Sa bawat pag-atras niya ay siya namang paglapit ng bata sa kaniya habang nakangiti ito.

"Multo!!!!" sigaw niya sa labis na takot. Nagawa niya pa itong batuhin ng unan para lumayo ito sa kaniya.

"Lolaaaaa tulong!!" sigaw niya habang ang bata naman ay hindi alam ang gagawin sa sandaling iyon. Ang binatang si June ay nagtalukbong gamit ang kumot na nakapatong sa ibabaw ng kama. Para sa binatang si June ay tatlong bagay lang ang kaniyang kinatatakutan. Una ang maubusan ng pera na ipangtutustos sa kaniyang pamilya. Pangalawa ay ang manatili sa isang lugar na walang liwanag dahil natatakot siya na baka makakita siya ng multo na siyang pangatlong kinakatakutan niya.

"Anong kaguluhan ito?" narinig niyang may nagsalitang lalaki na sa tono ng pananalita ay mukhang nasa kaedaran niya lamang ito dahil hindi naman ganun kalaki ang boses ng batang inakala niyang multo. Dahan-dahan siyang sumilip mula sa loob ng kumot upang makita niya kung sino ang nagsalita. Sa kaniyang pagsilip ay nakita niya ang isang lalaki na nakasuot ng puting kasuotan na nahahaluan ng kulay ng ginto. Muli siyang nagtago sa kumot dahil inakala niyang isa rin itong multo. Hindi nagtagal ay bigla na lang siyang nahatak palabas sa kumot. Sa biglaang paghatak ay napadapa siya sa ibabaw ng kama habang ang kaniyang kanang kamay ay lumalampas sa kama at nakaangat sa ere. Nang kaniyang pagmasdan ang kaniyang kamay ay saka niya nakita ang kulay ginto na taling nakapulupot sa kaniyang palapulsuhan. Laking gulat niya nang makita niyang nakakabit ang karugtong nito sa kamay ng lalaking nagsalita kanina. Nang magtagpo ang kanilang paningin ay tila hindi maipaliwanag ni June ang kaniyang nararamdaman dahil pakiramdam niya ay may isang diyos na nakatingin sa kaniya. Namangha kaagad sya sa kakaibang kakisigan na taglay nito. Sa kutis niya na tila dinaig pa ang isang dilag dahil sa sobrang kinis at puti nito. Kabaligtaran naman ang pinapahiwatig ng noo at kilay nito na tila hindi natutuwang makita ang binatang si June.

"Li, tulungan mo na siyang maghanda upang humarap sa mahal na hari" sambit ng lalaking kaharap ni June. Binitawan nito ang mahiwagang tali na nakagapos sa kanilang mga kamay kaya napada ng husto si June. Tumama ang noo niya sa kama at napangiwi siya sa sakit. Dahil sa hindi niya nagustuhan ang ginawa sa kaniya ay hindi niya napigilan ang sarili na sigawan ito.

"Hoyyy sino ka ba sa akala mo?" tanong ni June at lalong sumama ang mukha ng lalaking kaharap niya. Walang kaalam-alam si June na ang lalaking kaharap niya ngayon ay ang ikalawang prisepe ng kaharian ng Tianmen na magmamana ng trono. Labis ang paggalang na natatanggap niya sa buong kaharian dahil sa lakas at galing nito sa iba't ibang bagay. Inaasahan pa nga ng mga nakakatanda na mas mahihigitan nito ang kasalukuyang hari. Ang pangalan ng prinsipeng nasa harapan ni June ay Jun Xiang na mas kilala sa bansag na Shufen.

"Masusunod po kamahalan!" biglang tugon ng batang si Li. Alam ng bata na nasa sukdulan na ang pasensya ng ikalawang prinsipe. Sa loob ng tatlong araw na walang malay si June ay hindi nagawang makalayo ng prinsipe dahil sa mahiwagang tali na hindi maalis-alis sa kaniyang kamay. Saksi ang batang si Li sa paghihirap ng prinsipe dahil maging sa pagpunta sa palikuran o sa paggamit ng paliguan ay kailangan niyang buhatin ang katawan ni June para magawa ang mga ito. Wala siyang maatasang ibang tao na gumawa nito dahil sa enerhiyang promoprotekta kay June habang siya ay natutulog. Tanging siya lamang ang nakakalapit at nakakahawak sa katawan ni June.

Muling tumingin ng masama ang prinsipe kay June habang nakakuyom ang kamao sa pagpipigil. Hindi nakatakas sa mapanuring mata ni June ang naging reaksyon ng prinsipe. Magsasalita pa sana siya para pagsabihan ito ngunit hindi naging matagumpay ang kaniyang balak dahil sa paghawak ng batang si Li sa kanyang bibig. Tumalikod ang prinsipe at naglakad papalayo sa kinaroroonan ng kama. Huminto lamang siya nang maramdaman niya na parang naghihilaan na sila ni June sa tali. May kahabaan ang tali na nagdudugtong sa kanilang dalawa kaya naman nagagawa pa rin nilang makakilos ng maayos.

"Ikaw batang multo ka bakit mo tinakpan ang bibig ko? Hindi mo ba nakita ang ginawa ng lalaking yun sa akin? Tingnan mo may bukol na ang noo ko!" sunod-sunod na bulyaw ni June sa batang kaharap niya. Ang batang si Li ay hindi malaman kung papano patatahimikin si June dahil alam niyang narinig ng prinsipe ang mga sinabi ni June.

"Ssshhh...wag kang maingay, maririnig ka ng mahal na prinsipe!" sambit ni Li at muling tinakpan ang kaniyang bibig. Naging makulit si June at inalis kaagad ang kamay ng bata dahil hindi niya pa rin matanggap ang paraan ng pagtrato sa kaniya ni Shufen.

"Ano siya prinsipe? Haaa pakisabi sa kaniya sakin pinasa ni Asiong ang tondo at ako ang bagong hari ng tondo!" pagmamayabang ni June. Hindi man maintindihan ni Shufen ang ilan sa mga sinasabi ni June ay nagawa pa ring mainis ng prinsipe dahil sa pagkakabanggit ni June ng "ako ang bagong hari" na para sa kaniya ay paglapastangan sa kasalukyang hari ng Tianmen. Sa inis niya ay muli niyang hinatak ang mahiwagang tali na humila kay June patungo sa kaniyang direksyon. Nagmistulang saranggola si June dahil parang papel lamang siya kagaan sa pagkakahatak sa kaniya ni Shufen. Sa bilis ng pagkakahatak sa kaniya ay muntikan ng tumama sa pader ang mukha ni June pero hindi ituloy natuloy dahil nagawang hawakan ni Shufen ang kaniyang kamay. Kasalukuyang magkatalikuran ang dalawa kung saan ang mukha ni June ay halos dumikit na sa pader. Ang kaniyang mga paa ay unti-unting bumibigay at nawawalan siya ng balanse. Bahagyang inangat ni Shufen ang kaniyang sandata mula sa kaluban at sa isang iglap ay napunit ang pang-itaas na kasuotan ni June. Muli niyang hinila si June hanggang sa magkarap silang dalawa.

"Kapag hindi kapa nakaayos sa loob ng limang minuto ay kakaladkarin kita sa harap ng maraming tao na walang saplot sa katawan!" sambit ni Shufen pero imbes na matakot ay hindi mapigilan ng binata na mapangisi habang pinipigilan ang matawa dahil sa tono ng pananalita ni Shufen.

"Parang robot magsalita" ang sabi niya sa kaniyang sarili. Napansin ng prinsepe na tila hindi natatakot sa kaniya ang binata kaya muli niyang hinawakan ang kaniyang sandata.

"Wait lang! Wait lang! Opo gagawin ko na po" pakiusap ni June dahil sa takot niya na baka tuluyan na siya ng prinsepe dahil sa kaniyang inasal. Tiningnan siya ng masama ng prinsepe na nagdala ng kakaibang takot sa kaniyang katawan at tanging paglunok laway lang ang kaniyang nagawa. Halos pigilin ni June ang kaniyang paghinga sa takot niya kay Shufen. Nakahinga lamang siya ng maayos nang bitawan siya nito.

"Li, simulan mo na dahil nag-aantay ang mahal na hari" utos ni Shufen sa bata habang siya ay nakatalikod.

"Masusunod po, kamahalan" tugon ng bata at bahagyang yumuko para magbigay galang.

Nang marinig ni Shufen ang tugon ng batang tagapaglingkod ay kaagad siyang naglakad sa labas ng kwarto. Dahil sa taling nagdudugtong sa kanila ni June ay hanggang sa labas ng kwarto na lamang ang layo na kaniyang mararating. Mas pinili niyang lumabas sa kwarto kaysa makasama ang estranghero na si June. Kahit na inatasan siya ng mahal na hari na maging mabuti at ayusin ang pakikitungo kay June ay tila hindi niya magawa dahil sa tingin niya ay hinding hindi magkakasundo ang kanilang ugali.

Habang nasa labas ng kwarto ang mahal na prinsepe ay naging abala naman si Li sa pagpili ng kasuotang ibibigay kay June. Kabilin-bilinan ng hari na ipaalam sa kaniya kapag nagkaroon na ng malay ang pinaniniwalaan nilang instrumento ng gintong dragon dahil nais nitong makausap ang binatang si June. Kahit na walang okasyon ay naging maingat si sa pagpili ang batang si Li sa pagpili ng ipapasuot kay June dahil ayaw niyang makagalitan ng hari kapag hindi nito nagustuhan ang ayos ng instrumento ng gintong dragon.

Habang tumatagal ay unti-unting nawawala ang takot at pangamba ni June sa batang kasama niya. Nang kaniyang pagmasdan ng mabuti ang bata ay hindi naman talaga ito katakot-takot bagkus sobrang amo ng mukha nito na tila batang anghel. Sa kaniyang pagtitig ay naaaliw siya sa paglutang nito sa ere. Habang pinipili ni Li ang mga kasuotan ay hindi mapigilan ng binatang si June na magtaka kung bakit lumulutang ang batang si Li. Nagawa niyang kalabitin ang talampakan nito pero hindi man lang nagpakita ng reaksyon ang batang si Li. Hindi nakontento si June kaya naman kinalabit niya ang talampakan nito ng paulit-ulit hanggang sa magsalita ang bata.

"Kung maaari po sana ay tigilan nyo na po ang ginagawa nyo sa akin dahil kinakailangan na po nating makahanap ng kasuotan para sa inyo" magalang na pagsabi ng batang si Li. Nakaramdam naman ng kahihiyan si June kaya tinigil na niya ang kaniyang ginagawa. Saka lang napansin ni June na puro pala tela ang kasalukutang nasa ibabaw ng kaniyang kama. Mula sa matitingkad na kulay hanggang sa kulay na madilim ang nakalatag sa ibabaw ng kaniyang kama. Hindi niya maaala kung kelan pa nagkaroon ng mga telang ito sa ibabaw ng kaniyang hinigaan.

"Limang minuto lang para magbihis pero mukhang tatahiin pa ang mga to" reklamo ni J une sa kaniyang sarili dahil wala siyag ideya sa paraan ng pagpili at paggamit ng mga kasuotan sa kaharian ng Tianmen.

"Maaari po ba kayong tumalikod" pakiusap ng batang si Li. Natigilan pa si June dahil hindi niya kaagad nakuha ang nais ipagawa sa kaniya ng bata. Tumalikod naman sya kaagad nang mapagtanto niya ang nais nitong ipagawa sa kaniya. Sa kaniyang pagtalikod ay kaniyang naramdaman ang paglapat ng tela sa kaniyang katawan. Napatingin siya sa kulay puting tela na nagmistulang kapa sa kaniyang likuran.

"Kung maaari po ay umikot kayo ng tatlong beses" muling utos ng batang si Li. Napaturo naman si June sa kaniyang sarili na para tila tinatanong sa bata kung siya ba ang kausap nito. Hindi niya kasi malaman kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit niya kailangang gawin ito. Tumango sa kaniya ang bata at siya naman ay napabuntong hininga bago gawin ang nais ipagawa sa kaniya. Pumikit siya dahil sa isipan niya ay walang kakwenta kwenta ang bagay na to at malalaglag ang tela mula sa likod niya kapag siya ay umikot. Nang simulan niya ang pag-ikot ay kataka-takang hindi nahulog ang tela mula sa kaniyang likod kaya inaasahan niyang malalaglag ito sa pangalawang ikot pero nanatili pa rin ito at sa huling ikot niya ay hindi na niya naramdaman ang tela sa kaniyang likuran. Dinilat niya ang kaniyang mata at namangha siya nang makitang nagkaroon na siya ng pang-itaas na kasuotan at maging ang kaniyang pang-ibabang kasuotan at nagbago rin.

"Mukhang may kulang pa" sambit ng batang si Li. Kumuha siya ng panibagong tela na kakulay ng asul na kalangitan. Habang si June ay manghang-mangha sa kakaibang kasuotan niya ay siya namang paghagis ni Li ng panibagong tela sa likuran ni June ng tumalikod ito sa kaniya. Nagtaka si June nang maramdaman niya ang paglapat nito sa kaniyang likuran kaya muli siyang humarap sa bata. Gamit ang kaniyang daliri ay sumenyas si Li upang umikot muli si June nang makaharap niya ito. Hindi na nagdalawang isip pa ang binata at ginawa na niya ang nais nitong gawin. Sa kaniyang pag-ikot ay unti-unting nawawala ang tela sa kaiyang likuran at tila napapalitan ito ng kulay asul na usok na pumapalibot sa kaniyang katawan. Sa ikatlong pag-ikot niya ay nawala ang usok at nagbago ang anyo ng kaniyang kasuotan.

Masusing pinagmasdan ni June ang kaniyang kasuotan dahil sa labis ang kaniyang pagkamangha dito. Knaina lang ay pawang walang kabuhay-buhay ang kaniyang kasuotan dahil sa simpleng kulay puti lamang ito at walang desenyo. Ngayon ay nahahaluan na ito ng kulay asul na may desensyong tila alapaap na nakakalat sa buong kasuoatan niya. Lumapit siya sa isang malaking salamin na yari sa ginto upang lubusang makita ang sarili. Hindi niya masyadong maaninag sa malayo ang kaniyang sarili dahil iba pa rin ang salamin kapag gawa ito sa babasagin o baso. Lumapit siya ng husto para makita niya ang sarili niya sa salamin ngunit bago pa siya makalapit ng husto ay biglang umilaw ang mahiwang tali sa kaniyang kanang kamay at napigilan siya sa paglapit. Hindi na siya nagpumilit na lumapit pa dahil alam niyang mahahatak niya lamang si Shufen papasok ng kwarto kapag lumapit pa siya sa salamin. Tumalikod na lamang siya upang makita ang hitsura ng kaniyang kasuotan sa likuran.

"Bakit may tatak ng dragon sa likuran ko?" tanong ni June kay Li nang mapansin niya ang nakaburdang kulay asul na dragon sa likuran ng kaniyang kasuotan.

"Ang asul na dragon ay ang sagisag ng kaharian ng Tianmen. Ang asul na dragon ang nagbigay ng kapangyarihan at kaayusan sa kaharian ng Tianmen kaya sinasamba namin ito" magalang na sabi ng batang si Li. Muli pa sanang magtatanong si June sa batang lalaki ngunit muling nagsalita si Li.

"Paumanhin dakilang instrumento ng gintong dragon, kailangan na po nating umalis dahil nag-aantay na po ang ikatlong prinsepe at ang mahal na hari" dugtong ng batang si Li. Walang nagawa si June kundi ang sumimangot at tumango bilang pagsang-ayon sa batang lalaki. Ginabayan siya nito sa daan palabas ng kwarto.

Naaliw si June habang nakikitang lumulutang ang batang lalaki. Nagawa niiyang hawakan ang tali na nakasabit sa bewang ng batang si Li. Sa isip-isip ni June ay para siyang may hawak na saranggola habang naglalakad palabas ng kwarto. Sa isang kumpas ng batang si Li ay kaagad nagbukas ng pinto. Sa kanilang paglabas ay kaagad nagsalubong ang tingin ni June at Shufen. Bakas sa mukha ng ikatlong prinsepe ang hindi pagkagalak nang makita niya si June na hawak-hawak ang kasuotan ng batang tagapagsilbi. Kaagad tinanggal ni June ang pagkakahawak sa tali sa takot niyang makagalitan ng prinsepe.

"Handa na po siya mahal na prinsepe" sambit ni Li. Tumango lang ang prinsepe at saka tumalikod. Hindi mapigilan ni June ang sarili na magtaka sa mahiwagang tali na nagdudugtong sa kanila ng prinsepe. May pagkakataong nawawala ito at may pagkakataong bigla na lang itong lumalabas. Napahawak siya sa kaniyang palapulsuhan at laking gulat niya nang muling lumabas ang mahiwagang tali. Hindi nakalampas ito sa prinsepe kaya bahagya siyang napalingon kay June nang mapansin niya ang paglitaw nito. Pilit na ngiti ang sinukli ni June sa prinsepe nang muli siyang tingnan ng masama nito. Hindi niya malaman kung ano ba ang nagawa niyang masama kung bakit labis na lang ang pagkainis sa kaniya ng prinsepe.

Nagsimula silang maglakad nang kumilos ang prinsepe. Mula sa likuran ay hindi pa rin maalis sa isipan ni June ang tungkol sa mahiwang tali na nagdurugtong sa kanila ni Shufen. Lingid sa kaalaman ni June na ang tali ay nagsisilbing hadlang upang hindi sila magkalayo sa isa't isa. Kusang nawawala ang tali kapag hindi nila hinahawakan ang kanilang palapulsuhan. Kusa ring lumalabas ito kapag naabot na nila ang limistasyon ng kahabaan ng tali. Kapag kusang lumabas ito ay ibig sabihin naabot na nila ang hangganan ng tali.

Nabaling ang atensyon ni June nang mapansin niya ang kaniyang kapaligiran. Para siyang nasa kaharian ng mga sinaunang tsino dahil sa magarang desenyo na meron ito. Sobra siyang natuwa kaya nang tumawid sila sa isang maliit na tulay ay hindi niya napigilan ang sarili na huminto upang pagmasdan ang mga batang tagapaglingkod na lumilipad. Bawat isa sa mga batang tagapaglingkod ng Tianmen ay may natatanging kakayahan at katungkulan na dapat gampanan sa palasyo. Ang mga naglilingkod sa palasyo ay sinasanay na simula sa kanilang pagkabata. Hindi sila maaaring tumungtong sa sahig ng palasyo hanggang hindi nila nararating ang sapat na edad bilang ganap na tagapaglingkod. Kaya naman lahat ng mga batang naglilingkod sa palasyo ay nakalutang sa ere gamit ang kanilang mahika. Isang malaking kasalanan ang pagtungtong sa palasyo kapag walang pahintulot ng hari, kapag hindi ka kasama sa angkan ng maharlika o walang katungkulan sa palasyo. Tinuturing nilang banal ang bawat haligi ng palasyo kaya naman malaking kasalanan ang pagpasok ng walang pahintulot sa loob nito.

Muling naglakad si June nang mapansin niya ang paglitaw ng gintong tali. Bago pa man siya mahatak nito ay naglakad na siya sa takot niyang makagalitan muli ng prinsepe. Bago makarating sa silid ng trono ay may madaraanan silang magandang hardin na punong puno ng magagandang bulaklak. Hindi mapigilan ng binata ang mapamangha habang iniikot niya ang kaniyang paningin sa paligid. Lalo siyang namangha nang makita niya ang isang puno na namumulaklak ng kulay rosas at ang mga talutot nito ay nahuhulog sa daan at mga damo.

"Sinong mag-aakala na may cherry blossom pala sa langit" masayang sabi ni June habang sinasalo niya ang mga talutot na nalalaglag mula sa puno.

Pagkalagpas nila sa magandang hardin ay kapansin-pansin kaagad ang sa kanilang kaliwa ang malaking hagdan kung saan sa itaas nito naroroon ang silid ng trono ng kaharian ng Tianmen. Bago pa man sila makarating sa hagdan ay may nakasalubong silang grupo ng mga dilag na may magagarang kasuotan. Kapansin-pansin ang isang dilag na nasa gitna dahil sa angking ganda nito na nangingibaw sa kanilang gurpo. Siya rin ang naiibang sa kasuotan sa kaniyang mga kasama dahil ang mga ito ay iisa lamang ng desenyo sa kanilang sauotan. Lahat ng mga dilag na ito ay may angking ganda na maikukumpara mo sa ganda ng isang dyosa kaya halos maglaway ang bibig ni June habang pinagmamasdan niya ang mga ito.

"Sinong mag-aakala na may Chinese counter part ang Girls' Generation sa langit" hindi mapigilang masabi ni June sa labis na pagkamangha sa mga dilag.

"Magandang araw mahal na prinsepe" pagbati ng pinakamagandang dilag sa grupo ng mga babae na sinundan naman ng pagbati ng mga kasama niyang babae. Ang babaeng ito ay si Xiao Fei, ang nag-iisang anak ng natatanging imortal na ahas na si Xiao Lin. Ang mga dilag na kaniyang kasama ay hindi mapagkakamalang mga alalay lamang dahil malaki ang pagpapahalaga ng imortal na ahas sa kagandahan kaya lahat ng kaniyang mga tagpagsilbi ay may mga angking kagandahan at kagwapuhan.

"Magandang araw sayo Xiao Fei" mahinahong tugon ni Shufen na ikinagulat ni June. Iniisip niya na maaaring may gusto ang prinsepe kay Xiao Fei kaya ganun na lang ang pagtrato niya sa dilag.

"Nais ko sanang imbitahin ang mahal na prinsepe na uminom ng tsa'a sa aking palasyo habang naglalaro ng Go" malambing na pag-aya ng binibini.

"Paumanhin ngunit may importanteng bagay akong dapat asikasuhin ngayon" pagtanggi ni Shufen sa dilag.

"Seryoso Pre? Tatanggihan mo ang isang dyosa na ganyan kaganda?" sabi ni June sa kaniyang sarili. Tila siya pa ang nakaramdam ng panghihinayang sa ginawang pagtanggi ng prinsepe. Nagulat na lang siya nang lumingon sa kaniya si Shufen. Isang tingin lang ay tila tinamaan siya ng kidlat sa masamang tingin nito sa kaniya. Tumango ang dilag sa prinsepe at nagpaalam bago nagsimulang maglakad.

Hindi napigilan ni June na mapatigil sa kaniyang kinatatayuan habang papalapit sa kaniya ang mga dilag. Pakiramdam niya ay nagsibabaan ang mga dyosa sa langit upang biyaan ang kaniyang mata gamit ang kanilang taglay na kagandahan. Abot tenga ang kaniyang pagngiti nang makalapit ito sa kaniya ngunit nawala ang kaniyang ngiti nang bigla siyang irapan ng binibining si Xiao Fei. Ang mga dilag na kasama nito ay nagbubulong-bulungan habang nakatingin sa kaniya.

"Siguro poging pogi sila sa akin kaya nila ako pinag-uusapan" di mapigilang sabihin ni June nang makalampas ang mga dilag sa kaniya. Wala siyang kaalam-alam na kaya ganun ang turing sa kaniya ng binibini dahil sinisisi siya nito sa naudlot na pag-iisang dibdib nila ng ikatlong prinsepe. Ang pangarap ng dalaga na mapangasawa ang pinakamamahal niyang lalaki sa mundo ay malabo ng mangyari dahil sa pagdating niya. Hindi nila maaaring labanan ang tinakda ng tadhana dahil malaki ang magiging kabayaran nito hindi lamng sa kanila kundi maging sa buong kaharian.

Kahit na sa malayo na ang mga dilag ay hindi pa rin maalis ni June ang kaniyang paningin. Tila sa sandaling iyon ay nakalimutan niyang may iba siyang kasama. Nabalik lamang ang kaniyang atensyon nang muli siyang mahila ng mahiwagang tali na halos ikadapa niya sa sahig. Labis ang kaniyang pagkainis sa pagtrato sa kaniya ng prinsepe at hindi man lang siya magawang lingunin nito kahit na muntikan na siyang madapa. Labag man sa kaniyang loob ay sumunod pa rin siya prinsepe. Pagkarating nila sa tapat ng mahabang hagdan ay napaluhod si June nang makita niya kung gaano kataas ito.

"Aakyatin ba talaga natin to?" sabi niya habang nakaluhod. Halos isang daang hakbang ang kailangang gawin bago marating ang pinakataas ng hagdan. Napatingin si June sa kaniyang likuran at bigla siyang nakaramdam ng paglula nang makita niya ang karugtong ng hagdan. Ang palasyo nakatayo sa pinakamataas na bahagi ng bundok. Simula sa paanan ng bundok patungo sa silid ng trono ay mayroong tinatanyang 500 daang hagdan na kailangang hakbangin bago marating ang itaas.

Malalaman ang antas ng katungkulan ng isang imortal depende sa lapit ng kaniyang palasyo sa silid ng trono. Ang pinakamalapit na palasyo ay palasyo ng Shen Sheng na pagmamay-ari ng mahal na hari na nakapwesto sa silangang bahagi ng bundok at ang nasa kanluran naman ay ang palasyo ng mahal na reyna ang tinatawag na palasyo ng Xiangqi. Mula sa itaas ay magbibilang ka ng halos isang daang hakbang bago mo marating ang pangatlo sa may pinakamataas na katungkulan sa palasyo yun ay ang prinsepe na nakatakdang magmana ng trono. Ang kaniyang palasyo ay tinatawag na Rennai kung saan namalagi si June ng ilang araw.

Tila walang nagawa si June kundi ang umakyat sa hagdan dahil nag-umpisa na ang paghakbang ni Shufen. Nais kumapit ni June sa batang si Li para hindi siya mapagod pero hindi niya magawa dahil laging nakabantay ang prinsepe sa kanyang bawat galaw. Ramdam na kaagad ni June ang pagod nang marating niya nag ikatatlumpong hakbang sa hagdan. Nang kaniyang tingnan ang prinsepe ay hindi inaasahang makita na para bang hindi ito nakakaramdam ng pagod. Inisip na lang niya na hindi lang to nagpapakita ng kahinaan kaya aantayin niyang makita itong mapagod kapag naabot nila ang kalahati ng dapat nilang akyatin.

Sa ikalimampung hakbang ay labis na ang pagtagaktak ng pawis ni June. Ngumisi siya bago lumingon sa prinsepe dahil pakiramdam niya ay pagod na rin ito dahil bigla na lang itong huminto. Pagkatingin niya sa prinsepe ay laking gulat niya nang makita itong nakatingin sa kaniya. Takang taka siya dahil wala man lang siyang makita ni butil ng pawis na namuo sa noo ng prinsepe. Ganun pa man ay ngumiti pa rin siya dahil alam niyang sinusubukan nito ang kaniyang kakayahan kaya naman nagpatuloy siya sa paghakbang.

Nang marating nila ang ikawalumpong hakbang ay halos gumapang na paakyat si June sa hagdan. Hindi niya malaman kung papano nagagawa ni Shufen ang umakyat sa maraming hagdan ng hindi man lang napapagod o pinagpapawisan. Labis ang kaniyang pagkainggit sa batang si Li dahil nakalutang lang ito sa ere kaya hindi makaramdam ng pagod.

"Konting konti na lang sasampa na talaga ako sa batang to" sabi ni June sa sarili. Hinahabol na niya ang kaniyang paghinga habang ang mga kasama niya ay tila walang pakialam sa kaniyang paghihirap. Huminga siya ng malalim bago siya muling nagsimula sa paghakbang at sa di inaasahang pangyayari ay bigla siyang nakaramdam ng matinding pagkahilo kaya nawalan siya ng balanse. Bago pa man siya mahulog ay nagawa siyang hawakan sa kamay ni Shufen. Tila bumagal ang sandali nang mahawakan ng prinsipe ang kamay ng binatang si June. Hindi niya maipaliwang sa sarili ang kakaibang nararamdaman niya nang maglapat ang kanilang mga kamay. May kakaibang init na nagmumula sa kamay ni Shufen na hindi maipaliwang ni June. Sa sandaling iyon ay para bang tumigil ang oras habang ang kanilang mga mata ay nagkatagpo. Sa pagkakataong ito ay muli niyang napagtanto kung gaano kakisig ang prinsepe sa tuwing pinapakita nito ang maamo niyang mukha. Para bang bigla na lang bumalik ang oras nang hatakin ni Shufen palapit sa kaniya ang binata. Ngayon ay sobrang lapit na ng mukha nila sa isa't isa at nananatili pa ring hawak ni Shufen ang kamay ni June.

"Sa susunod ay mag-iingat ka sa paghakbang mo" mahinahong sambit ni Shufen na kaagad pinagdudahan ni June dahil biglang nagbago ang trato sa kaniya ng prinsepe.

"Marunong ka rin pa lang magmalasakit" sabi ni June sa kaniyang sarili habang nakatingin sa prinsepe.

"Dahil wala akong mukhang maihaharap sa mahal na hari kapag may nangyaring masama sayo" dugtong nito at muling nanumbalik ang pagtrato nito sa kaniya. Bumitaw sa pagkakahawak ang prinsepe sa kamay ng binata at tumalikod ito para muling maglakad. Napakamot na lang sa ulo si June dahil para sa kaniya ay parang babae ang prinsepe dahil nalalabuan siya sa kinilos nito na para bang babae na pabago-bago ng ugali.

Labis ang pagtataka ni June nang maramdaman niyang bumuti ang kaniyang kalagayan. Tila nawala ang pagod at hilo niya sa isang iglap. Ipinasawalang bahala na lang niya ito at nagpatuloy sa pag-akyat sa mga natitirang baitang ng hagdan. Halos sumigaw sa sobrang galak si June nang marating niya ang tuktok. Muli siyang tumingin sa ibaba upang tingnan ang pinanggalingan nila. Nagawa niya ring pagmasdan ang kahabaan ng hagdan. Kahit na may mga hamog o alapaap sa paligid ng hagdan ay naaninag niya pa rin na may mga bahay sa ilalim at sa kaniyang tantiya ay isang syudad ang meron sa paanan ng bundok.

Paglingon niya sa kaniyang likuran ay nakita na lang niya na naglalakad na ang prinsepe habang nakabuntot pa rin dito ang batang si Li. Namangha siya nang makita niya ang silid ng trono na tila gawa sa ginto ang pagkakayari dito. Bago pa man siya makaladkad ng mahiwagang tali ay kaagad siyang nanakbo para mahabol ang kinaroroonan ng mga ito. Saka lang niya binagalan ang paglalakad nang mapansin niya ang paghinto ni Shufen sa tapat ng malaking gintong pintuan.

"Narito na ang ikatlong prinsepe!!" sigaw ng isa mga gwardiya ng gintong pintuan. Hindi nagtagal at nagbukas ang pinto para papasukin silang tatlo. Kaagad sumunod si June sa pagpasok ng prinsepe sa loob.

Naging pamilyar si June sa kaniyang paligid dahil nakapasok na siya rito. Ito yung lugar kung saan siya bumagsak nang mahulog siya mula sa malaking ibon. May iilang imortal sa loob ng silid ng trono na madalas kasama sa mga importanteng pagpupulong. Kaagad napansin ni June ang kakaibang kasuotan ng mga ito dahil sa pagiging magarbo at kakaiba. Nang tumingin siya sa kaniyang harapan ay nakita niya ang hari na muntik nang kumitil sa kaniyang buhay. Kasalukuyan itong nakatingin sa kaniya na may mag ngiti sa labi. Kahit nakangiti ito ay hindi niya mapigilang makaramdam ng takot dahil noong nakaraang araw lang ay balak nitong pugatan ang kaniyang ulo. Pagkarating nila sa altar ay bigla na lang lumuhod si Shufen. Ang batang si Li ay bahagyang bumaba sa kaniyang pagkakalutang at lumuhod habang nasa ere. Dahil siya na lang ang natitirang nakatayo ay ginaya na rin niya ang ginawa ng dalawa niyang kasama.

"Mahal na hari, sa inyong kahilingan na makausap ang dakilang instrumento ng gintong dragon ay narito ako ngayon upang dalhin siya sa inyo" magalang na pagsabi ng prinsepe habang nakapatong ang kanang kamay niya sa ibabaw ng kaniyang kaliwang kamay bilang pagbigay ng galang.

"Nagagalak akong nasa mabuting kalagayan ang dakilang instrumento ng gintong dragon kaya maaari na kayong tumayo" masayang sambit ng hari.

"Maraming salamat mahal na hari" ang tugon ni Shufen bago siya tumayo. Sa kanilang pagtayo ay siya ring pagtayo ng mahal na hari mula sa kaniyang kinauupuan upang lumapit sa kanilang kinaroroonan.

"Lumapit ka sa akin dakilang instrumento ng gintong dragon" sabi ng mahal na hari habang nakaangat ang mga kamay na para bang nag-aabang na yakapin sya. Hindi kaagad nakakilos si June dahil natatakot siya kaya naman nang lumingon siya kay Shufen ay kaagad itong sumenyas na lumapit sa hari. Napalunok laway siya habang naglalakad papalapit sa hari na para unti-unti siyang papalapit sa kaniyang kamatayan. Sa kaniyang paglapit sa hari ay kaagad nitong hinawakan ang magkabilang braso ng binata.

"Maaari ko bang malaman ang pangalan ng dakilang instrumento ng gintong dragon?" tanong sa kaniya ng hari. Hindi kaagad makapagsalita si June dahil sa takot na baka mapugutan siya ng ulo kapag hindi niya masagot ito ng maayos.

"Ju-June po" nauutal na sagot ng binata habang naiilang sa presensya ng hari sa kaniyang harapan.

"Jun? Saang angkan ka nagmula?" dugtong ng hari. Naisip niya kaagaad na tinatanong ng hari ang apelyido niya kaya kaagad siyang sumagot ng.

"June Ynarez po mula sa tondo" tugon ni June at napaisip bigla ang hari nang marinig niya ang mga iyon.

"Junyi? Hmmm....." sambit ng hari. Nais sanang itama ni June ang hari mula sa kaniyang pagkakarinig sa kaniyang pangalan ngunit natatakot siya na baka magalit ito kaya nanatili na lamang siyang tahimik.

"Simula ngayon ay kakalimutan mo na ang pangalang Junyi dahil simula ngayon ang kikilalanin kana ng buong kaharian bilang dakilang instrumento ng gintong dragon na si Long YiJun" buong pagmamalaking inihayag ng mahal na hari.

"Mabuhay ang dakilang instrumento ng gintong dragon na si Long Yijun!" sigaw ni Wei Qui na isa sa mga imortal na pinagkakatiwalaan ng mahal na hari.

"Mabuhay!" sabay sabay na sigaw ng mga imortal sa loob ng silid ng trono. Hindi naman malaman ni June kung ano ang gagawin niya dahil nagdesisyon na mismo ang hari sa pangalang itatawag sa kaniya. Matapos ang ilang beses na paghayag sa kaniyang pangalan na binanggit ng mahal na hari ay nanumbalik sa katahimikan ang silid habang nag-aantay sa susunod na ipapahayag ng hari.

"Wei Qui" ang tanging sinambit ng hari at kaagad nitong nakuha ang nais ipahiwatig ng mahal na hari.

Enigma (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon