MALAYO pa sila'y natatanaw na ni Diana ang villa na natatanglawan ng liwanag ng buwan."Iyan ba ang Villa Kristine?" anas niya. "Wow, it's so grand!" marahang bulalas niya. Ang moonglow na tumatama sa kabuuan ng villa ay nagpapaalala sa kanya ng mga lumang kastilyo sa ibang bansa.
Isang ismid ang pinakawalan ni King at sa nanginginig na kamay ay kinuha mula sa bulsa ang isang sigarilyo. Saglit na binitiwan ang manibela ng pickup at sinindihan iyon. Gumewang ang sasakyan, mabilis na inabot ni Diana ang manibela upang i-steady.
"King, ano ba! Gusto mo bang mabangga tayo?" May banayad na pagsaway ang tinig niya. Napahugot ng paghinga nang makitang hindi ordinaryong sigarilyo ang sinindihan nito. Marijuana nga ba o shabu na ang ginagamit nito?Hindi kumibo si King at binawi ang manibela. Ilang sandali pa'y nasa harap na sila ng villa. Mabilis na bumaba ng pickup si Diana at buong paghangang hinagod ng tingin ang kabuuan ng villa.
"Original Spanish architecture! Beautiful!" she whispered na tiningala ang mga nakapaikot na veranda. Ang mga bintana na may mga media-agua pa.Si King ay dumeretso sa malaking pintong pangdalawahan at itinulak iyon. As usual, bukas, tulad din noong araw. Hindi gaanong matatakutin ang mga tao rito. Lumangitngit ang pinto nang pumasok siya, sumunod si Diana.
"Nasaan ang mga tao rito, King? Ang mama mo?" tanong ng dalaga habang iniikot ang paningin sa buong kabahayan. Napahugot ng hininga sa antigo at malaking aranya at sa grand staircase. Napatingala sa life-size portrait ni Donya Kristine Esmeralda at napahugot ng hininga ang dalaga.
"Nasa itaas marahil," tila lasing nitong sagot at lumakad patungo sa isang sulok. Ni hindi napupuna ni Diana iyon na abala sa kagandahan ng loob ng villa. Hindi rin niya mapapansin ang panginginig ng mga kamay nito nang simpleng iangat nang bahagya ang telepono mula sa receiver. "Diyan ka at titingnan ko ang mga katulong..." tuloy-tuloy ito sa kusina.
Isang katulong ang lumabas dahil narinig ang sasakyan. Namukhaan nito si King dahil minsan na itong naparito kasama si Zandro at Clarita noong mamatay si Jewel. Tinanong pa nga niya ito kung ano ang hinahanap dahil palinga-linga ito sa may adobe sa ibaba ng veranda na kinahulugan ni Jewel.
"Kayo pala," bungad ng katulong. "May kailangan ho..." bago natapos nito ang sasabihin ay natutop ni King ang bibig ng isang panyo. Unti-unting bumigat ang katawan ng katulong at humuhulagpos na sa pagkakahawak nito. Siya namang paglabas ng isa pang katulong na nabitiwan ang pinggan pagkakita sa nalugmok na kasama.
"A-ano ho ang ginawa ninyo sa kanya? B-bakit kayo naririto?" Unti-unting umaatras ang katulong pabalik sa kusina pagkakita sa nanlilisik na mga mata ni King.Nagmura ang lalaki na sinundan ang katulong. Hindi magiging madali ang pagpapatahimik sa mga ito ngayon at nakilala na siya. Noon ay spray ang ginamit niya.
Natuon ang pansin ng binata sa kutsilyong nasa mesa. Sumunod doon ang mga mata ng katulong na nasindak at napasandal sa counter ng lababo. Bago pa ito nakakilos ay nadakma ni King ang kutsilyo at mabilis na nilapitan ang katulong na nagawa pang makasigaw bago bumagsak.
Narinig ni Diana iyon. Nagsasalubong ang mga kilay na mabilis na lumakad patungo sa pinanggalingan ng tinig.Run, Diana... run...
Sandaling napahinto sa paghakbang ang dalaga. May nauulinigan siyang nagsasalita. Si Clarita marahil at may kausap sa itaas. Tiningala niya ang malaking hagdan. Madilim at tahimik ang kabahayan. Nagpatuloy siya sa pagpasok sa kusina.
BINABASA MO ANG
Kristine Series 5, Villa Kristine COMPLETED(UNEDITED)
RomanceMula sa mga holdaper ay iniligtas ni Bernard Fortalejo si Diana sa pamamagitan ng paghagis ng maraming pera sa mga ito. Pero hindi iyon pinahalagahan ni Diana na nagpupumilit tumakas at tumakbo. May humahabol sa kanya. Hindi niya alam kung kasama an...