Xiao Zhan as Yijun
Pagkarating ni Yijun at Da Hai sa abandonadong isla ay kaagad nilang isinagawa ang kanilang plano. Sa kautusan ng prinsepe ay nagpalit kaagad ng kasuotan ang dakilang instrumento. Wari isang basahan ang naging kasuotan ng binata dahil sa pinagtagpi-tagping tela at may mga punit sa iilang bahagi nito.
"Anong gagawin ko sa mga sirena, mamalimos?" Tanong ng binata habang pinagmamasdan ang sarili sa hindi kaaya-ayang kasuotan.
"Dahil pinagkalooban ka ng proteksyon mula sa gintong dragon ay ikaw ang magiging pain sa mga sirena. Walang bisa ang salamangka na nagmumula sa kanilang tinig sa'yo, kaya nararapat lang na ikaw ang magiging pain. Kinakailangan mo lang na magpanggap na nakaligtas mula sa trahedya ng karagatan at napadpad ka rito sa isla kaya ganiyan ang inyong kasuotan" Nakangiting tugon ng prinsepe habang pinipigilan ang sarili sa pagtawa.
"Pucha, parang hindi naman trahedya ang pinagdaanan ko sa ayos na to. Tinalo ko pa yung mga namamalimos sa quiapo" Sambit ng binata sa sarili habang dismayadong tinititigan ang sarili.
"Huwag mo nang isipin yan, ang mahalaga ay matutulungan mo si Shufen" Sambit ng prinsepe na kung saan ay dinugtungan niya pa ng pagkindat. Napailing na lang ang binata sa kadahilanang wala rin siyang ibang magagawa kundi sundin ang plano ni Da Hai.
"O, sige ganito na ang ayos ko. Anong sunod kong gagawin?" Tanong ng binata at kaagad namang lumapit ang prinsepe upang akbayan ito.
"Kinakailangan mo lang manatili malapit sa dalampasigan hanggang sa sumapit ang hating gabi na kung saan ay sila mismo ang lalapit sayo"
"Hindi ba nila ako hahatakin sa tubig kapag nakita nila ako?"
"Nakakasiguro akong hindi nila gagawin iyon dahil alam nilang ikaw mismo ang lalapit sa kanila. Kinakailangan mo lang tumingin sa kanila habang sila ay umaawit at saka ka lamang lalapit kapag nakita mo na ang tanging sirena na may suot na gintong kabibe sa kaniyang leeg"
Tumango ang binata habang iniisip niya ang bawat mangyayari hanggang sa muli itong magtanong.
"Ngunit hindi ba nila ako mahahalata kapag hindi ako naakit sa mga tinig ng iba pang sirena?" Tanong ng binata at ito naman ay tinugunan ng prinsepe sa pamamagitan ng pagbulong.
"Hindi, dahil alam kong sila mismo ang maaakit sa'yo" Matapos bitawan ang mga salitang iyon ay kaagad namang hinipan ng prinsepe tenga ng binata. Mabilis na nakaramdam ng pangingilabot sa kaniyang katawan ang binata, kaya naman ay kaagad itong kumawala mula sa pagkakaakbay sa kaniya ng prinsepe.
"Buhay ng kapatid mo ang pinag-uusapan na'tin. Maging seryoso ka naman!" Naiinis na sambit ni Yijun na siyang ikinagulat ng prinsepe. Sadyang naninibago pa rin siya sa pakikitungo sa kaniya ng binata. Ngunit imbes na ito'y kaniyang kainisan ay mas lalo pa niya itong ikinatuwa.
BINABASA MO ANG
Enigma (BL)
FantasyIsang engkwentro sa daan ang naging dahilan upang maaksidente si June at mawalan ng malay. Sa kaniyang paggising ay napunta siya sa isang misteryosong lugar na kung saan may bundok na lumulutang sa himpapawid. Sa loob nito'y may kaharian na kung saa...