Chapter 13

3K 95 5
                                    

IPINASOK ni Monica sa maliit na backpack ang wallet na naglalaman ng ilang pera at ATM card niya. Iyon lamang at dalawang bote ng mineral water ang laman ng bag na iyon. Ang backpack na 'yon lang ang plano niyang dalhin sa pag-alis ngayong araw.

Tinanggal niya ang kuwintas na nasa leeg at marahang hinaplos iyon. Gusto niyang dalhin kahit ang kuwintas na ito lamang pero hindi maaari. Kailangan niyang iwan ang kahit na ano na ibinigay ni Troy. Inilagay niya ang kuwintas sa rectangular box nito at ipinatong sa bedside table ng kama.

Mariin niyang kinagat ang pang-ibabang labi para pigilan ang pag-iyak. Hindi niya gustong umalis. Hindi niya gustong iwan si Troy. Pero kailangan. May kailangan lang siyang patunayan sa sarili at maging sa ibang tao. At hindi niya magagawa iyon kung patuloy siyang makikitira sa lugar na ito ng binata.

Hinaplos ni Monica ang kamang kinauupuan. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang lalayo pero humihiling ang kanyang puso na sana magawa pa niyang makabalik sa piling ni Troy. Sana ay hindi ito magalit sa kanya.

Sumulyap siya sa pinto ng kuwarto at nakita ang pagpasok doon ni Troy na nakatapis lang ng tuwalya sa ibabang parte ng katawan. Katatapos lang nitong mag-shower, naghahanda nang pumasok sa trabaho.

Inilapag ni Monica sa sahig ang maliit na backpack. Nakita niya pa ang pagsulyap doon ng nobyo. Laking pasasalamat niya nang hindi nito iyon pag-ukulan ng pansin.

Tumayo siya at tinulungan ang binata sa pagbibihis ng police uniform nito. "Mag-iingat ka sa lahat ng pupuntahan n'yo ha?" paalala niya, pinipilit pasiglahin ang tinig.

Ngumiti si Troy. "Oo naman. Kailangan ko pang umuwi dito at makasama ka," anito.

Mabilis na iniiwas ni Monica ang tingin sa lalaki para hindi nito makita ang kalungkutan na kanyang nararamdaman.

"May trabaho ka rin ba mamaya?" tanong ni Troy habang ibinubutones ang damit.

Tumango siya. Ang totoo ay plano niya nang mag-resign sa trabaho sa convenience store. Gusto niyang sabihin kay Troy ang planong pag-alis pero sigurado siya na pipigil ito. Hindi rin gusto ni Monica na malaman ng binata ang lugar na kanyang pupuntahan dahil ayaw nang makatanggap ng tulong dito. Sapat na ang lahat ng mga naibigay nito noon. Hindi niya gustong magmukhang abusado katulad ng ipinaratang sa kanya ni Carla kagabi.

"Bago mag-alas-sais siguro ng gabi ay nandito na ako," wika pa ng nobyo. "Tapos mag-grocery na tayo. Sa restaurant sa 'baba ka na mag-tanghalian." Inabot ni Troy ang wallet nito na nasa kama para sana maglabas ng pera doon.

"H-hindi na," mabilis na tanggi ni Monica. "May... may tira pa namang pagkain kagabi. Iyon na lang ang kakainin ko."

"Sigurado ka?"

Tumango siya. "Iiinit ko na lang 'yon." Plano niya rin naman na mag-grocery mag-isa maya-maya para ipagluto ng pagkain ang binata bago umalis.

Ngumiti naman na si Troy. "Mag-dinner tayo sa paborito kong restaurant mamaya. Gusto mo rin bang manood ng sine?" may pagkasabik na sa tono nito.

Ngiti na lang ang isinagot ni Monica. Hindi niya gustong sumagot dahil alam namang hindi matutupad iyon.

Itinaas ni Troy ang isang kamay at hinaplos ang kanyang mukha. Ibinaba nito ang mga labi para mahalikan siya.

Ipinikit niya ang mga mata at tinugon ang halik ng nobyo. Kahit sa huling pagkakataon, nais niyang malasahan ang mga labi nito. Hindi na namamalayan ni Monica na may naglandas na palang luha sa kanyang pisngi.

Bahagyang napalayo si Troy at pinakatitigan siya. May bumahid ng pagtataka sa mga mata nito. "Baby... bakit ka umiiyak?" nag-aalalang tanong ng nobyo.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 2: Troy AguirreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon