Ang mga naunang pagkikita nila Eros at Samantha ay nasundan ng ilan pang pagkikita. Minsan kasama sina Tonton at Marika, madalas sila lang dalawa. Lahat ng pagkikita ay halos sa parehong oras---sa pagitan lagi ng alas-siyete at alas-otso ng gabi. Lahat sa parehong lugar. Kahit tapos na ang piyesta. Kahit na wala na ang mga rides, basta merong balut at root beer. Sa bawat pagkikita ay nag-iiwan pa rin ng holen si Samantha kay Eros, at nag-iiwan naman ng sulat si Eros kay Samantha.
(Ika-apat na pagkikita, ikatlong sulat)
Sam,
Sinusulat ko ito habang pinapanood ko na naglalaro ang mga bata dito sa amin ng tumbang preso. Hindi ko alam kung pamilyar ka sa larong ito. Kung hindi ka pamilyar, isearch mo na lang. Alam ko namang malakas ang signal ng internet connection niyo dyan sa Makati.
Basta, ito iyong kailangan mong matamaan ng tsinelas ang lata. Kadalasan itong mga tsinelas na ito din iyong hinahampas sa mga puwet ng mga bata kapag umuusok na ang ilong at tenga ng mga magulang nila sa katatawag na umuwi na sila dahil tanghali na at kailangan na nilang kumain, maligo at magsiesta.
Noong una tayong nagkita, napasulyap ako sa legs mo ng HINDI SINASADYA (Pramis!) at wala akong nakitang bakas ng peklat sa pagkakadapa at pagkakasugat. Iniisip ko tuloy kung nakalaro ka ng mga ganitong laro noong bata ka pa o baka marami lang kayong supply ng sebo de macho sa bahay niyo.
Pero alam mo, isa sa napansin ko ay ang unti-unting pagtanda ng mundo. Nagiging kalsada na ang mga palaruan, bihira na ang mga batang nagkwekwentuhan ng nakakatakot sa ilalim ng buwan, bihira na ang habulan, patintero, taguan. Marami na ang ayaw maglaro, parang lagi na tayong dapat may patunayan sa mundo.
Buti na lang nandyan ka. May nagpapaalala sa akin na minsan kailangan pa rin nating maging bata. Ayos lang sumigaw, ayos lang masuka, ayos lang sumakay sa merry-go-round, ayos na ayos ang sumubok ng mga bagay ng may pagmamahal. Ayos na ayos ang magmahal. Ano man ang kalabasan. Madapa man at masugatan.
Siguro pagmamahal talaga iyong matagal ng hinahanap na fountain of youth ng mga alchemist. At, ang bukal na ito ay nasa ating mga puso. Hindi tumatanda ang taong nagmamahal.
Nga pala, saan mo kinukuha iyong mga holen na binibigay mo sa akin? Tig-magkakano?Humahanga na parang bata,
Eros(Ikalimang pagkikita, ikaapat na sulat)
Sam,
Pasensya ka na kung medyo may mantsa ng grasa ang sulat kung ito. Isinusulat ko kasi ito sa pagitan ng break ng trabaho ko dito sa talyer nila Manang Teresita. Naikwento ko na siya sa’yo diba? Oo siya iyong boss ko na kahawig nung babae sa Kung Fu Hustle. Iyong laging may tabako. Iyong sinasabi kong mabait at parang nanay ko na. Naalala mo na? Very good. Hindi ka pa ulyanin.
Anyway, naikwento kita sa kanya nitong nakaraang araw. Tinanong niya kung totoong tao at pangyayari daw ba ang kwinekwento ko o pawang kathang isip at hango lang daw ba sa mga fairy tail na napanood ko. Wala yatang bilib ang matanda na posible akong makatagpo ng katulad mo.
Nga pala, kapag nagkaroon ako ng pera at nakapagpatayo na ako ng sarili kong talyer, alam ko na ang ipapangalan ko--- Steven Talyer (Where Do Broken Cars Go?). Okay lang ba?
Iyon palang kapatid ni Aling Teresita na nasa Taiwan nagrerecruit ng mga gustong magtrabaho doon. Automotive din. Kukutingting din ng kung anu-ano. Parang pwede ako doon. Baka doon ko na matupad mga pangarap ko. Pero iniisip ko, andito din iyong isa kong pangarap---mahilig sa Root Beer at balut, astig, blackbelter sa taekwando, kakaiba sa lahat ng nakilala ko, hindi nag-iiwan sa ere (lalo na sa ferris wheel). Siguro araw-araw na lang akong mag-uuwian mula Taiwan papunta sa Pinas. Commute na lang.
Miss na kita kaagad. Sa tuwing iniisip kita, gusto kitang hugutin palabas ng aking isip at yakapin pero 1) Ang weird nun. Kailangan ng black magic or something, 2) baka busy ka, 3) madalas may grasa ang kamay ko kaya baka madumihan ang damit mo (although baka di rin mahahalata dahil madalas kang nakablack)
Iisipin ko na lang siguro na niyayakap mo ang mga sulat ko pagkatapos mong basahin (sana may Gasul kayo at hindi mo ginagamit na pandingas iyong mga sulat ko pagkatapos mong basahin). Sa ganoong paraan, parang yakap yakap mo na rin ako.Humahanga kahit puro grasa,
Eros(Ikaanim na pagkikita, ikalimang sulat)
Sam,
Sinusulat ko ito habang nagsa-soundtrip ako ng mga kanta ng Eraserheads kasama ang laging gutom na si Tonton na kasalukuyang tinitira ang pansit canton, itlog at sampung pandesal. Kinakamusta niya pala si Marika. Tinatanong niya kung nagkwekwento din daw ba si Marika tungkol sakanya. Mukhang kahit nilalapastangan na siya ng kaibigan mo, lumalambot lalo ang dati ng mala-mamong puso ng kaibigan ko.
Iniisip ko ngayon kung posible bang maubusan ako ng pwedeng maisulat sa’yo? May pagkakataon bang mauulit na lang ang mga salita? O posible bang magsawa ka na sa pagbabasa? Hindi ko alam kung bakit may mga takot ngayon na sumusulpot sa akin. Habang tumatagal parang nagiging mas malinaw ang mga kakulangan ko at ang distansiya ng mundo nating dalawa. Mas lumalabo ang posibilidad ng mga panaginip ko at pangarap---lugar kung nasaan ikaw at ako, magkahawak ang kamay na tinatahak ang daan patungo sa pagiging TAYO.Ano nga pala tayo ngayon? Nakakalito din pala ang mga kilos na walang salita. O ang mga salitang pahaging at tila mga bugtong lang. Mas nagiging mabisa ba ang halik, mas umiinit ba ang mga yakap, mas nagiging mahigpit ba ang paghahawak-kamay kapag may mga kalakip itong salita? Hindi ko alam dahil parang pareho pa nating hindi nagagawang lakipan ng salita ang ating mga kilos.
Pasensya ka na at medyo madrama itong sulat na ito, epekto yata ng pagtugtog ng kantang Fill Her ng Eraserheads.
Basta tandaan mo; maubos man ang mga salita, kumupas man ang mga titik sa mga sulat ko, mananatili iyong nararamdaman kong pagmamahal para isa iyo.
P.S.
Tulog na si Tonton. Naubos niya lahat ng meryenda. Walangya talaga itong taong ito. Pakisabi kay Marika, mamumulubi siya kung sakaling, sa hindi inaasahang kaweirdohan ng tadhana at pag-ibig, maging asawa niya si Tonton.Humahanga at naubusan ng meryenda,
ErosIlang beses inulit-ulit ni Samantha ang pagbabasa sa mga sulat. Mugto ang mata. Napapangiti, tumatawa ngunit tumutulo ang luha. Pagkatapos nito ay iniayos niya ang mga sulat at inilagay sa isang maliit na kahon. Binuhat niya ang inimpakeng mga gamit at lumabas na ng kwarto.
“Tay Berto, alis muna ako” hindi siya nakatingin sa matanda.
“Samantha, anak….” Makikita ang pag-aalala sa mata ng ama-amahan.
“Okay lang ako ‘tay” pumasok na ito sa kanyang sasakyan at bigla itong pinaharurot.
BINABASA MO ANG
Ang Buhay Pag-ibig ni Eros
RomanceIto ay kwento ni Eros---isang lalaking hindi nabiyayaan ng mga katangiang kinakailangan upang matawag na gwapo ng mapanghusgang lipunan. Kung may isang maipagmamalaki ang binata ito ay ang kanyang pagiging mapagpakumbaba. Malas lang dahil hindi pwed...