Chapter 3

3.8K 85 0
                                    

DAHAN-DAHANG iminulat ni Monica ang mga mata at napaungol dahil sa matinding pananakit ng katawan na nararamdaman. Maingat niyang iginala ang paningin sa paligid at nagtaka pa dahil sa hindi pamilyar na kuwartong kinaroroonan. Base sa nakikitang pagkakadisenyo ng silid, hindi maikakailang mayaman ang nagmamay-ari ng lugar na iyon. Lalaking-lalaki ang presensiya ng buong lugar, ganoon din ang mga gamit na nakalagay doon.

Sinubukan ni Monica na maupo sa malambot at malaking kama na kinahihigaan. Sumandal siya sa headboard at noon lamang napansin na may dextrose palang nakakabit sa isang kamay.

Napuno na ng pagtataka ang buong pagkatao niya. Nasaang lugar siya? Siguradong hindi ito ospital. Pinilit niyang alalahanin ang mga naganap ng nagdaang gabi. Nanumbalik sa kanyang isipan ang lahat-lahat, maging ang muling pagkakita niya kay Troy Aguirre. Hindi niya na namalayan kung kailan siya dinala dito ng lalaki.

Troy. Troy Aguirre. Tama, ang lalaki nga ang tumulong sa kanya kagabi. Ito rin marahil ang nagdala sa kanya sa lugar na ito. Ibinaba ni Monica ang tingin sa katawan at napansin na isang damit na panglalaki at khaki shorts ang suot niya. Si Troy din ba ang nagpalit ng damit niya? Bigla ay nakaramdam siya ng hiya sa kaisipang iyon.

Napatigil si Monica sa pag-iisip nang marinig ang pagbukas ng pinto ng silid na kinaroroonan. Agad niyang nakita ang pagpasok ng isang lalaki – si Troy Aguirre. Nakasuot ito ng police uniform na katulad din noong unang nagkita sila sa Batangas nang isama ito ng kapatid niyang si Winston. Ganoong-ganoon pa rin ito. Tila ba hindi man lang nagbago sa loob ng halos dalawang taon.

May dumaang pagkagulat sa mga mata ng lalaki nang makitang gising na siya. Pero agad din naman itong ngumiti at humakbang palapit sa kama. "Gising ka na pala," wika ni Troy. Umupo ito sa gilid ng kama at pinagmasdan siya. "May masakit pa ba sa'yo?"

Umiling si Monica, bahagya pang nailang sa pagtitig ng lalaki. "N-nasaan ako?" tanong niya at sinulyapan ang nakakabit na dextrose sa isang kamay.

"Nandito ka sa pad ko sa Quezon City," tugon ni Troy. "Gusto sana kitang dalhin sa ospital kagabi pero tumanggi ka. Dito na lang kita dinala nang matapos ang drug test sa 'yo, negative naman. Tinawagan ko na lang ang doktor kong kaibigan para tingnan ang mga sugat mo. Sinabi niyang kailangan mo raw ng mahabang pahinga. Mabuti na lang rin at wala namang naging masamang epekto ang mga sugat na natamo dahil sa hayop na 'yon," tinutukoy nito si Carlos.

Bigla ay bumalik ang takot sa puso ni Monica nang maalala si Carlos. "A-ano na'ng nangyari s-sa kanya?" hindi niya napigilang itanong.

"Dinala siya sa ospital kagabi, stable na naman ang lagay niya. Pero huwag kang mag-alala, may mga pulis na nagbabantay sa kanya. Sisiguraduhin kong makukulong siya sa lahat ng mga masasamang ginawa n'ya sa 'yo."

Nakahinga naman ng maluwag si Monica dahil sa sinabi ng lalaki.

"Sinabi mo kagabi na nobyo mo ang lalaking 'yon at sa loob ng mahigit dalawang taon ay magkasama kayong dalawa sa isang apartment," pagpapatuloy ni Troy.

"Hindi ko na siya nobyo," puno ng pait na wika niya. "S-siya ang tumulong sa akin noon... noong umalis ako para sana bumuo ng sariling buhay, para hanapin ang sarili. N-naging maayos naman ang samahan namin noong simula, pero... pero bigla na lang nagbago si Carlos, lalo na noong mapabarkada siya sa kung kani-kanino. A-akala ko h-hindi siya magiging katulad ng demonyong umampon sa akin, a-akala ko hindi niya ako sasaktan, a-akala ko rerespetuhin n'ya ako kahit magkasama kami sa isang lugar." Napahikbi na siya. "P-pero ang tagapagligtas ko na 'yon ay naging demonyo." Hinding-hindi na siya magtitiwala sa mga pangako ng isang lalaki, hinding-hindi niya na ipagkakaloob muli ang puso ng buong-buo. Ayaw niya nang masaktan. Pagod na siyang magtiwala. Pagod na siyang umasa.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 2: Troy AguirreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon