Chapter 19

3.9K 102 2
                                    

KATATAPOS lamang diligan ni Monica ang mga bagong halaman na nasa terrace ni Troy nang bigla namang bumuhos ang ulan. Mabuti na lang at hindi naabot ng ulan ang terrace dahil sa bubong niyon. Itinaas niya ang isang kamay para haplusin ang kuwintas na nasa leeg. Noong bumalik siya dito ay muling ibinigay sa kanya ni Troy ang kuwintas na ito at sinabing huwag na huwag na uling iiwanan.

Ilang minuto siyang nakatitig lamang sa pagpatak ng mga ulan hanggang maramdaman ang pagpulupot ng mga braso sa kanyang baywang mula sa likod. Malawak na napangiti si Monica at isinandal ang likod sa katawan ni Troy. Naramdaman niya pa ang paghalik nito sa kanyang buhok.

"Ano'ng ginagawa mo dito sa terrace? Umuulan na. Hindi ka ba nilalamig?" sunod-sunod na tanong ni Troy.

"Hindi na ngayon," masayang tugon niya. "Yakap-yakap mo na kasi ako."

Tumawa ang nobyo at mas higit pang hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya. "Nakita mo na pala ang mga bago kong pina-deliver na mga halaman. Natuyo na kasi iyong noon dahil umalis ka."

Nilingon ni Monica ang binata. "I'm sorry," malungkot na bulong niya.

"Ipangako mo lang na hindi mo na papabayaan ang mga halamang iyan, katulad ng puso ko," wika ni Troy, may mahihimigang pagmamakaawa sa boses.

Nag-igting ang puso niya. "Pangako." Ngumiti pa siya.

Kinintalan ni Troy ng mabilis na halik ang mga labi niya bago malawak na ngumiti.

Ibinalik ni Monica ang tingin sa unahan. "Naisip ko lang, para kang ulan sa buhay ko."

"Bakit naman?" Ipinatong nito ang baba sa balikat niya.

Humugot muna siya ng malalim na hininga bago sumagot. "Para kang ulan na pumapatak sa mga tuyong alaala ng aking nakaraan. Noon, pakiramdam ko ay isa akong tao na na-straded sa isang disyerto. Unti-unti nang nawawalan ng pag-asa. Pero bigla, isang araw dumating ka. Katulad ng ulan na bigla na lang bumagsak para magbigay ng tubig na kakailanganin ko para patuloy na mabuhay."

Pumihit si Monica paharap sa lalaki at inilapat ang mga kamay sa dibdib nito. Nararamdaman niya na ngayon ang pintig ng puso ng binata. "Makalipas ang napakahabang panahon, natagpuan ko na rin ang taong makakapag-alis ng lahat ng sakit ng mga sugat ko. At ikaw ang taong 'yon." Pinakatitigan niya sa mga mata si Troy, puno ng pagmamahal ang mga mata. "Noong magdesisyon akong iwanan ka para maging... maging independent, mayroon din akong napatunayan."

Nakatitig lamang sa kanya si Troy na parang wala nang bukas. "Gusto kong marinig kung ano 'yon," bulong nito.

Iniyuko ni Monica ang ulo para maitago ang pamumula ng mukha. Pinaikot-ikot niya ang hintuturo sa dibdib nito. "N-na... na sa pagrami ng mga taong nakikilala ko, mas lalo kong nakikita na ikaw lang talaga ang nais kong makasama ng ganito palagi."

Hinawakan ni Troy ang kanyang baba at itinaas iyon. "I'm glad to hear that." Ngumiti ito. "Gusto ko pa ring magkaroon ka ng mga kaibigan, kakilala. Gusto kong maging masaya ka at mabuhay ng normal."

"Masaya ako," ani Monica. "Ni minsan ay hindi ako nakaramdam ng ganitong klase ng kasiyahan noon. At ikaw ang rason sa kasiyahang ito. Mahal na mahal kita, Troy... kahit alam kong wala akong maibibigay sa 'yo..."

Naiinis na napabuntong-hininga si Troy. Akmang magsasalita pa ito nang magpatuloy siya.

"Hindi pa ako tapos," natatawang dugtong ni Monica. "Wala akong maibibigay sa 'yo... m-maliban sa puso ko."

Hinapit siya ng binata palapit sa katawan nito para yakapin ng buong higpit. "At sapat na 'yon, baby. Ikaw lang ang kailangan ko."

Ginantihan ni Monica ang yakap nito. Para bang lumulutang sila sa alapaap ng mga oras na iyon. Hinihiling niya na sana ay pang-habang-buhay na ang kaligayahang itong kanyang nadarama.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 2: Troy AguirreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon