"ANG SARAP yata ng gising natin ah," bungad ni Nelia kay Roni nang papasok na siya sa kusina nang umagang iyon.
Mag-iisang linggo na at nandoon pa rin si Roni sa bahay ni Borj, tatlong araw mula nang magpaulan sila. Bukas na lang daw sila uuwi, ayon sa binata. Gusto pa raw manatili nito at pinayagan naman niya. Tinawagan na lang uli ni Borj si Yaya Medel para ipagpaalam siya. Ang yaya naman niya ay pinayagan naman siya pero may pag-aalala pa rin para sa kanya.
Hindi maikakaila ni Roni na naging masaya ang kanyang pananatili sa bahay ng binata dahil na rin sa lalo silang nagkalapit ni Borj. Naroon na tinutulungan siya ng binata na magluto sa kusina, na mas lamang naman sa abala kaysa sa tulong dahil nagugulo lang ang kanyang luto sa kakulitan nito at matatapos lang sila sa tawanan. Nagsabuyan din sila ng bula nang tulungan siyang maglaba ng binata kahit may washing machine naman itong ipinadala. Noong isang araw din ay naligo sila sa spring pagkatapos nilang magsimba sa maliit na simbahan sa lugar kasama ang mag-asawa. At kung nasa bahay lang sila ay nanonood ng movie o hindi kaya ay nag-i-scrabble o simpleng nag-uusap lang ng kung anong bagay. Isa pa ay hindi na siya dinadalaw ng masasamang panaginip.
Every day was a memory worth keeping. At kung si Roni ang tatanungin ay mas nanaisin na manatili pa roon. Ayaw pa muna niya matapos ang kaligayahang nararamdaman tuwing kasama si Borj. Kahit may pagkakataong iniinis nito ay masaya siya. Pero pilit na isinasaksak pa rin ni Roni sa isip na panandalian lamang ang lahat at sinasagad lang ang pagkakataong nandoon pa siya.
"Oo naman. Ang sarap kayang matulog kung may ulan," nakangiting sabi niya, kahit nababasa ang panunukso sa tinig ni Nelia.
"Masarap matulog o masarap ang araw-araw na kasama si Senyorito."
Pinandilatan niya ito ng mga mata at pabirong kinurot.
Lagi nang tinutukso ni Nelia si Roni mula nang dumating sila ni Borj na basa dahil sa paliligo sa ulan. Ngingiti-ngiti lang ang babae noong una pero hindi siguro nakatiis at tinukso na siya nang wala na ang amo nila.
"Tumahimik ka nga. Magmana pa sa 'yo ang anak mo sa pagkatsismosa mo," pabirong sabi niya.
"Ay, okay lang. Basta ba, maging maganda katulad ko," sabi naman nito.
Napailing na lang si Roni. Napakagaan naman kasi talaga ng kanyang pakiramdam kaya nakita siguro iyon ni Nelia.
"Oo nga pala," agaw uli ni Nelia sa kanyang atensiyon kaya naputol ang pagkahibang niya. Nagkunwari na lang siyang nagsisimula nang maghanda ng pagkain nila. "Pupunta raw dito mamaya sina Senyorito Benedict at Ma'am Megan."
"Talaga?" tanong ni Roni at tumango ang si Nelia. Nagkibit-balikat na lang siya, wala namang problema iyon sa kanya.
NASA balkonahe si Borj kasama ang kapatid na si Benedict habang nakatanaw sa hardin sa gilid ng bahay. Nag-uusap doon sina Roni at Megan at kitang-kita ang kaaliwan sa magagandang mukha ng mga babae. Alam niya na madaldal si Megan pero alam din niyang hindi ito susukuan ni Roni tulad ng pagdaldal din sa kanya nitong mga huling araw. He loved to watch her as she gestured with her hands and both ladies laughed. Well, he always loved to watch her every move.
"I can see it in your eyes, kuya. You feel something for her," agaw ni Benedict sa atensiyon ni Borj. Mukhang kanina pa siya nito inoobserbahan.
"You're talking like an idiot, Ben," natatawang sabi niya na ikinangiti ng kapatid.
"You may not realize it now but sooner or later, you will feel that you cannot let her go. I experienced it with Megan, so don't say that I'm talking like an idiot," sabi pa ng kapatid niya at ibinalik ang tingin sa dalawang babae na nag-uusap pa rin.
BINABASA MO ANG
The Complicated Escape
RomanceSinisi ni Roni ang sarili nang hindi niya nailigtas ang mga mahal sa buhay sa kamatayan. Kaya lumayo siya, nagpunta sa probinsiya ng dati niyang yaya at itinago ang tunay na pagkatao. Nagtrabaho siya bilang isang cook sa mansiyon ng mga Jimenez. Sa...