CHAPTER 2
“LEMUEL!” Literal na napasigaw si Mrs. Tirol nang makita ang panganay na anak sa labas ng gate nila. May bitbit itong isang medium-sized na maleta at isang backpack. “Bakit hindi ka nagpasabi na darating?”
Alas-otso pa lang ng umaga at kasalukuyang nasa garden ang ginang para maglakad-lakad at tingnan ang mga alaga nitong bulaklak- nang tumunog ang doorbell. Nang silipin nga niya ito ay nagulat siya ng husto.
“Ma!” Niyakap ng mahigpit ng lalake ang may-edad na babae.
“Bebang! Bebang!” sumigaw uli ito- this time ay tinatawag ang kasambahay. Ilang saglit ay humahangos na lumabas ang tinawag. “Ipasok ang mga gamit ni Sir Lemuel mo!”
“Ako na ma, ang gaan lang naman nito e.”
“Hindi. Gusto ko yakap-yakap pa kita. Hayaan mo na si Bebang diyan,” saway ng may edad na babae. “Na-miss kita ng husto anak!”
“Miss din kita ma... kahit lagi naman tayong nag-uusap sa phone,” natatawang wika ni Lemuel.
“Sana nagsabi ka kasi para napaghandaan ko ang pagdating mo! Sana may welcome party!”
“Hindi ko kasi sigurado kung maa-approve ang leave ko kaya hindi ko muna sinabi sa inyo. Nang mapirmahan ang bakasyon ko, the next day, lumipad na agad ako rito.”
“Mabuti naman at pinayagan ka!” Namuo ang luha sa mata ng ginang pero agad din niya iyung pinahid.
“Huwag ka nang umiyak ma, dapat masaya lang tayo.”
“Hindi lang ako makapaniwala na nandito ka na.” Ngumiti ang may-edad na babae saka hinila si Lemuel. “Halika, magpahinga ka muna sa kuwarto at ipapahanda ko ang mga paborito mong ulam!”
“Ginataang ubod at lechong kawali?” Napangiti ang binata.
“Patatakbuhin ko si Bebang sa palengke ngayon din,” nakangiting wika ng ginang. “Saka magluluto din ako ng paborito mong nilagang baka!”
“Yes! Home sweet home!”
Pagpasok sa loob ng bahay ay may naalala si Lemuel.
“Si Mariella nga pala?” Yun naman ang inuwi niya talaga- ang makita at makausap ang kapatid.
“Naku, hindi umuwi! Tawag nga ako ng tawag kagabi sa kanya,” sumbong ng ginang. Pinaupo muna nito si Lemuel sa sofa, saka tumabi. “May group study daw sila saka presentation mamaya kaya nag-overnight.”
“Saan? Sinong mga kasama?”
“Yung mga kaibigan nga niya at mga kaklase.”
“Yung mga tomboy?”
Hindi kumibo si Mrs. Tirol kaya napahawak sa noo si Lemuel. Kararating pa lang niya pero mukhang tatalunin ng gimik ni Mariella ang jet lag niya- magkaka-migraine yata siya ng wala sa oras!
BINABASA MO ANG
Little Wild Heart
ChickLitThis book is published by BOOKWARE and posted with permission. I wrote this under my real name. To get the physical copy (printed copy) of this book, please go to www.bookwarepublishing.com Unit 301 3rd Floor Rizalina Building 1677 Quezon Avenue, QC...