Chapter 12

3.5K 89 7
                                    

HINIGPITAN ni Troy ang pagkakahawak sa kamay niya sa halip na bitawan iyon. Kapapasok lamang nila sa loob ng Society Hotel sa Makati. Mahigit isang linggo na rin ang lumipas nang makabalik sila mula Australia.

Bahagya siyang lumapit sa nobyo at bumulong. "Troy, b-baka makita tayo ng mga kaibigan mo."

Tumingin sa kanya si Troy, nakakunot-noo. "Walang problema do'n. Gusto ko rin naman na ipakilala ka sa kanila bilang nobya ko." Kumindat ito.

Pinamulahan ng mukha si Monica. Masaya siya na nais siyang ipakilala ng nobyo sa mga kaibigan nito pero may parte ng kanyang puso ang nahihiya. Ilang beses niyang itinanggi sa ilan sa mga kaibigan nito na wala silang relasyon ni Troy. Ano na lang ang iisipin ng mga ito?

"Bakit? Ikinahihiya mo ba ako?" narinig pa niyang tanong ni Troy, may pagtatampo na sa boses.

Nanlaki ang mga mata ni Monica. "Ikaw pa talaga ang may ganang magsabi n'yan, ah?" natatawang tugon niya.

Ngumiti si Troy. "Bakit hindi? Napakaganda ng girlfriend ko, posible rin na may natitipuhan ka sa ibang breakers na hindi ko alam." Itinaas nito ang magkasiklop nilang mga kamay. "Kaya hindi ko hahayaang maagaw ka pa ng iba."

"Ang galing mo talagang mambola," bulong na lang niya. Pero naniniwala naman si Monica sa lahat ng mga salitang sinasabi nito. Sobra-sobra na talagang na-attach ang puso niya sa lalaki at wala nang magagawa para pigilan iyon. Ibinalik niya ang tingin kay Troy. "Ano nga pala 'yong 'breakers'? Natatandaan kong nabanggit 'yan no'ng... no'ng C-Ciarrah? Related ba 'yon sa society na kinabibilangan n'yo raw dito? Samahan n'yo ba 'yon?"

Naiiling na lang na napatawa si Troy sa sunod-sunod na tanong niya. "Sasagutin ko lahat 'yan mamaya, okay? Ipapakita ko rin sa 'yo ang private suite ko dito, remember?"

Tumango-tango si Monica. Sabay silang napatingin sa harap nang marinig ang pagtawag sa pangalan ng nobyo. Nakita ni Monica ang paglapit ng isang lalaki na nakasuot ng business suit, may hawak din itong isang briefcase. Malamang ay kaibigan din ito ni Troy, hindi pa nga lang niya nagagawang makilala.

"Dave, pare," bati ni Troy sa bagong dating.

"Mukhang nakabalik ka na galing sa bakasyon mo," wika ni Dave. Sumulyap ito sa kanya. "Ngayon ko lang 'ata siya nakita dito."

Ngumiti si Troy at inakbayan siya. "Siya si Monica. Girlfriend ko," may pagmamalaki sa tono nito.

Ilang sandaling tinitigan lamang siya ni Dave. Bahagya pang nailang si Monica dahil sa titig na iyon. Nakaka-intimidate ang pagtitig ng lalaki.

Maya-maya ay sumilay na ang isang ngiti sa mga labi ng lalaki. Dahil sa ngiting iyon ay nagmukha naman itong mabait. "So siya pala ang madalas mong ikuwento sa amin." Inilahad ni Dave ang isang kamay. "I'm Dave Talisen. Isa ako sa mga kaibigan ni Troy."

"He's my best buddy here," dugtong pa ni Troy. "Huwag kang mag-alala, mabait naman 'yan."

Tinanggap ni Monica ang pakikipagkamay ng lalaki at bahagyang nginitian ito.

"Nagmamay-ari siya ng mga textile companies," wika pa ni Troy, tinutukoy ang kaibigang si Dave. "Nagma-manage din ang kompanya nila ng mga fashion businesses."

"Actually, naghahanap ang kompanya namin ng models para sa bagong ire-release na products para sa susunod na buwan," ani Dave. "Kinausap ko si Judd kanina, siya ang maraming kilalang mga modelo sa atin."

Tumawa si Troy. "Puwede ang girlfriend ko," anito at hinigpitan ang pagkakaakbay sa kanya. "Maganda na, sexy pa. Walang panama ang mga modelong kilala ni Judd."

Naiinis na hinampas ni Monica ang dibdib ng nobyo. Matalim niya itong tiningnan. "Alam mong hindi ako puwede d'yan," pabulong na wika niya.

Ngumisi naman si Troy at hinalikan siya sa ulo. "Ayaw daw n'ya," pagbawi nito.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 2: Troy AguirreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon