Chapter 7

3.2K 88 2
                                    

HINDI na nakagisnan ni Monica si Troy isang umaga na magising siya. Ang tanging nakita niya na lamang sa dining table ay ang agahan na niluto ng binata. Siguro ay nasa trabaho na ito ng mga oras na iyon.

Napangiti siya nang makita ang niluto ng lalaki – rice, ham and eggs, at toasted breads. Napaka-sweet na lalaki rin ni Troy Aguirre. Isa iyon sa mga napansin niya sa lalaki. Sobrang pinagpala ang magiging asawa nito sa hinaharap.

Pagkatapos kumain, nag-ayos na siya ng sarili para lumabas. Plano niyang maghanap ng maaaring pasukang trabaho sa condominium place na ito.

Naglalakad siya sa lobby nang makasalubong ang isang babae na nakasuot ng skin-tone long dress. Napatigil ito sa paghakbang nang makita siya.

Kumunot ang noo ng babae at pinakatitigan siya. "Have we met before?" tanong nito, nasa tono nito ang sopistikasyon.

Inilinga-linga ni Monica ang ulo para siguraduhing siya nga ang kinakausap ng naturang babae.

"Oh!" ani pa ng babae. "Ikaw 'yong babaeng tinulungan ni Troy. Dito ka pa rin pala tumutuloy." Ngumiti ito at inilahad ang isang kamay. "I'm Nikki Aguirre. Ate ako ni Troy."

Hindi niya naitago ang pagkagulat sa kaalamang ito ang nakatatandang kapatid na ikinukuwento ni Troy. Tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. "M-Monica Salazar. Malimit po kayong nababanggit ni Troy sa akin."

Tumawa si Nikki. "Huwag mo nang gamitin ang 'po' sa akin. I'm just thirty years old, dalawang taon lang ang tanda ko kay Troy. Kaya hindi ko na rin siya pinapagamit ng 'po' kapag nag-uusap kami. I don't want to feel old."

Kung ganoon, tatlong taon lang ang tanda ng babae sa kanya. Pero wala naman sa itsura nito na nasa thirty na ang edad.

"What are you doing outside, by the way? May pupuntahan ka ba?" tanong ni Nikki makalipas ang ilang sandali.

"Naghahanap-hanap ako ng maaaring pasukang trabaho, kahit dito lamang. Ayoko kasing umasa na lang ng umasa kay Troy. Gusto ko ring mag-trabaho kahit part-time lang."

Tumaas ang isang gilid ng labi ni Nikki para sa isang ngiti. "I'm sure Troy can provide for you," usal nito. "Pero mukhang seryoso ka talaga diyan sa gusto mo. Puwede kitang tulungan. Tamang-tama, naghahanap ng part-time cashier ang isa sa mga convenience store dito sa Aguirre Gardens. Ire-rekomenda kita." Kumindat pa ito.

"Talaga?" masayang tanong ni Monica. "Maraming, maraming salamat," taos-pusong pasasalamat niya. Hindi maitatanggi na magkapatid ngang talaga ito at si Troy. Parehong napakabuti ng puso ng mga ito. "Maghahanda ako ng resume para—"

"Hindi na kailangan," putol ni Nikki. "Kami ang may-ari ng lugar na ito. Ire-rekomenda lang kita at ayos na. Kilala naman kita. Kaibigan ka ng kapatid ko... or girlfriend?"

Ini-iling ni Monica ang ulo. "H-hindi niya ako nobya," nahihiyang tanggi niya.

"Oh, hindi pa ba?" nangingiting tanong pa ni Nikki.

Ramdam na ramdam ni Monica ang pamumula ng mukha dahil sa pagbibiro ng babae. Napaka-bold ng personalidad ni Nikki Aguirre.

Muling tumawa si Nikki. "Anyway, follow me para mai-rekomenda na kita," iyon lang at nauna na itong naglakad palabas ng building na iyon.

Naging madali nga lang para sa babae ang lahat. Ang ginawa lang nito ay simpleng irekomenda siya at sinabi na ng nagma-manage ng convenience store na iyon na maaari na siyang magsimula bukas. Anim na oras lamang ang trabaho niya at sa umaga iyon.

Inaya muna siyang mag-meryenda ni Nikki sa isang restaurant sa condominium place rin na iyon bago sila naghiwalay. Inimbitahan din siya ng babae sa nalalapit nitong kasal sa Abril.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 2: Troy AguirreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon