Yibo as Shufen
Hindi mapigilan ng binatang si Yijun na mapatingin muli sa hari na para bang inaatay niya na sabihing biro lamang ang kaniyang mga narinig. Ngunit taliwas sa inaasahan niyang tugon dahil tumango lamang ito bilang pagsang-ayon. Muli niyang tiningnan ang prinsepe na sa ngayon ay nakatingin na rin sa kaniya. Hindi niya mawari kung ano ang iniisip nito pero ang pinagtataka niya ay kung bakit hindi man lang ito tumututol.
"Sigurado po ba kayo? Baka naman po may iba pang paraan?" pagbabaka sakali ni Yijun dahil hindi niya kayang tanggapin na ang isang lalaki ang aangkin ng kaniyang pagkabirhen.
May mga naging kasintahan si Yijun noong siya'y nag-aaral pa lang. Hanggang yakap, hawak sa kamay at halik sa pisngi pa lamang ang kaniyang nararanasan dahil mataas ang paggalang niya sa mga kababaihan. Simula nang mamatay ang kaniyang ama ay hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong magkaroon muli ng kasintahan dahil alam niyang mahihirapan lamang siyang hatiin ang kaniyang oras mula sa kaniyang mga trabaho. Ngayon ay tila binagsakan siya ng langit at lupa nang malaman niyang isang lalaki ang siyang aangkin ng kaniyang puri.
"Nakakasigurado ako dahil sa loob ng libo-libong taon ay tanging sa pamamaraan ng pakikipagtalik naipapasa ang kapangyarihan na ipinagkaloob ng mga dakilang tagapangalaga ng daigdig. Kaya naman mas mainam na magkaroon ng kasalan upang mas mapatibay ang kanilang pagsasama" tugon ng hari na tila hindi nakatulong sa binata dahil lalo lamang siyang nabalisa. Magsasalita pa sana siya upang magbigay ng kaniyang opinion ngunit naunahan siya ng prinsepe.
"Halikan na at kinakailangan na nating magsimula" sambit ng prinsepe. Yumuko ito at nagbigay galang sa mahal na hari bilang tanda na rin na lilisanin na nila ang silid ng trono.
"Haa? Ngayon na agad?" mabilis na tugon ng binata.
"Oo, kaya kailangan na nating lisanin ang silid ng trono para makapagsimula at mabigyan ng katahimikan ang kamahalan" tugon ng prinsepe at saka naman tumango sa kaniya ang hari bilang tanda na pinahihintulutan na silang umalis.
"Pero di ba kasal muna bago mag?" hindi niya naituloy ang kaniyang dapat sambitin dahil ngayon ay nakaramdam siya ng labis na pagkailang. Napaatras pa siya ng bahagya habang nakahawak siya sa kaniyang mga braso.
"Ang ibig kong sabihin ay kailangan na nating simulan ang iyong pag-iensayo" mahinahong sagot ng prinsepe ngunit ramdam ni Yijun na para bang sinusunog siya ng mahal na prinsepe sa pamamagitan ng pagtitig nito sa kaniya. Pumukaw sa atensyon ng dalawa ang pagtawa ang biglang pagtawa ng mahal na hari. Nanibago ang prinsepe dahil sa mga nagdaang taon ay bibihira na lamang niyang marinig na tumatawa ang mahal na hari dahil madalas ay galit ito o kaya naman nanatiling tahimik. Naisip niya na marahil ay aliw na aliw ang mahal na hari sa pagdating ni Yijun at mukhang makakabuti ito sa kalagayan ng kamahalan dahil nanunumbalik ang nawala nitong sigla.
"Mukhang hindi na makapag-antay ang ating dakilang instrumento" makahulugang sambit ng hari habang pinipigilan ang sariling huwag matawa.
"Hayaan mo at darating din kayo diyan" dugtong pa nito. Matinding kilabot ang dala nito sa kaniyang katawan ngunit hindi niya ito pinahalata sa mahal na hari. Yumuko siya at nagbigay galang sa hari bago niya ito talikuran. Nauna siyang maglakad ng mabilis habang nasa likuran niya ang prinsepe.
Kahit kailan ay hindi niya naiisip na magkaroon ng relasyon sa isang lalaki dahil alam niyang sa babae lang siya nagkakagusto kaya ang pakikipagtalik sa kapwa niya ay lalong hinding hindi niya magagawa. Habang naglalakad siya ay hindi maalis sa isipan niya ang mga mangyayari kapag ikinasal na siya sa mahal na prinsepe. Sa dinamirami ng kababalaghan sa mundong ito ay hindi nakatakas sa kaniyang isipan ang posibilidad na baka magdalang tao siya kapag naganap na ang bagay na ayaw niyang mangyari. Napahawak siya sa kaniyang tiyan at muling kinilabutan nang matanaw niya ang prinsepe.
"Magsisimula tayo dito" sambit ng prinsepe nang marating nila ang hagdan. Ang binatang si Yijun ay napapikit habang iniisip kung dapat bang tapusin na lang niya ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng paghulog sa sarili sa daang-daang hagdan na nasa kaniyang harapan.
"Walang magbabago sa iyong tungkulin kahit na tumalon ka pa sa hagdan na to" napadilat siya dahil sa di inaasahang pagsabi sa kaniya ng mahal na prinsepe. Tila ba may kakayahan itong basahin ang kaniyang isipan.
Pinaliwanag sa kaniya ng mahal na prinsepe na hindi madaling kitilin ang kaniyang buhay dahil walang sino man sa kahariang ito ang may kakayahang saktan siya gamit ang kanilang salamangka at maging sa paglapit sa kaniya ay mahihirapan ang mga ito dahil sa harang na nagbibigay sa kaniya ng proteksyon mula sa ibang nilalang. Kung may nilalang man namakakakitil ng kaniyang buhay ay walang iba kundi ang mahal na prinsepe.
"Bakit hindi mo na lang ako patayin para pareho tayong makawala sa sumpang to?" matapang na tugon ni Yijun at kaagad naman siyang tinitigan ng masama ng prinsepe.
"Kung maaari lang ay bakit hindi? Dahil noong unang pagkikita natin ay nagawa ko na sana ito" sagot ng prinsepe habang nasa malayo ang tingin nito na para bang iniiwasan na magtagpo ang kanilang paningin. Napalunok laway naman ang binata sa sinabi ng prinsepe. Alam niyang kinamumuhian siya ng prinsepe pero hindi niya inaasahang ganun katindi ang pagkamuhi sa kaniya nito.
"Kapag tinapos ko ang buhay mo ay para na ring pinatay ko ang aking sarili" dugtong pa nito at nanatiling nakatingin sa malayo na mas lalong ipinagtaka ng binata.
"Pa-pano mo naman nasabi?" hindi niya mapigilang itanong at sa sandaling ito ay tumingin sa kaniya ang mahal na prinsepe.
"Nasa braso ko na ang tatak na sumisimbolo sa pagpili ng dakilang gintong dragon. Sa sandaling iyon ay pinagkaisa na ng dakilang dragon ang ating mga katawan. Kapag dumating ang panahon na isa sa atin ang masasawi ay kalahati ng ating pagkatao ang mamamatay. Ang kapangyarihan nating taglay ay unti-unting manghihina at ang ating paglilinang ay mawawala hanggang sa tayo ay tumanda" sa pagpapaliwanag ng mahal na prinsepe ay saka lang napagtanto ng binatang si Yijun kung gaano kahalaga ang kaniyang buhay sa mahal na prinsepe dahil tila magkarugtong na ang kanilang buhay na dapat pangalagaan ng isa't isa.
Labag man sa kaniyang kalooban ay sinunod niya pa rin ang nais mangyari ng prinsepe. Nagsimula sila pagbaba mula sa pinakatuktok ng hagdan hanggang sa marating nila ang ika-isang daang hagdanan. Paharap sa silangan ay makikita kaagad ang palasyo ng Rennai sa kanilang kanan. Para bang gusto na lang bumalik ni Yijun sa loob ng palasyo upang magpahinga ngunit hindi niya magawang makatakas bukod sa higpit na pagbabantay ng prinsepe sa kaniya at dahil na rin sa mahigawang taling nagbubuklod sa kanila. Ipinagdarasal na lamang niya na mawalan siya ng malay sa pangalawang beses na pag-akyat baba niya sa isang daang hagdanan. Nais ng prinsepe na akyatin niya ito ng sampung beses na walang pahinga. Labag man sa kaniyang kalooban ay ginawa niya ang nais nitong mangyari.
Sa unang beses niyang pag-akyat ay tila wala siyang naramdamang pagod di tulad nang una niya itong akyatin na halos mabali ang kaniyang mga binti sa pag-akyat. Syempre naging maingat din siya sa pag-akyat-baba dahil na nakasunod lamang sa kaniya ang mahal na prinsepe. Lihim siyang napangiti nang mapagtanto niya na hindi lamang siya ang mapapagod sa pag-eensayo na to.
Sa ikalimang beses na pag-akyat niya ay unti-unti niyang nararamdaman ang pagod. Ang akala niya ay hindi na siya aabot sa pagkakataong ito ngunit tila may himalang nangyayaring sa kaniyang katawan na nagbibigay sa kaniya ng kakaibang lakas. Saka lamang niya naramdaman ang pagtulo ng kaniyang pawis mula sa kaniyang noo nang tangkain niyang umakyat sa ikawalong pagkakataon. Hindi niya mapigilang mapatingin sa prinsepe dahil nakakasigurado siyang parehas na sila ng kalagayan ngayon. Ngunit laking gulat niya nang makita niya itong maayos pa rin ang kalagayan. Kahit pamumuo ng pawis ay wala siyang nakitang bakas. Parehas naman ng kapal ang kanilang mga kasuotan ngunit tila siya lamang ang nakakaramdam ng init sa kanilang dalawa. Matapos niyang punasan ang pawis sa kaniyang noo ay nagpatuloy na siya sa pag-akyat sa hagdan habang patuloy pa rin ang pagsunod sa kaniya ng prinsepe.
Napagtagumpayan ng binata ang binigay na pagsubok sa kaniya ng prinsepe bilang pag-eensayo sa kaniya. Halos habulin niya ang kaniyang paghinga nang makababa silang dalawa. Muli niyang nilingon ang prinsepe na kung saan wala pa ring pagbabago sa kaniyang ayos. Hindi niya mapigilang mapailing dahil inaasahan niyang kahit pawis man lang ay magkakaroon ito dahil sa paulit-ulit nilang pag-aakyat baba.
"Bakit?" tanong ng prinsepe. Hindi namalayan nang binata na matagal na siyang nakatitig sa prinsepe habang nagpapahinga.
"Papano mo nagagawa yan?" habol hininga niyang pagsambit.
"Ang alin?" tanong nito habang nakakunot ang noo.
"Ang umakyat ng sampung beses sa isang daang hagdan na hindi man lang napapagod o pinagpapawisan?" tanong niya habang hinihingal pa rin sa pagsasalita. Nakaupo siya sa pinakahuling baitang ng hagdan at nakatingala sa prinsepe na nanatiling nakatayo pa rin.
"Bunga ito ng daan-daang taong pag-eensayo at paglilinang" tugon niya at iniwas ang pagtingin sa binata. Hindi nakaligtas ang bagay na ito sa pagiging mausisa ng binata kaya naman tumayo siya mula sa kaniyang kinauupuan at inakbayan ang mahal na prinsepe.
"Daan-daang taong pag-eensayo? Ilang taon ka na ba?" tanong ni binata habang nakangisi na tila nang-aasar. Bago pa man sumagot ang prinsepe ay napatingin muna ito sa kamay na nakapatong sa kaniyang balikat at saka siya tumingin kay Yijun. Mabilis nakuha ni Yijun ang ibig ipahiwatig ng prinsepe kaya naman tinaggal niya ang kaniyang kamay na nakapatong sa balikat nito.
"Marami ka pang dapat matutunan pero nararapat lang na unahin mong matutunan kung papano mo kakausapin ang mga taong mas nakakataas sayo. Marahil magiging ganap na mag-asawa tayo sa takdang panahon pero hindi ibig sabihin ay pakikitunguhan mo ako nang walang paggalang" inis na sambit ng prinsepe.
Tumalikod ito at nagsimulang maglakad patungo sa palasyo ng Rennai. Saka lang sumunod ang binata nang maramdaman niya ang paghatak ng mahiwagang tali sa kaniyang kamay. Hindi niya pa rin mapagtanto kung may mali ba sa uri ng pakikitungo niya sa prinsepe. Para sa kaniya ay mas maayos pa nga ang pakikitungo niya kaysa pagtrato nito sa kaniya. Ganun pa man ay tinanggap na niya na hindi na siya magiging maligaya sa tinuturing niyang ikalawang buhay na ito.
Bago pa man sila makapasok sa loob ng palasyo ay naamoy na kaagad ni Yijun ang mabangong pagkain na nagmumula sa loob ng palasyo. Kasabay nito ang pagkalam ng kaniyang sikmura at saka lang niya naalala na hindi pa pala siya nakakakain simula nang umalis sila ng palasyo upang makipagkita sa mahal na hari. Mananakbo sana siya papasok ng palasyo ngunit natigilan siya dahil sa isang tingin ng prinsepe kaya nanatili siya sa paglalakad ng marahan.
Sa kanilang pagpasok sa loob ay nakahain ang maraming pagkain na hihigit na naman para sa dalawang taong magsasalo. Pinigilan niya ang kaniyang sarili at hinayaan muna ang prinsepe na maunang maupo. Sunod siyang pumuwesto sa kabilang bahagi ng mesa kung saan nakaharap siya ngayon sa mahal na prinsepe. Tumingin pa siya sa prinsepe upang mag-antay ng pahintulot nito kung maaari na siyang magsimula sa pagkain. Hindi man ito nagpahiwatig ng pagsang-ayon pero nagsimula lang kumuha ng chopsticks ang binata nang magsimula na sa pagkain ang prinsepe. Nang magsimula siya sa pagkain ay hindi na niya napigilan ang sarili at halos nagawa niyang tikman ang lahat ng mga nakahain sa mesa.
"Siguraduhin mo lang na makakatayo ka pagkatapos mong kainin ang lahat ng mga iyan dahil muli tayong mag-eensayo pagkatapos nito" biglang sambit ni Shufen. Muntikan nang mabulunan si Yijun nang marinig niya ang mga sinabi ng prinsepe.
"Kung hindi man ako mamatay sa pagod dito, mukha namang mamatay ako dahil sa appendicitis" sabi ni Yijun sa sarili habang kumakain. Kanina lang ay ganadong ganado siya sa pagkain ngunit nang mabanggit ni Shufen ang tungkol sa kanilang pag-eensayo ay tila nawalan na siya ng ganang kumain.
Kagaya nga ng sinabi ni Shufen ay nagpatuloy sila sa pag-eensayo ilang minuto lang ang lumipas matapos silang kumain. Sa pagkakataong ito ay kinakailangang umakyat-baba ni Yijun ng sampung beses simula sa tuktok pababa sa ikadalawang daang baitang ng hagdan. Mabuti na lang at nagawa niyang makapagpahinga bago nila simulan ang pag-eensayo na to. Nagsimula siya sa pag-uunat ng kaniyang mga kamay at paa. Nagawa niya ring tumakbo nang hindi umaalis sa kaniyang kinatatayuan bago siya nagsimulang bumaba sa hagdan.
Mula sa tuktok ay naglakad sila pababa sa hagdan. Kagaya ng nauna nilang pag-eensayo ay naging tahimik lamang ang binata. Iniiwasan niyang magalit ang prinsepe sa takot niyang madagdagan ang kaniyang paghihirap sa kanilang pag-eensayo. Wala siyang kaalam-alam kung bakit ganito ang pamamaraan ng prinsepe sa kanilang pag-eensayo pero nagagawa niya pa ring sundin ito. Kanina pa niya nais tanungin ang prinsepe tungkol dito pero hindi siya makakuha ng lakas ng loob para gawin ito.
Nang marating nila ang ikadalawang daang baitang ay biglang napatigil si Yijun sa paghakbang dahil sa ingay na kaniyang naririnig. Kaagad niyang natanaw ang isang palasyo sa kaniyang kanan. Mula sa kanilang kinatatayuan ay kitang kita ang mga sundalong nag-eensayo gamit ang kanilang mga sandata. Ang bawat pagkilos ng mga ito ay may kasabay na pagsigaw na sabay-sabay nilang nalilikha. Sa bawat pagtama ng kanilang mga sandata ay tila kakaibang tunog na nagbibigay ng kakaibang kasabikan kay Yijun. Manghang mangha siya sa husay ng mga ito at habang tumatagal ang kanilang galaw ay nagmumukhang galaw sa pagsasayaw dahil sa sabay-sabay na reaksyon at kilos na kanilang ginagawa.
Hindi nakatakas sa kaniyang paningin ang isang lalaking may puting kasuotan na maihahalintulad sa suot ng ikatlong prinsepe. Nangingibabaw ang boses nito sa lahat dahil sa kaniya nagmumula ang kautusan na mabilis tinutugon ng mga sundalo. Mabilis napagtanto ng binata na ang lalaking nasa gitna ay ang kanilang pinuno. Kaniya namang ikinagulat nang bigla itong lumingon sa kaniyang kinaroroonan. Hindi niya alam kung papano siya napansin nito mula sa malayo at ang kaniyang pinagtataka ay ang biglang pangngiti nito sa kinaroroonan niya. Tumingin siya sa prinsepe na kasalukuyang nakatalikod ngayon kaya imposibleng sa kaniya ito ngumiti. Nang ibalik niya ang paningin niya sa palasyo ay mabilis nawala na parang bula ang lalaking nakangiti sa kanya. Nais pa sanang saksihan ni Yijun ang pag-eensayo ng mga sundalo ngunit nagsabi na kaagad ang prinsepe na ipagpatuloy na nila ang pag-eensayo.
Naunang maglakad ang prinsepe at siya naman ay sumunod habang nakasimangot dahil dismayadong aalis na kaagad sila. Unang beses pa lang niya sa pag-akyat mula sa baitang na ito ngunit tila nakaramdam siya agad ng pagod pero sa katunayan ay tinatamad lang talaga siya. May mga pagkakataong nahihila na siya ng tali dahil sa bagal ng kaniyang pagkilos. Sa tuwing mangyayari ito ay humihinto sa paglalakad ang prinsepe ngunit hindi siya nililingon nito at inaantay lang na ipagpatuloy ang pagkilos. Para siyang asong may tali na pilit hinahatak ng kaniyang amo patungo sa lugar na ayaw naman niyang puntahan.
Pagkarating nila sa tuktok ay kaagad namang bumaba ang prinsepe na hindi man lang nagsasalita. Napabuntong hininga na lang ang binatang si Yijun dahil sa bagay na ito. Para sa kaniya ay pag-aaksaya lamang ito ng oras at pinapagod lang nila ang kanilang sarili sa pag-aakyat-panaog sa hagdan na para sa kaniya ay walang kabuluhan. Sa kanilang pagbaba ay patuloy na naging sunod-sunuran ang binata sa nais ipagawa sa kaniyang ng prinsepe. Habang papalapit na sila sa ikadalawang daang baitang ay muling narinig ni Yijun ang ingay na nililikha ng mga sundalong nag-eensayo.
"Bakit ba hindi na lang kagaya niyan ang ipagawa mo sa akin bilang pag-eensayo?" hindi mapigilang sambitin ni Yijun dala ng pananabik sa paghawak ng sandata.
"Dahil hindi ka pa handa" maikling tugon ng prinsepe at patuloy na naglakad pababa ng hagdan. Binilisan ni Yijun ang kaniyang pagkilos upang maunahan niya ang prinsepe at sa harap nito siya huminto para maharangan ang prinsepe at tumigil ito sa paglalakad.
"Pano mo naman nasabing hindi pa ako handa? Tingnan mo nga nagagawa ko na yung pag-akyat baba hindi masyadong napapagod" pangangatwiran ng binata ngunit nakahanap ng paraan ang prinsepe upang malagpasan niya ang binata. Nagmistulang patentero ang hadgan sa kanilang ginawa. Sa sandaling malagpasan nito ang binata ay saka niya ito hinarap.
"Mahina pa ang iyong katawan kaya dapat mong palakasin ang iyong resistensya dahil habang tumatagal ay lumalakas ang kapangyarihan mong taglay" tugon ng prinsepe na ayaw paniwalaan ni Yijun. Para sa kaniya ay kasinungalingan lamang ang kaniyang kapangyarihang taglay dahil sa hindi niya naman ito maramdaman.
"Kayang-kaya ko na nga ba't ba ayaw mong magtiwala sa akin?" tanong niya at bigla na lang siyang tinitigan ng masama ni Shufen. Muli na namang nakalimutan ni Yijun ang gumalang sa prinsepe dahil habang tumatagal ay nagiging komportable na siyang kausapin ito kaya nakakalimutan niyang isang maharlika ang nasa harapan niya. Biglang tumalikod si Shufen at nagpagtuloy sa paglalakad habang ang binatang si Yijun ay padabog na sumunod sa kaniya. Nang marating nila ang ikadalawang daang baitang ay kaagad humarap sa kaniya ang prinsepe.
"Patunayan mo sa akin na kaya mo nga" paghamon ni Shufen kay Yijun na kaagad namang ikinatuwa ng binata.
"Sige ba, ano bang gusto mong gawin ko?" lakas loob niyang tanong. Nang magtagpo ang kanilang paningin ay nanatili pa rin sa mukha ng prinsepe ang pagkainis dahil sa paraan ng pakikiusap sa kaniya ng binata.
"mahal na prinsepe" dugtong ni Yijun nang mapagtanto niya na nakalimutan niyang magbigay galang.
"Subukan mong bunutin ang sandata ko mula sa kaluban nito" utos ng prinsepe at kasabay nito ang pag-abot niya ng kaniyang sandata.
"Yun lang ba? Sige!" masiglang tugon ng binata. Kasalukuyang nakahawak ngayon ang prinsepe sa gitnang bahagi ng kaluban upang magawang hawakan ni Yijun ang hawakan ng sandata para mabunot ito mula sa kaluban.
Pinagmasdan muna ni Yijun ang kabuoan ng sandata. Namangha siya sa kulay puting kaluban na may kakaibang desenyo, ang gitnang hawakan nito ay tila gawa pa sa kulay puting bato na pinagpatibay ng dulong hawakan na yari sa pilak. Dala ng kaniyang kasabikan ay kaagad niyang hinawakan ang sandata at biglang hinila ito. Hindi niya inaasahang mahihirapan siyang bunutin ito sa unang pagkakataon.
"Teka lang ahh" sambit ni Yijun at pinatunog ang kaniyang mga kamao. Pinagkiskis niya ang kaniyang mga palad bago muling sinubukan ang paghugot ng sandata sa kaluban nito. Sa ikalawang pagkakataon ay bigo pa rin ang binata kaya naman ginamit na niya ang kaniyang dalawang kamay upang hatakin ito ng buong lakas. Halos pumutok na ang mga ugat niya sa kaniyang braso at sa leeg sa pwersa na ginagamit niya sa paghila ng sandata.
Sa mundo ng paglilinang ay may mga bagay na hindi mo magagawa kahit na daan-daang taon na ang iyong pagsasanay at mataas na ang antas ng iyong salamangka. Isa rito ay ang paghugot ng sandata mula sa kaluban. Ang bawat imortal na naglilinang ay may kaniya-kaniyang sandata. Mayroong espada, pana, sibat, latigo, pamaypay at marami pang iba. Karaniwan sa mga sandatang ginagamit ng mga imortal ay espada. Sa sandaling tatahakin nila ang landas ng paglilinang ay kinakailangan nilang pumili ng sandata na gagamitin nila na aangkop sa kanilang lakas at kakayahan. Kapag ang isang imortal ay piniling gumamit ng espada bilang kaniyang sandata ay nararapat lang na bigyan niya ito ng pangalan bilang paggalang dahil ito ang magiging kasangga niya hanggang sa kaniyang huling hininga.
Maaaring gumamit ng higit pa sa isang sandata ang isang imortal at yun ay nakadepende sa antas ng kaniyang paglilinang. Sa sandaling makapili ang isang imortal ng kaniyang sandata at mabigyan niya ito ng pangalan ay tanging ang nagmamay-ari sa sandatang ito ang kaniyang kikilalanin. Sino man ang magtangka sa paggamit ng sandata ng iba ay hindi magtatagumpay dahil hindi siya susundin nito o hindi niya magagamit ang buong potensyal nito. Kung espada ang pangunahing sandata ng isang imortal at may ibang imortal na nais gamitin ang kaniyang sandata ay mabibigo dahil hindi niya ito magagawang bunutin mula sa kaluban nito. Ngunit ang mga nagiging instrumento ng mga dakilang tagapagtanggol ng daigdig ay may kakayahang gumamit ng sandata ng ibang imortal. Ang kanilang kalayaan sa paggamit ng sandata ng iba ay may limitasyon na naaayon sa lakas, taon ng paglilinang at ang kanilang kakayahan sa paggamit ng naturang sandata.
Kaya sa sandaling ito ay kampante ang prinsepe na hindi magagawang hugutin ni Yijun ang kaniyang sandata dahil alam niyang hindi pa sapat ang kakayahan nito para magawa iyon. Halos mapaliyad na mula sa kaniyang kinatatayuan si Yijun dahil hindi niya pa rin sinusukuan ang paghugot sa sandata ni Shufen. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang nahugot ni Yijun ang sandata at natanaw niya ang talim nito. Hindi pa tuluyang nahuhugot ang espada mula sa kaluban dahil bungad pa lang ng patalim ang nakakalabas mula rito. Hindi pa nakontento ang binata at hinatak niya pa ng husto ang sandata para tuluyan na niyang makuha ito mula sa prinsepe.
Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay napilitan ang prinsepe na hatakin pabalik sa loob ng kaluban ang kaniyang sandata gamit ang kaniyang kapangyarihan. Mabilis na pumasok ang sandata sa loob ng kaluban na naging dahilan para mahatak palapit si Yijun sa prinsepe. Sa kadahilanan na halos mapaliyad na siya sa paghatak ng sandata at sa biglaang paghatak sa kaniya ng sandata ay nawalan siya ng balanse. Sa biglaang paghatak sa kaniya ay napahak siya sa dibdib ng prinsepe upang mapigilan ang tuluyang pagtama ng kanilang mukha.
Sa sandaling ito ay sobrang lapit na nilang dalawa sa isa't isa. Halos magtama na ang kanilang ilong at ang kanilang mga mata ay nagtagpo na sa pagkakataong ito ay sobrang lapit. Hindi nakakilos ang dalawa sa mabilis na pangyayari kaya nagmistulang mga istatwa sila habang nakatingin sa isa't isa. Hindi nila namalayan na may ibang tao na lumapit sa kanilang kinaroroonan at nasaksihan ang kasalukuyang ayos nila.
"Paumanhin, mukhang nakakaabala ako" halos mapatalon mula sa kaniyang kinatatayuan ang binatang si Yijun hindi lang dahil sa pagkagulat sa biglaang pagsalita nito ngunit pati na rin sa naging ayos nila ng prinsepe na nasaksihan nito. Mabilis siyang lumingon upang harapin ang taong nagsalita. Laking gulat niya nang makita niya ang hitsura nito. Kung hindi siya nagkakamali ay ito yung lalaking nasa gitna ng mga sundalong nag-eensayo na may puting kasuotan na kagaya ng sa prinsepe. Napansin na lang niya na yumuko ang prinsepe at nagbigay galang sa lalaking nasa harapan nila.
"Ikinagagalak ko na makita ka prinsepe Jun Xiang" sambit ng lalaking nasa harapan nila at nagbigay rin ito ng kaniyang paggalang.
"At sa inyo rin dakilang instrumento ng gintong dragon" dugtong nito at yumuko upang magbigay galang sa kaniya. Mabilis siyang yumuko at nagbigay galang sa lalaking nasa harap niya dahil ramdam niya ang masamang tingin sa kaniya ng prinsepe.
"Paumanhin dahil nagambala ko kayo ng mahal na prinsepe" muli nitong sambit. Hindi alam ni Yijun ang kaniyang sasabihin dahil nang lumingon siya sa prinsepe ay nanatiling tikom ang bibig nito.
"Ahhh wala yun.... wala naman kaming ginagawang masama, di ba Shufen?" natatarantag sambit ng binata.
"Shufen?" tanong ng lalaki habang nakangiti.
Nakaugalian na nilang magkaroon ng dalawang pangalan simula pa noong unang panahon. Ang binibigay na pangalan sa isang sanggol nang ito ay isilang ay ang pangalan na itatawag sa kaniya na magbibigay ng karangalan sa kaniyang pagkatao. Ang kaniyang ikalawang pangalan ay ang itatawag sa kaniya ng mga taong malalapit sa kaniya lalong lalo na ang mga mahal nito sa buhay. May mga pagkakataong iilang tao lamang ang pinahihintulutan sa pagtawag ng ibang tao ikalawang pangalan nila. Kagaya ng sa ikatlong prinsepe, ang kaniyang pangalan sa kaniyang kapangakan ay Jun Xiang. Ang ibig sabihin ng Jun ay hari o pinuno. Ang ibig sabihin naman ng Xiang ay lumipad ng mataas. Bilang pagbigay galang sa kaniyang estado at pagkatao ay tinatawag siya sa pangalang Jun Xiang.
Ang mga taong malalapit sa kaniya o ang mga taong pinahihintulutan niyang tawagin siya sa pangalang Shufen ay nabibilang lamang sa daliri ng kaniyang mga kamay. Ang madalas tumawag sa kaniya sa pangalang ito ay ang kaniyang mga magulang at ang kaniyang naging kasintahan na si Xiao Fei. Ang ibig sabihin ng kaniyang pangalan ay mabuti o kaakit-akit na amoy. Dahil sa kahulugang ito ay iilan lamang ang hinahayaan niyang tawagin siya sa pangalang Shufen. Kaya naman labis ang pagtataka ni lalaking nasa harapan nila na siyang kapatid ni Shufen na isang ring prinsepe.
"Ang ibig kong sabihin ay mahal na prinsepe" mabilis na sambit ni Yijun ngunit huli na para bawiin ang kaniyang nasabi dahil bakas sa mukha ng prinsepe na hindi niya nagustuhan ang kaniyang narinig.
"Paumanhin at hindi ko pa pala naipapakilala ang aking sarili" biglang sambit ng ikalawang prinsepe upang mabawasan ang tensyon.
"Ako ang ikalawang prinsepe ng kaharian ng Tianmen, ako nga pala si Zhen Zheng pero maari mo akong tawagin bilang Zhihao" masayang sambit ng ikalawang prinsepe. Nagawa pang-iabot ni Yijun ang kaniyang kamay upang makipagkamay siya dito ngunit tiningnan lamang ito ng ikalawang prinsepe sa kadahilahang hindi niya alam kung ano ang nais mangyari ng binata.
"Ako nga pala si June este Yijun, masaya akong makilala ka Jihao? Prinsepe Jihao?" nag-aalangan siyang batiin ito dahil hindi pa siya ganun kasanay sa mga pangalan nito. Imbes na iwasto ay tumango at ngumiti lamang ang ikalawang prinsepe. Muling nilingon ni Yijun ang ikatlong prinsepe ngunit nanatiling tahimik pa rin ito habang iniiwas ang paningin sa kaniya.
"Nga pala nakita kita kanina at mukhang napakagaling mo sa paggamit ng espada dahil lahat ng mga sundalo ay sumusunod sayo" masayang sambit ni Yijun na ikinatawa naman ng ikalawang prinsepe.
"Ginagawa ko lang naman ang tungkulin ko bilang pinuno ng mga sundalo" ngumiti ito sa binata na kaagad rin niyang sinuklian.
"Pagnagawa ko ang mga pagsubok ng mahal na prinsepe ay kung pwede sana turuam mo din akong gumamit ng espada?" masayang sambit ni Yijun at halata sa kaniyang kinikilos ang matinding pananabik.
"Isang karangalan para sa akin ang turuan ang dakilang instrumento ng gintong dragon" lalong nagliwanag ang mukha ng binata nang marinig niya ang pagtugon ng ikalawang prinsepe na si Zhihao.
"Talaga?" muli niyang pagkompirma at tumango lamang si Zhihao bilang pagtugon ngunit ang kaniyang mga mata ay napapatingin sa kinatatayuan ni Shufen.
"Hindi pwede!" mabilis napalingon si Yijun nang biglang magsalita si Shufen.
"Bakit hindi?" mabilis niyang tugon habang ang ikalawang prinsepe ay tahimik lang ngunit gumuguhit ang ngiti nito sa kaniyang labi.
"Dahil sa akin ka lang dapat" tugon ng prinsepe habang iniiwas ang kaniyang paningin sa binata.
"Haaa?" ang tanging nasabi ni Yijun dahil hindi malinaw sa kaniya ang ibig sabihin ng mahal na prinsepe.
"Sa akin ka lang dapat matuto hanggang sa mawala na ang bagay na to" matapos magsalita ni Shufen ay kaagad niyang hinawakan ang palapulusuhan ng kaniyang kanang kamay at biglang nagliwanag ang mahiwagang tali na nagbubuklod sa kanila ni Yijun.
Matapos lumabas ang mahiwagang tali ay siya namang tumalikod si Shufen at nagsimulang maglakad. Napakamot na lang sa ulo ang binatang si Yijun at humingi ng paumanhin sa ikalawang prinsepe sa pamamagitan ng pagyuko. Ngumiti lamang ito sa kaniya bilang tugon at saka siya sumunod sa pag-akyat ng hagdan. Habang nakasunod siya sa ikalawang prinsepe ay hindi maalis sa kaniyang isipan kung bakit ang lamig ng trato ni Shufen sa kaniyang nakakatandang kapatid na si Zhihao. Naiintindihan niya kung bakit hindi maganda ang turing sa kaniya ni Shufen ngunit hindi siya makapaniwala na ganun ang ituturing nito sa sarili niyang kapatid na para sa kaniya ay mukhang mabuting tao naman.
Halos malumpo ang binatang si Yijun sa maghapong pag-eensayo. Ramdam niyang may pagbabago sa kaniyang katawan at habang tumatagal ay tila lumalakas ang pangangatawan niya. Ngunit kahit na lumalakas ang pangangatawan niya ay hindi pa rin nawawala ang pagod na kasalukuyan niyang nadarama. Kagaya ng mga nauna nilang pag-eensayo ay wala pa ring kapaguran ang mahal na prinsepe. Isang beses lang niya itong nakitang pinagpawisan pero walang bakas sa kaniyang mukha at kilos na siya ay napapagod. Napapaisip tuloy siya na kakaibang nilalang ang mahal na prinsepe dahil hindi ito nakakaramdam ng pagod at sa kakaibang istilo nito ng pananalita na para sa kaniya ay parang robot. Matipid at walang halong emosyon.
Sa mga sumunod na araw ay patindi ng patindi ang kanilang nagiging ensayo. Mula sa dalawang daang hagdan ay umabot ito sa tatlong daan hanggang sa apat na raan. Kapansin-pansin rin ang mabilis napag-ikli ng mahiwagang tali na nagbubuklod sa kanilang dalawa. Pinasuri nila ito sa mahal na hari kung bakit nangyayari iyon. Ayon sa mahal na hari ay tanda raw iyon ng paglakas ng kapangyarihan ng binatang si Yijun at kapag pinagpatuloy pa nila ang pag-eensayo ay darating ang araw na makakalaya na sila sa taling nagbubuklod sa kanila.
Mas naging desidido ang mahal na prinsepe na pag-igihan ang pagpapalakas ng tibay ng katawan ni Yijun sa pamamagitan ng pag-akyat-baba sa daan-daang hagdan. Kahit nahihirapan sa ganitong pagsubok ay naging tikom ang bibig ng binata at ginawa ang mga nais ipagawa sa kaniya ng prinsepe dahil nais niya ring mapalaya sa taling nagbubuklod sa kanila sa mas madaling panahon. Sa bawat araw na lumilipas ay lalong umiikli ang mahiwagang tali na nagbubuklod sa kanilang dalawa. May mga pagkakataong kinakailangan nilang pumasok sa palikuran ng sabay dahil sobrang ikli na nito. Malaking pagbabago rin ang naganap sa kanilang pagtulog dahil nahahatak nila ang isa't isa kapag pinipilit nilang lumayo.
Isang umaga nang magising ang prinsepe dahil sa kamay na nakapatong sa kaniyang dibdib. Nakaugalian niyang matulog na nakapatong sa kaniyang dibdib ang kaniyang mga kamay. Lihim na tinatawanan siya ng binatang si Yijun sa tuwing makikita niya ito sa ganitong ayos dahil mukha raw siyang laging ibuburol. Sa pagkakataong ito ay alam niyang hindi lang niya kamay ang nakapatok sa kaniyang dibdib. Gusto niyang idilat ang mata upang malaman kung sino ang tampalasang humahawak sa kaniyang dibdib ngunit matindi ang antok na kaniyang nadarama dahil sa nahuli na siyang makatulog kagabi. Nagulat na lang siya nang biglang pumasok ang kamay na ito sa kaniyang kasuotan at biglang kinamot ang kaniyang dibdib. Labis man ang antok na kaniyang nadarama ngunit nagising siya dahil tila kinuryente ang kaniyang katawan lalo na nang tumama ang ilang daliri sa kaniyang utong. Mabilis niyang dinilat ang kaniyang mga mata at saka niya nasaksihan na ang kamay na kumakamot sa kaniyang dibdib ay pagmamay-ari ni Yijun. Paharap sa kaniya itong matulog habang nakatagilid. Ang kaniyang kanang kamay ay malayang nakapasok sa loob ng manipis na kasuotan ni Shufen.
"Ikaw!!" sigaw ng prinsepe sabay hugot ng kaniyang espada mula sa kaluban at tinutok ang kaniyang patalim sa binatang natutulog. Ilang segundo lang ang lumipas nang magising si Yijun at gulat na gulat ang binata nang makita niya ang patalim na nakatutok sa kaniyang mukha.
"Bakit na naman?" sigaw niya habang pilit na tinatakpan ang mukha gamit ang kaniyang mga kamay. Sa pagtakip niya ng kaniyang kamay ay nahatak niya rin ang kanang kamay ng prinsepe. Kapwa silang nagulat nang makita nilang magkadikit na ang kanilang mga kamay dahil sobrang ikli na ng tali. Nagawa pa nilang maghatakan ng kanilang kamay para bawiin ito isa't isa. Walang nagpatalo sa kanilang paghihilaan hanggang sa maubos ang pasensya ng prinsepe at buong lakas niya itong hinatak na naging sanhi upang mapalapit ang kanilang mga mukha. Kapwa silang nagulat dahil sa hindi inaasahang pangyayaring ito kung saan ramdam ng isa't isa ang kanilang mainit na paghinga. Hindi mapigilan ni Yijun na mapalunok laway dahil sa nakakaasiwang pangyayaring ito at lalo siyang kinabahan nang mapansin niyang nakatitig ang mahal na prinsepe sa kaniyang mga labi. Gusto niiyang ikilos ang kaniyang katawan ngunit hindi niya magawa dahil pagkumilos siya ay mawawalan siya ng balanse at tuluyan siyang masusubsob sa papalapit sa prinsepe.
Itutuloy....
A/N: Finally nagawa ko ring matapos ang chapter na to. Sobrang challenging talaga sa akin ang magsulat ngayon dahil madalas akong mahilo gawa ng nangyaring surgery sa akin. Pagbumuti na ang lagay ko ay papaspasan ko ang update dahil sa mga stories ko ngayon ay ito yung favorite ko ngayon. Sana matulungan niyo akong makalikom ng marami pang readers sa pamamagitan ng patuloy na pagpindot sa VOTE button.
BINABASA MO ANG
Enigma (BL)
FantasyIsang engkwentro sa daan ang naging dahilan upang maaksidente si June at mawalan ng malay. Sa kaniyang paggising ay napunta siya sa isang misteryosong lugar na kung saan may bundok na lumulutang sa himpapawid. Sa loob nito'y may kaharian na kung saa...