Kapitulo 16: Pabebe

224 18 65
                                    

Madaling-araw na nang makauwi si Uno pagkatapos makulong nang panandalian sa police station.

Mabuti na lang at naayos ng mga abugado niya ang kaguluhang kinasangkutan at nalinis ang kanyang record.

Maging si Sean ay pinakawalan na rin dahil nakapagpiyansa ito ngunit pina-blotter pa rin siya ng magpipinsang mga Semira.

Maingat na pumasok siya sa bahay upang hindi magambala ang pagtulog ni Alfa. Binuksan niya ang refrigerator upang kumuha ng yelo at ilagay sa ice bag. Pagkatapos ay umupo muna siya sa sahig upang idampi ang cold compress sa kanyang noo.

"Tsk! Perwisyo ka talaga, Sean!" Napakuyom na lang siya ng kamao sa inis dahil nabugbog na nga, napagalitan pa siya kaliwa't kanan ng mga pinsan. Tatayo na sana siya mula sa pagkakaupo subalit napangiwi siya nang maramdaman ang pagkirot ng tadyang at balakang.

Kanina pa niya iniinda ang pagkakalamog ng katawan dahil sa away nila ni Sean. Hirap din siyang maglakad dahil sa pagkakapalo ng mga tanod sa kanyang binti nang sila ay awatin.

Pinapanatili pa sana siya sa ospital nina Wiz at Luis ngunit alam naman niya sa kanyang sarili na minor lang ang injuries. Wala rin naman nakita na bali sa kanyang mga buto kaya pinagpilitan na lang niyang umuwi. Mas nanaisin pa niyang magpahinga at magpagaling sa sariling bahay kaysa manatili sa pagamutan.

Paika-ika siyang nagtungo sa sala upang doon muna magpahinga. Ubos ang lakas na napahiga na lang siya sa sofa at pinatong sa katabing mesa ang mga gamot na pabaon ni Wiz. Ipipikit na sana niya ang mga mata upang matulog subalit biglang bumukas ang ilaw.

"Uno," nag-aalalang pagtawag ni Alfa. Mabilis na gumalaw ang mga mata niya sa kabuuan ng binata upang malaman ang sitwasyon ng katawan. Naging malamlam ang mga niya nang malamang nasaktan talaga ito ng dating kasintahan na si Sean. Pakiramdam pa niya ay may kasalanan siya dahil nabigo siyang umawat sa away.

"Nagising ba kita?" pagtatanong ni Uno sa kaharap. Kahit na masama ang pakiramdam ay pilit pa rin siyang ngumiti. "Pasensya na sa abala. Matulog ka na ulit, maaga pa."

Lumapit ang dalaga sa pinaglalagian nito. Umupo siya sa tabi at inobserba nang malapitan ang mga pinsala. Maliban sa malaking pasa sa noo, nagkasugat din ang ibabang labi nito at nagkaroon pa ng black eye. Maging ang mga braso at kamao nito ay may mga parteng namamaga kaya siya rin ay nainis sa pagiging agresibo ni Sean.

Ilang sandali rin silang nanatiling tahimik at nagpapakiramdaman kung sino ang unang magsasalita. Kinuha ni Alfa ang dalang gamot at ointment ni Uno mula sa mesa at inisa-isang basahin kung para saan ang mga iyon.

"Ito pala e, may anti-imflammatory ointment atsaka antibacterial. Linisin at pahiran natin ng gamot 'yan mga sugat mo para mas mabilis ka na maka-recover."

"Ako na mamaya," nahihiyang pagtanggi nito. "Kaya ko naman."

"Saglit lang naman 'yan. Hindi rin ako makakatulog na alam kong ganyan ang sitwasyon mo," pagmamatigas niya. "Kukuha lang ako ng cotton at earbuds. Wait ka lang riyan."

Nagtungo siya sa silid upang kunin ang mga nasabing gamit. Pagbalik ay maingat niyang nilinis at nilagyan ang mga sugat nito.

Tila ba isang maamong tupa na tinanggap lamang ni Uno ang alagang ibinibigay sa kanya. Pinigil niya ang sarili na ngumiti kahit na nangingilabot na siya sa kilig. Nang dahil sa tender loving care ni Alfa ay parang nakalimutan na niya ang sakit ng katawan. Ganoon pa man ay ayaw naman niyang maging pabigat kaya marahan na niyang hinawakan ang mga kamay nito upang tumigil.

Semira Boys Series: Uno Emir (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon