Chapter 5

3.3K 84 0
                                    

KUMUNOT ang noo ni Monica nang may iabot sa kanya si Troy na isang piraso ng papel na may nakasulat na telephone number. Kagigising lang niya nang umagang iyon at nadatnang handa na para sa trabaho ang binata. "Para saan ito?" nagtatakang tanong niya.

"Telephone number 'yan ng Kuya Winston mo," sagot nito.

Nagulat si Monica dahil sa sinabi ng lalaki. "B-bakit... bakit mo ibinibigay sa akin 'to?"

Bumuntong-hininga muna si Troy bago tumugon. "Mahigit isang linggo ka nang tumutuloy dito. Nakita ko noong isang araw sina Winston at Aina, hindi ko na napigilang sabihin na nakita na uli kita. Sinabi ko sa kanila na susubukan kitang kausapin para tawagan sila," ilang sandaling huminto ang lalaki. "Call them, Monica. Gusto ka lang nila muling makausap, lalo na ng Kuya mo."

Inilipat ni Monica ang tingin sa hawak na papel at tinitigan ang numerong naroroon. Gusto niya ring makausap muli si Winston.

"Papasok na ako sa trabaho," maya-maya ay wika ni Troy. "Ikaw pa rin ang bahala sa desisyon mo. I'll be back around six."

Nang tuluyang makaalis ang lalaki, nahulog naman si Monica sa malalim na pag-iisip. Humugot siya ng malalim na hininga at tiningnan ang telepono na hindi kalayuan. Miss na miss niya na ang mga taong itinuring na pamilya. Wala namang masama kung kausapin niya muli ang Kuya Winston niya.

Lumapit siya sa telepono at lakas-loob na idinial ang numero ng kapatid. Ilang ring lang ay narinig niya na ang pagsagot ng isang boses ng babae. Nagpakilala siya dito at napag-alaman na iyon ang asawa ng kapatid na si Aina.

Hindi naman nagtagal ay pumalit na ang boses ni Winston sa kabilang linya. Mahigit isang oras silang nag-usap sa telepono, pinagalitan siya nito, kinumusta at kung anu-ano pa.

"Saan ka ba tumutuloy ngayon, Monica? Sabihin mo sa akin para mapanatag ang loob ko, ang loob namin ni Mama Maita," tanong ni Winston sa kabilang linya. "Gusto lang kitang makita kahit saglit lang."

Bumuntong-hininga si Monica. Wala na rin siyang nagawa kundi ang sabihin na pansamantala siyang nakikituloy sa pad ni Troy. Siyempre, gusto niya ring makita ang kapatid.

"K-kay Troy?" tila hindi makapaniwalang ulit ni Winston. "B-bakit diyan ka nakikituloy?"

"M-mahabang kuwento, Kuya. T-tinulungan n'ya ako."

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ng kapatid. "Pupunta kami diyan mamaya, isasama ko ang pamilya ko. Gusto kitang makita, gusto ko ring malaman ang lahat ng mga kuwento mo."

Hinayaan na lamang ni Monica ang kapatid. Ilang sandali pa silang nag-usap bago ito nagpaalam para bumiyahe na raw papunta sa lugar na ito. Siya naman ay inabala na lamang ang sarili sa paghahanda ng pagkain para sa mga darating na bisita.

Hapon na nang marinig ni Monica ang pagtunog ng doorbell. Inayos muna niya ang suot na long-sleeved shirt at jogging pants bago tinungo ang pinto para buksan iyon.

Agad na sumalubong sa kanya ang mukha ng kapatid na si Winston. May kasama itong dalawang babae at may kargang isang batang lalaki. Nakilala niya ang isang babae – si Aina, ang asawa ng kapatid. Minsan niya na itong nakita noon pero saglit lamang. Hindi naman kilala ni Monica ang isa pang babae na naroroon na marahil ay ka-edad lamang din ni Aina. Inaya niyang pumasok sa loob ang mga ito.

Ibinaba ni Winston ang batang hawak at hinayaan itong magtatakbo. Tiningnan ni Monica ang batang lalaki. Iyon marahil ang anak ng Kuya niya.

Ibinaling niya ang pansin sa kapatid nang lumapit ito sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. Hindi na napigilan ni Monica ang mapahagulhol ng iyak. Na-miss niya ang kapatid kahit hindi niya pa ito tunay na kapatid. Halos dalawang taon din niya itong pinagtaguan.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 2: Troy AguirreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon