'You can always choose what is right or wrong. But if you choose the wrong one, the consequence is not for you to decide.'~~~~~~~~~~~
*KIHARAH PARKER GOMEZ*
Bahagya akong napaatras nang sumabog ang isang gusali malapit sa amin. Lumikha ito ng napakaraming usok kaya't agaran ko ring tinakpan ang mukha ko.
"Dito ka na lang sa likuran ko, Harah," rinig kong saad ni Karnam at saka niya ako itinabi sa likuran niya.
Mariin kong kinagat ang ibabang labi ko at saka pumikit.
Sinasadya yata talaga ni Ryujin na gawin 'to. Paano ko naman magagawang makipaglaban kung wala ako sa konsentrasyon? Hindi ko magawang kumalma habang nasa tabi ko si Karnam. Nahihirapan tuloy akong kumilos ng mabilis dahil sa kanya.
Mayamaya pa ay naramdaman ko ang pag-atras ni Karnam sa harapan ko.
"Harah. Dito ka lang, okay? Ako nang bahala dito."
"Ano? Teka, Karnam. Lalaban ako."
"Masyadong marami ang nag-aabang sa 'tin. Mas mabilis ko silang matatalo kung magtatago ka muna."
"Ano bang pinagsasabi mo? Teka, Karnam. Ano ba?!" agad na sigaw ko nang bumuhat siya ng isang malaking bahagi ng pader at hinarang ito sa 'kin.
"Diyan ka lang muna. H'wag kang lumabas. Saglit lang 'to," aniya saka na hinarangan ang buong pwesto ko ng pader.
Sa sobrang bigat ng mga ito ay hindi ko magawang itulak para makalabas ako, at tanging ang maliit na singaw lang ang nagbibigay liwanag sa kinatatayuan ko. Minabuti ko na lamang na sumilip doon at pilit na tinanaw si Karnam.
Doon ko nakita ang nakatalikod na si Karnam at ang nasa dalawampu niyang kaharap.
"Karnam. Karnam! Palabasin mo 'ko rito!" sigaw ko at pilit na pinaghahampas ang pader.
Kailangan ko siyang tulungan. Hindi ako p'wedeng tumayo na lang at walang gawin.
"Karnam! Oh, god." Napaawang ang bibig ko nang sabay-sabay na umatake ang mga estudyante sa kanya.
Nariyang may tumakbo palapit sa kanya habang hawak ang kanilang mga armas. Karamihan sa kanila ay mga weilder at ang ilan ay mga elementals. Pansin ko rin ang pagbuo ng isa sa kanila ng malaking ipo-ipo, saka nito pinatamaan si Karnam. Pero ganoon na lang rin ang gulat ko nang hawakan ni Karnam ang isa pang malaking tipak ng pader at saka niya ito inihampas sa ipo-ipo. Doon ko na nakita ang pagbabago ng kulay ng mga mata niya. Maging ang pagtubo ng matatalim niyang mga ngipin.
Kumilos siya nang mabilis at gamit ang gift niya ay nagawa niyang atakahin ang ilan sa kanila kaya't agad niyang nakuha ang mga pulseras ng mga ito. Nanatili akong nakatayo roon at nanood sa bawat kilos.
Nakalimutan ko na yata.
Kung gaano kalakas si Karnam, kung gaano siya kabilis at kung paano siya lumaban.
Mukhang nang mga oras na 'yon, nawala sa isip ko ang pagkakaiba namin.
Ni hindi man lang niya ako hinayaang kumilos at nagawa niyang makuha ang mga pulseras ng mga kaharap niya nang walang kahirap-hirap.
"Harah." Napalingon ako sa kinatatayuan niya nang alisin niya na ang mga nakaharang pader sa pwesto ko.
"Let's go." Hinawakan niya ang palapulsuhan ko at nagsimulang maglakad.
Patuloy kami sa paglalakad pero pagkatapos lamang ng ilang sandali ay bigla na namang nagpasabog malapit sa amin.
Agaran akong napaurong at inihampas ang kaliwang kamay ko sa hangin. Bumuo ako ng may kalakihang apoy at pinatama ito kung saan nagmula ang pagsabog, kaya't narinig namin ang pagsigaw ng mga estudyanteng nagtatago doon.

BINABASA MO ANG
Anathema
FantasiEvery one of us, Holds our own kind of Curse. Dark Cabal Series: Two