Chapter 4: A Smile Every Girls Would Surely Love

2.1K 65 0
                                    


Chapter 4

                     
   A Smile Every Girls Would Surely Love

"Na saan ba ang nanay mo? "

Napayuko ako. Patagong kinikiskis ang dalawang palad.

"N-nasa bahay lang,tay."

Hindi ako makatingin kay tatay. Ngunit kahit nagdadrive siya sa sasakyan ay alam kong paminsan minsan ay sinusulyapan niya ako. Narating namin ang iskinita kung saan malapit na sa bahay namin.

"Ito, pambaon mo na 'yan. Tawagan mo ako kung may kailangan ka. "
Inabot ni tatay ang isang libong papel. Na kahit nakakahiyang tanggapin ay kinuha na lamang.

"S-salamat po."

Nagmano ako kay tatay bago lumabas ng sasakyan. Umalis na siya. Napabuntong hininga ako. Napatingin sa hawak na isang libong papel. Nanginginig na nailakumos ko ito at dahan dahang inilagay sa aking bulsa.
Hindi. Hindi dapat pa ako nagkaroon ng koneksyon kay tatay. Ayoko na. Ayokong tawagan siyang muli sa laki ng galit na mayroon ako sa kaniya. Ngunit alam kong wala akong magagawa dahil baka mamamatay na ako sa gutom kung hindi ako manghingi ng pinansyal na suporta sa kaniya.

Naglakad ako patungong bahay.

Hiwalay na ang mga magulang ko. Dahil 'yon kay tatay. Kung hindi sana nambabae ang tatay, hindi rin sana sinira ni nanay ang kanyang buhay. Hindi ko alam. Kung papiliin man ako kung kanino ako sasama, malamang ay mas papiliin kong huwag na lamang sumama ni isa sa kanila.

Ngunit nang maghiwalay sila, kay nanay ako sumama. Dahil ayokong mag-isa lang siya. Masyado siyang nasaktan sa nangyari, na kahit ganito man siya ngayon ay handa akong magtiis. Alam kong babalik siya sa dati. Sana.

Napahinto ako nang marating ko na ang tapat ng bahay.

Himala.

Nakaparking sa tapat ang sasakyan namin. Bukas rin ang ilaw. Pumasok ako sa bahay. Nakakagulat. Napakalinis.

Ni isang bote ng alak ay hindi ko makita sa sahig. Na kahit sinuka ay wala.

"Jesele? "

Lumabas mula sa kusina si nanay. May suot siyang apron.

"Nay. "
Sagot ko bago inilagay ang bag sa sofa.

Lumapit ako kay nanay saka nagmano sa kaniya. Napasulyap ako sa kusina at napansin ang iilang mga plastic bags.

"Kanino 'yan, nay? "

Nilapitan ni nanay ang mga plastic, may kinuha siya. Isang balot ng biscuit.

"B-bumili ako ng mga pagkain. Nangutang ako kila Maria pero naghahanap naman na ako ng trabaho. "

Hindi ko alam ang sasabihin. Napansin ko rin ang ulam na nakahanda sa mesa. Bigla kong naramdaman ang pagkulo ng aking sikmura. Hindi ko alam, basta bigla nalang nawala ang galit ko kay nanay.

"Kumain ka na. "




------
"Ilista mo lang pangalan mo diyan. Tapos, ibigay mo sa'kin. "

Kinuha ko ang bondpaper na inaabot ni sir Manansala. Tinignan ko si Ailee na tapos nang ilista ang pangalan sa bondpaper.

"Huwag mo akong tignan nang ganiyan, Jesele. Ilista mo na ang pangalan mo. Kapag hindi, ibubura ko talaga ang pangalan ko diyan, sige ka."
Pagbabanta niya sa'kin.
Napabuntong hininga nalang ako saka tuluyan ng inilista ang pangalan ko.
Para ito sa mga gustong sumali sa audition ng dance troupe.

Pagkatapos naming magpalista doon, bumalik na kami sa kaniya kaniya naming classroom. Hindi kami magkaklase ni Ailee, pero magkaibigan kami. Nang mabalitaang mayroong audition sa dance troupe ay agad akong inaya. Nasa kalagitnaan pa ako ng pagdadalawang isip kaya hindi muna ako pumayag. Ngunit ang sabi niya ay sasali siya kapag sumali ako.

Sayang ang talento ni Ailee kung hindi niya ito maipapakita o magagamit. Ayokong maging dahilan niyon. Ngunit nakapako na sa isipan niyang hindi sasali kapag hindi rin ako sasali. Kulang kasi ng confidence si Ailee kaya ganoon ang pag-iisip niya. Halos lahat ng bagay, hindi niya ginagawa kapag walang kasama.

Pagkabalik sa classroom, maiingay na naman ang mga kaklase ko. Vacant na naman kasi ulit. Nilapitan ko sina Psalm, Alisha, at Stacy na nakaupo sa may harapan. Naupo ako katabi ni Alisha.

"Ano, nakapalista ka na? "
Tanong ni Stacy.

Tumango tango ako.

"So anong isasayaw mo sa audition? "
Tanong ni Psalm.

"Same lang kami ni Ailee. "

Bigla kaming napalingon sa gilid namin nang biglang tumunog ang isang bluetooth speaker.
Ayan na naman ang mga dancerous naming mga kaklase. Syempre, kasali na roon ang crush ng bayan na si Leo. Nakahalera sila sa harapan. Nakapwesto sa tapat namin si Leo.

Si Carlo na siyang may hawak ng cellphone na nakakonekta sa bluetooth speaker ay agad na nagpatugtog ng kanta. Nagfefreestyle silang lahat pagkasimula ng intro. Nang huminto ang kanta, huminto rin sila. Sumeryoso, bumalik ang kanta, sumayaw ulit sila. Sabay sabay.

May kanya kanya silang style sa pagsayaw, ngunit lahat sila ay maganda tignan. Napansin ko si Mike na nakangiti habang nagsasayaw. 'Yung galawan niya pang playboy. Pero ang galing niyang tignan.
Napalingon ako kay Leo. Kagaya nang iba ay magaling din siya. Talagang magaling naman talaga. Sa pagsasayaw niya ay talagang sumasabay rin ang buhok niya.

Nilingon ko ang mga babae kong mga kaklase, halos lahat ay kay Leo at Mike nakatingin. Syempre. Ikaw kaya ang maging sentro ng atraksyon noong program sa school. Idagdag mo pa ang kagwapuhan at ang pagkagaling sa pagsasayaw. Talagang ikaw ang pagtitinginan at pag-uusapan.

Bigla ay tumingin siya sa deriksyon namin. Tumingin siya sa'kin. O baka isa lang iyong imahinasyon at kina Alisha lang pala siya nakatingin at hindi sa'kin. Ngunit bakit parang sa akin nga siya nakatingin?

Habang sumasayaw siya, biglang umangat ang gilid ng labi niya. Nakita ang mapuputi niyang mga ngipin. Ngumiti siya sa'kin.

Hindi.

Baka hindi sa'kin. O baka kina Alisha. Ewan. Basta ngumiti siya. Iyong ngiting nakikita na ang dimple.

Muli siyang tumingin sa harapan, nagpatuloy sa pagsasayaw. Nakangiti pa rin. Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Nginitian niya ba talaga ako? Sa akin ba talaga siya tumingin?

O masyado ko lang atang niloloko ang sarili ko na sa'kin siya tumingin at ngumiti? Bakit ko naman lolokohin ang sarili ko? Dahil crush ko siya at may parte sa'kin na umaasang sa akin nga siya tumingin kahit hindi naman?

Ewan.

Masyado ata akong nababaliw. Nagiging kagaya na ata ako ng mga babaeng nagkakagusto sa crush ng bayan na si Leo. Ayoko ng ganito. Baka mag iimagine na naman ako ng kung ano ano na alam kong hindi magkakatotoo. Papaasahin ko lang ang sarili ko kung ganoon.

Ngunit paano ko ba magagawang i-uncrush ang lalaking iyon kung sa pagngiti niya palang ay nakaka-inlove na?

Together Under The Stars (Completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon