ALAS-TRES pa lang ng hapon ay bumalik na sa mansiyon sina Alexa at Gaizer. Kasunod ng mga ito ay si Lola Amara. Nagpaalam naman sandali si Franco para kumuha ng ibang gamit. Naiwan si Coleen sa beach at tinutulungan ang cook sa pagluluto ng natirang iihawin para sa kanila. Tagalang seryoso si Franco na mag-overnight sila roon.
Nang isang maliit na hiwa na lang ng tuna ang iihawin ay pinagpahinga na niya ang cook. Pinayagan na niya itong umalis. Binabantayan niya ang iniihaw habang pinapaypayan. Mamaya ay namataan niya si Franco na paparating. May bitbit itong basket at sa isang kamay nito ay nakarolyong foam na may bed cover at may isang unan pa.
"Bakit ikaw ang nag-iihaw? Nasaan si Mang Leo?" tanong nito nang makalapit sa kanya.
"Pinauwi ko na siya. Kanina pa siya nag-iihaw," aniya.
"Hayaan mo na 'yan. Ako na ang bahala riyan. Let's go sa cottage," sabi nito.
Sumunod naman siya rito sa inuukupa nilang cottage. Tinulungan niya ang binata sa pag-aayos ng dala nitong gamit. Inilabas nito ang mesa sa tapat ng cottage. Maganda naman ang panahon kaya okay lang kung doon sila kakain sa labas. Inilatag nito ang foam sa papag ng cottage.
"Akala ko ba mag-o-overnight tayo? Bakit may dala kang foam at unan?" tanong niya, habang inaayos niya ang mga pagkain sa mesa.
"Baka kasi gusto mong umidlit. Nagdala pala ako ng ekstrang t-shirt. Isuot mo muna kung ayaw mong maligo. Baka pasukin ng lamig ang likod mo," sagot nito.
"Okay. Nagdala ka pa ng wine, meron pa namang tira kanina."
"Para mamayang gabi 'yan. May kanin din akong dala. Naubos na 'yong baon natin kanina. Kumain ka kung gusto mo. Titingnan ko lang ang inihaw," anito saka pinuntahan ang iniihaw nila sa kabilang cottage.
Kumain siya ng kaunting kanin dahil humihilab ang sikmura niya. Masasarap ang pagkain kaya hindi niya maiwasang kontrolin ang diet niya. Minsan lang naman. Pagbalik ni Franco ay dala na nito ang nalutong sliced tuna belly.
"Ginutom ka, ano? Kumain ka pa," anito.
Iisa lang ang silya nila kaya siya lang ang umupo. Kumain din si Franco pero nakatayo lang ito sa tabi niya. Excited na siyang masilayan ang sunset kaya nagmadali siyang kumain. Gusto niyang tumambay sa pampang ng dagat habang pinapanood ang paglubog ng araw.
"Maliligo ka pa ba?" tanong ng binata.
"Mamaya kapag palubog na ang araw," tugon niya. Uminom siya ng buko juice.
"Hm, exciting 'yon. Malapit na."
Pagkatapos kumain ay naglatag ng kumot sa buhangin si Franco, sa pampang ng dagat. Habang hinihintay lumubog ang araw ay naligo muna sila. Parang bata na nagtatampisaw sa tubig si Franco. Nagpapalutang siya nang bigla siya nitong sinabuyan ng tubig. Na-distract siya at gumanti rito. Ang sakit na ng mata niya dahil sa maalat na tubig.
"Tama na!" reklamo niya.
Nang ayaw pa rin siya nitong tantanan ay sinugod niya ito at pinagsusuntok sa dibdib. Tawa lang ito nang tawa. Pagkuwan ay niyakap siya nito.
"Okay, enough!" anito.
Tumitig siya sa masayang mga mata nito. Napakatamis ng ngiti nito. Bumuntonghininga siya. Hindi niya akalaing makakaranas siya ng ganoong saya sa buong buhay niya. Tipong wala siyang ibang iniisip kundi ang magsaya kapiling ang lalaking walang ginawa kundi paligayahin siya.
Ikinawit niya ang kanyang mga kamay sa batok nito habang matamang magkatitig ang kanilang mga mata. Naghihinang ang tungki ng mga ilong nila. Gusto niyang tugunan ang lahat ng kaligayahang nagawa sa kanya ni Franco. Gusto niyang maramdaman din nito ang ligayang iyon.
BINABASA MO ANG
Obsession 2, Claiming Her (Completed)
Ficción GeneralMature content. Not suitable for minor readers. Teaser Franco Santa Maria thought that he don't need extra income that's why he decided to leave fashion world. He has everything, a construction company and other investments. Pero naudlot ang pagrere...