Yibo as Shufen
Hindi makapaniwala ang binata nang malaman niya na ang batang kaharap niya ngayon ay ang ikatlong prinsepe sa batang kaanyuan nito. Magkahalong emosyon ang kaniyang nadarama nang muli niyang masilayan ang mukha ni Shufen. Sa nakalipas na buwan ay hindi niya man lang nagawang dalawin ito dahil sa kautusan ng hari. Ngayong nasa harapan na niya itong muli ay hindi napigilan ng binata ang sarili na yakapin ang ikatlong prinsepe.
"Shufen, ligtas ka!" Sambit niya habang yakap-yakap ng binata ang prinsepe. Nabigla ang batang prinsepe sa pagyakap ng dakilang instrumento ngunit tinikom lang nito ang kaniyang bibig at hinayaan ang binata sa kaniyang ginagawa.
"Kamusta ka na? Mabuti na ba ang 'yung kalagayan? Wala na bang masakit sa'yo?" Sunod-sunod na tanong ng binata habang kinakapa nito ang pisngi ng batang prinsepe patungo sa balikat hanggang sa mga tagiliran nito.
"Wala ka nang dapat pang ipag-alala dakilang instrumento dahil mabuti na ang aking kalagayan" Magalang na tugon ng ikatlong prinsepe. Ikinagulat naman ni Yijun ang naging tugon nito. Alam niyang magalang at maingat sa pagbitaw ng mga salita si Shufen ngunit tila ba ay sobrang galang nito sa kaniya. Mas lalo niyang ikinabigla ang pangiti nito sa kaniya na kailan man ay hindi niya pa nakikita. Nabahala ang binata sa mabuting inaasal ng prinsepe sa kaniya kaya hindi niya maiwasang magduda sa kinikilos nito. Mabilis siyang kumilos papalayo rito at kinuyom ang mga kamao na tila ba'y makikipagsuntukan sa batang prinsepe.
"Isa kang impostor! Hindi ikaw si Shufen!" Pangahas na sambit ng binata na sadyang ikinagulat ng batang tagapaglingkod na si Li. Mabilis na lumapit ang batang tagapaglingkod na si Li upang magsilbing harang sa pagitan ng dalawa dahil natatakot siya na baka saktan ni Yijun ang batang prinsepe. Ilang sandali pa ay marahang tinapik ng batang prinsepe ang likuran ni Li upang ipaalam na hindi na niya kailangang gawin ito.
"Paumanhin kung naninibago ka sa aking inaasal at kinikilos. Marahil ay iba ang pakikitungo ko sa'yo noon. Maging sa sarili ko ay hindi ko alam kung anong klaseng tao ako bago isagawa ang muling pagkabuhay sa aking katawan. Ngayong hindi pa nanunumbalik ang lahat ng aking mga alaala at kung iyong mararapatin ay nais kong makilala ka nang lubusan"
Hindi mapigilan ng binata na makaramdam ng kakaibang kilabot sa kaniyang katawan nang marinig niya ang mga salitang ito na nagmumula sa isang apat na taong gulang na bata. Maaaring nagsasabi ito ng katotohanan ngunit nag-aalangan pa rin siya dahil sa uri ng pananalita nito na tila ba isang ganap na lalaki. Nilihis niya ang kaniyang paningin sa batang tagapaglingkod na tila nagtatanong ng kasagutan mula rito. Tanging pagtango ang naging tugon sa kaniya ng batang tagapaglingkod na kaniyang sinimangutan. Walang nagawa ang binata kundi ang maniwala na ang dati niyang mapapangasawa ay naging isang apat na taong gulang na bata. Ang kaninang masiyahing pagtanggap niya sa kaniyang panauhin ay mabilis napalitan ng pagiging malamig nito.
"Bakit ka nga pala naririto?" Malumanay na tanong ng binata. Hindi niya maipaliwanag sa sarili kung bakit ganito ang kaniyang inaasta gayong masaya naman siya kanina nang malaman niyang nasa maayos na kalagayan si Shufen.
BINABASA MO ANG
Enigma (BL)
FantasyIsang engkwentro sa daan ang naging dahilan upang maaksidente si June at mawalan ng malay. Sa kaniyang paggising ay napunta siya sa isang misteryosong lugar na kung saan may bundok na lumulutang sa himpapawid. Sa loob nito'y may kaharian na kung saa...