CHAPTER 11
Present Day.
HINDI makapaniwala si Lemuel sa sagot ni Ella nang tanungin niya ang kapatid tungkol kay Dani.
“W-wala na siya, kuya.”
“Anong wala?” Naisip niyang ginu-goodtime na naman siya ng kapatid. Pero seryoso ang itsura ni Ella. Bigla na namang kumabog ang dibdib niya. “What do you mean?”
“Wala na si Dani, kuya.”
Pakiramdam ni Lemuel ay umikot ang paningin niya. Anong ibig sabihin ng wala? Hindi agad nakapagsalita ang binata- takot siyang marinig kung ano ang muling isasagot ni Ella kapag nagtanong siya.
“Lemuel, bakit ka namumutla, anak? Mukhang puyat na puyat ka! Ang mabuti pa umuwi na muna tayo.”
“Ma, may graduation party pa kami, di ba?”
“E paano itong kapatid mo? E kung matumba dito at mabagok ang ulo?”
“Puwede bang sumunod na lang ako sa bahay?” narinig niyang ungot ni Ella.
“Hayaan niyo na siya ma... okay lang ako,” sabad ni Lemuel. Pero hinawakan muna niya ang braso ng kapatid at hinila sa isang tabi. “Tell me the truth. A-anong nangyari kay Dani? I mean... nasaan... nasaan siya?”
“Bigla nalang siyang nawala... hindi na nagpakita sa amin. Ilang beses akong tumawag sa kanila pero wala siya.”
“Di ba close kayo? Wala man lang siyang sinabi sayo? Or hindi ka ba niya kinontak?”
Umiling ang kapatid niya.
“Kuya, kailangan ko nang umalis. Naghihintay na ang mga kaibigan ko.” Itinuro ni Ella ang grupo ng mga graduates na kumakaway sa kanila. Pilit siyang ngumiti at hinayaan na lamang ang kapatid.
“Ano ba ang tinatanong mo kay Mariella?” tanong naman sa kanya ng mama niya nang maglakad sila patungong parking lot. Naroroon ang family car nila kasama ang driver.
“Wala po.” Naisip ni Lemuel na ayaw muna niyang umuwi. Kahit pagod siya sa mahabang biyahe ay hindi rin naman siya makakatulog.
Nasaan si Dani? Kinapa niya ang maliit na box na nakasuksok sa loob ng pantalon niya.
“Iwan mo nalang kaya muna ang kotse mo at sumabay ka na sa amin?”
“Huwag na ma. May pupuntahan lang ako.”
“Saan ka pupunta?” Puno ng pagtataka ang mukha ng mama niya.
“Basta. Mamaya na lang ho ako uuwi.”
Napailing ang may-edad na ginang nang sumakay sa kotse. “Tumawag ka kapag gusto mong magpasundo ha? Baka kung mapano ka sa daan niyan, masamang mag-drive ang pagod at inaantok.”

BINABASA MO ANG
Little Wild Heart
ChickLitThis book is published by BOOKWARE and posted with permission. I wrote this under my real name. To get the physical copy (printed copy) of this book, please go to www.bookwarepublishing.com Unit 301 3rd Floor Rizalina Building 1677 Quezon Avenue, QC...