Chapter 10

3.9K 110 1
                                    

SA WHITE HEAVEN Beach siya dinala ni Troy. Mahaba rin ang naging biyahe nila sa eroplano at iba pang transportation para makarating dito. Naka-locate ang beach na iyon sa Whitsunday Island sa Queensland. Nasa south-western part iyon ng Australia continent. Iyon na ang pinakamagandang beach na nakita ni Monica sa buong buhay. Tunay na nakakaakit ang purong puting buhangin at napakalinis na tubig ng dagat. Eksaktong halimbawa iyon ng sinasabing heaven on Earth.

Nang makarating sila dito ay ilang sandali lamang na nagpahinga sa ocean-front cottage na nirentahan ni Troy para sa pag-stay nila sa lugar na ito. Pagkatapos niyon ay agad na siyang inaya ng binata para sa helicopter tour na kasama sa mga plano nito.

Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakasakay ng helicopter si Monica. Natakot siya no'ng simula pero dahil sa ganda ng view na nakikita ay nawala rin iyon. Unang araw pa lang nila sa bakasyon iyon subalit sobra-sobra na ang enjoyment na kanyang nararamdaman.

Kinabukasan ay binusog naman siya ni Troy sa iba't ibang mga pagkain na ngayon lamang din natikman sa buong buhay. Sinigurado talaga ng lalaki na masusulit niya ang pagpunta sa bansang ito. Sinabi pa nito na sa susunod na mga araw ay pupuntahan naman nila ang ibang attractions sa Australia, like in Sydney and Melbourne.

"Hindi ka ba maglalangoy?" narinig niyang tanong ni Troy. Kasalukuyan silang naglalakad-lakad sa may dalampasigan habang hinihintay ang paglubog ng araw.

Lumabi si Monica at ibinaba ang tingin sa long summer dress na suot. May scarf din siyang nagsisilbing taklob sa mga braso. "Hindi ako marunong lumangoy," wika niya. At hindi rin naman siya makakalangoy sa ganoong kasuotan. Hindi niya gustong magsuot ng swimsuit dahil ayaw maipakita ang mga sugat sa katawan. May ilang tao rin ang naroroon.

"Gusto mo bang turuan kita?"

Umiling siya. "Huwag na, pagod na rin naman ako sa kalalakad. Hinihintay ko na lang ang sunset." Ngumiti siya.

Bumuntong-hininga na lang si Troy at hindi na nagsalita.

Mahabang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila, tanging ang mabining alon lamang ng dagat ang naririnig.

Palihim na sumulyap si Monica sa binata. Nakatingin lamang si Troy sa unahan, walang emosyon ang mukha. Sa loob ng mga sumunod na sandali, pinagmasdan niya lamang ang guwapong mukha ng lalaki sa halip na ang sunset na nasa harap.

Gusto niyang patuloy na manatili sa tabi nito. Gusto niyang palaging napapagmasdan ito kahit na palihim lamang. Tila biglang nanikip ang kanyang puso nang maisip na imposibleng manatili ang ganito habang-buhay.

Ibinalik ni Monica ang tingin sa unahan para malamang kanina pang nakalubog ang araw.

"Gusto mo na bang bumalik sa cottage natin para makapagpahinga ka na?" pagbasag ni Troy sa katahimikan.

Tumango siya at sumunod sa binata sa paglalakad. Nakatingin lamang siya sa likod ni Troy. Nais niyang abutin ito, yakapin. Gusto niyang tingnan ito bilang isang lalaki, hindi parang kapatid o anupaman. Gusto niyang hayaan ang sarili na magmahal uli. Kung puwede lang sana. Kung puwede lang.

INALIS ni Monica ang scarf na nakasabit sa balikat at ipinatong iyon sa maliit na couch. Humakbang siya patungo sa maliit na terrace ng cottage na tinutuluyan nila na nakatapat sa malawak na dagat. Malaki ang cottage na iyon at halos kompleto na sa mga gamit. Madilim na ang paligid pero nakabukas naman ang mga ilaw ng resort kaya nakikita niya pa rin ang dagat.

Kanina pa silang nakabalik dito sa cottage nila pero agad din namang nagpaalam si Troy. May kailangan daw kasi itong kausapin para sa planong water activities bukas.

Malungkot siyang napabuntong-hininga. Hindi naman siguro umiiwas sa kanya ang binata. Napapansin na kaya ni Troy ang pagbabago sa kanyang nararamdaman? Ini-iling niya ang ulo. Hindi siguro. Ganoon na ba siya ka-transparent?

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 2: Troy AguirreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon