Chapter 15

3.1K 89 4
                                    

"HINDI!" Napabalikwas ng bangon si Monica sa kinahihigaang papag dahil sa isang masamang panaginip. Napasinghap siya at hindi na napigilan ang pagdaloy ng mga luha. Niyakap niya ang mga binti at tahimik na lumuha. Sa kanyang panaginip, magkasama sila ni Troy. Subalit bigla ay may isang liwanag na bumalot sa binata at kinuha ito palayo sa kanya.

Miss na miss niya na si Troy. Mahigit apat na buwan na simula nang umalis siya sa poder nito at nagdesisyon na magsarili. Dito siya napadpad sa isang lugar sa Bataan. Agad naman siyang nakahanap ng maliit na apartment na matitirhan at ng sariling trabaho bilang tagaluto sa isang hindi kalakihang restaurant.

Pinunasan ni Monica ang mga luha at sinubukang kalmahin ang sarili. Gabi-gabi na lang ay umiiyak siya dahil sa matinding sakit na nararamdaman. Kahit anong gawin niya ay hindi mabawas-bawasan ang hapdi sa puso, sa halip ay lalo lamang iyong nadaragdagan. Pagod na pagod na siyang umiyak subalit desisyon niya ito. Kailangan niyang magtiis.

Gusto niyang makita muli si Troy o masulyapan man lang ito. Unti-unti siyang pinapatay nang malaking butas na nasa puso niya. Ipinikit ni Monica ang mga mata at nagdasal para sa kaligtasan ng binata. Araw-araw ay kasama iyon sa mga dasal niya. Hinihiling niya na sana ay nasa maayos lamang itong kalagayan, sana mapatawad siya nito balang-araw.

Ngayon, nagagawa niya nang magbayad para sa sariling tirahan. Nagagawa niya nang magbayad para sa sariling pagkain araw-araw. Nakakaya niya nang tumayo sa sariling mga paa. Subalit bakit hindi siya makaramdam ng kahit katiting na kasiyahan mula doon? Bakit pakiramdam niya ay hindi pa rin kontento?

Napatingin si Monica sa isa pang papag na nasa isang tabi at nakitang nagising na rin ang kasama niya sa apartment na ito. Dalawa silang naghahati sa upa ni Criselda. Naging kaibigan niya na rin ang babae. Nagtatrabaho naman ito sa isang establishment na hindi kalayuan sa restaurant na pinagtatrabahuhan niya.

Naupo si Criselda at tumingin sa kanya. "Umiiyak ka na naman?" naghihikab na tanong nito.

Napayuko siya. "P-pasensiya ka na k-kung... kung nagising kita."

Lumipat si Criselda sa papag niya, may pagkaawa na sa mga mata nito. "Hanggang ngayon ay iniiyakan mo pa rin ang lalaking ikinukuwento mo? Mahal na mahal mo talaga siya, 'no?"

Kinagat ni Monica ang pang-ibabang labi para mabawasan ang kirot sa dibdib. "S-sana... sana ipinanganak na lamang ako na sapat sa kanya. P-para... para hindi ko na kailangang lumayo ng ganito," hikbi niya.

Marahang tinapik-tapik ni Criselda ang kanyang likod. "Huwag mong sisihin ang sarili mo." Bumuntong-hininga ito. "Kapag palagi mo 'yang iniisip, hindi ka talaga makakawala sa sakit na 'yan. Paano ka pa magiging masaya?"

"Masaya?" Mapait siyang napangiti. "Sa buong buhay ko, napatanuyan kong napakahirap hanapin ng kasiyahan. Natagpuan ko lamang 'yon sa piling ni Troy. Pero sandali lang pala 'yon," muli na namang nag-unahan sa pagpatak ang kanyang mga luha. "Totoo nga sigurong ang bagay na pinakahihiling mo ay ang bagay na hindi mo makukuha."

Hindi niya na narinig na nagsalita si Criselda. Nakatingin lamang ito sa kanya na puno ng pagkaawa ang mga mata.

Pinahid muli ni Monica ang mga luha sa mukha at pinilit ang sarili na ngumiti. Hindi niya na gustong pag-alalahanin ang mga taong nakapaligid sa kanya. Hindi niya na gustong magpakita ng kahinaan. "M-magiging ayos din ako," bulong niya. "M-makakalimutan ko rin siya. M-mawawala rin ang... ang sakit na 'to." Balang araw, makakalimutan niya rin ang lahat-lahat dahil iyon ang dapat. Makakalimutan niya rin maging ang mga kulay ng mga mata ni Troy, at makakalimutan din ng binata ang sa kanya.

DAHAN-DAHANG iminulat ni Troy ang mga mata at napangiwi nang maramdaman ang pananakit ng ulo, maging ng ibang parte ng katawan. Maingat niyang iginala ang paningin sa hindi pamilyar na lugar na kinaroroonan.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 2: Troy AguirreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon