Hindi nagbibiro si Eros sa sinabi niyang mabilis siyan masuka sa heights. Nagkalat sa paligid nila ang ebidensya habang tawang tawa si Sam na binigay ang kanyang panyo sa hinang hinang binata.
“Dapat siguro sa carousel na lang tayo sumakay” pabirong sabi nito habang pinupunasan ang bibig.
“Tara!” parang bata si Sam na hinila ang binata papuntang carousel.
Hindi alam ni Eros kung anong katangahan ang sinabi niya na buong kalokohan namang sinakyan ni Sam.
“Talagang sasakay kayo dyan?” tanong ng nagbabantay ng carousel.
“May weight limit ba yan manong?” pabalik na tanong ng binata.
“wala naman kaso….”
“walang kaso sa amin yun manong diba?” sabay kindat ng dalaga sa binata.
“manong naglilihi sa kabayong tinarakan ng tubo itong kasama ko kaya pagbigyan niyo na” pilit na sakay ni Eros.
“oh ito…kabataan talaga ngayon iba ang trip parang laging naka tsongki!” pabirong sagot ni manong.
“we don’t need ecstasy to be ecstatic” patawang sumbat ng dalaga.
“heaven men!” sigaw ni Eros habang tirik ang mata at tumatawa.
Sumakay na ang dalawa sa pag-ikot ng pekeng mga kabayo na sinasakyan ng mga batang walang pagpapanggap ang saya.
Nawala ang mga nagtitinginang tao sa paligid at ang tanging nakikita ni Eros ay si Sam.
Literal at metaporikal na naging bata si Eros habang malumanay silang iniikot ng matitigas at malalamig na kabayo ng carousel. Parang ngayon niya lang ulit naramdaman ang ganitong saya. Katulad ito ng pagkabunot niya ng laruang di niya pa nakukuha sa mga maalat na chichirya noong paslit pa lamang siya. Katulad ng pakiramdam ng hinubad niya ang kanyang damit upang paglagyan ng libo libong napanalunang teks sa mga katulad niyang bata. Purong ligaya. Walang paki sa sasabihin ng iba. Basta masaya.
“Anong pakiramdam?” naputol ang imahinasyon ng binata sa malamig na tinig ng magandang kasalukuyan.
“Para akong nasa time machine”
“Bakit naman?”
“bumalik ako sa nakaraan at nasulyapan ko ang hinaharap”
“Dahil sa pagsakay sa kabayong nakatusok sa tubo?”
“Dahil sa nakasama ko sa pag-ikot nito”
Ngiti lang ang naisagot ng dalaga sa matalinhagang binata.
Naramdaman na lamang ni Eros kung paano nagsasabay ang paghinto ng oras at mabilis na pagtibok ng puso sa hindi nagbabagong ikot ng mundo.
BINABASA MO ANG
Ang Buhay Pag-ibig ni Eros
RomanceIto ay kwento ni Eros---isang lalaking hindi nabiyayaan ng mga katangiang kinakailangan upang matawag na gwapo ng mapanghusgang lipunan. Kung may isang maipagmamalaki ang binata ito ay ang kanyang pagiging mapagpakumbaba. Malas lang dahil hindi pwed...