Dear Dumpling,
Binalaan ako ni Pipette na may binabalak ang kanyang pinakamalapit na kapatid tungkol sa iyo, dumpling. Dahil busy si Burette at Aki, sina Pipette at Crucy ang magkasamang nagbalik-tanaw sa nakaraan nating dalawa. Sabay nilang tinignan ang ating mga larawan at binasa ang ating mga liham at usapan. Kinapanayam nila ang mga taong nakilala ka't nakatrabaho. At silang dalawa ang madalas nagpalitan ng mga kuro-kuro tungkol sa kanilang nalaman.
Pero ang gusto lamang ni Pipette ay sumulat tungkol sa iyo at siguro gumawa ng mga awit tungkol sa iyong buhay. Nais lamang niyang makilala ka nang lubusan, ang inang naririnig lang niya sa mga kwento ko at sa mga tita niyang mga naging kaibigan mo.
"Dad, I think Crucy wants to bring mom back," sabi sa akin ni Pipette habang naglalakad-lakad nung umaga, "she's trying to find a way to find her."
"That's impossible. I could not bring her back. Bakit pumasok sa isip ni Crucy na maibabalik niya..."
Pinutol ni Pipette ang aking tanong. "Gusto niya yatang harapin si Mom. Confrontation. Para ipakita sa inyo na hindi siya santa. Na hindi siya karapat-dapat na mahalin. Medyo sarcastic ang tunog ng boses ni Crucy tuwing pinag-uusapan namin si Mom e. Na wala siyang kwentang kaibigan. Na hindi siya marunong mag-adjust. Na laging kayo yung lugi. Na pinili lang kayo ni Mom dahil naawa lang siya sa inyo. Na di talaga niya kayo mahal."
Tumigil si Pipette at tumungo. Sumenyas siya na umupo muna kami. Ilang minuto ang lumipas. Tila hinahanap niya ang mga tamang salita. O pilit niyang kinakalma ang sarili. Tumingin siya sa langit nang matagal. Unti-unting namayani ang kulay bughaw sa kulay abo. Nagiging puti na ang kulay ng araw na kanina'y kahel.
Sa wakas ay nagsalita siya. Pabulong niyang sinabi, "I think Crucy wants you to move on from Mom."
Tumingin ako nang diretso sa mukha ng ating panganay at walang pagaalinlangan kong sinabi, "Naka-move on na ako."
Nagtama ang aming mga mata, "Dad, 'di kumbinsido si Crucy. Lagi niya kayong nakikita pag gabi na tinitignan ang larawan ni Mom. At binabasa niya ang mga luma niyong diary, at pansin niyang laging si Mom ang kausap niyo. 'Dear Dumpling? Hmmph, I doubt she cared,' sabi sa akin ni Crucy noong isang araw. Ayoko na lang kontrahin, Dad. Alam niyo naman yung nangyari sa amin sa Crimea. Kawawa kayo ni Sam, Dad. Pareho kayong naipit sa gulo naming magkapatid," nanginginig na ang boses ni Pipette. Pinaalala na naman ng panganay natin ang ayoko nang maalala't ikwento sa iyo.
Hindi maganda ang relasyon ni Pipette at Crucy. Matindi ang pagkainggit ng ating pangalawang anak sa ating panganay. Pakiramdam niyang sobrang close ko at ng kanyang ate. Samantalang tingin niya'y napabayaan ko siya.
Madalas kaming nag-uusap ni Pipette dahil katuwang ko siya sa aking mga tungkulin para sa ikapapayapa ng mundo. Diplomacy. At isa pa, bukas ang ating panganay na magkwento sa akin tungkol sa kanyang mga saloobin. Hindi nga siya nagdalawang-isip na sabihin sa akin ang kagustuhan niyang mag-resign sa trabaho, di ba?
Pilit kong inuunawa si Crucy. Kung alam lang niya ang mga panahong ginugol ko para pag-aralan ang mga terminong ginagamit niya sa kanyang trabaho. Kung pahiramin man lang niya sa akin ang kanyang mga notes sa kanyang mga eksperimento. Hindi daw pwede, kasi confidential. Di rin naman niya gustong ipaliwanag sa akin. Pag tinanong ko, sasabihin niya huwag na lang.
Sarado ang puso ni Crucy sa akin. Hindi siya nagbabahagi sa akin ng kanyang nararamdaman. Kahit anong gawin ko, 'di ko siya makumbinsing magkwento. Ipipilit ko ba?
Pumutok ang sama ng loob ni Crucy sa akin at sa kanyang ate habang nakadestino kami sa Crimea. Nagtatampo bakit naiwan siya sa Maynila at di namin siya sinama. Pero di ko ito nalaman sa kanya. Di rin siya nagsabi sa kanyang ate. Kinimkim niya.
Inimbita ko siyang sumama sa amin. Tinanggap niya pero lumala lang ang sitwasyon. Ayoko nang balikan pa ang mga nangyari. Naikwento ko naman na ito sa iyo.
Pareho ang pagmamahal ko sa kanilang dalawa, sa lahat ng ating mga anak. Pero ano ang magagawa ko?
Masakit para sa aking kausapin si Crucy. Siya ang pinakahawig mo sa kanilang magkakapatid. Nakuha niya ang maliliit mong mga mata at tila mapula mong buhok. At agham din ang pinili niyang kurso sa kolehiyo. Kung iba sana ang naging takbo ng kapalaran, kayo ang magiging close sa isa't isa, Dumpling.
"Ayokong mag-away pa kami, Dad." Muling sabi ni Pipette. Nanginginig ang kanyang tinig, on the verge of tears.
Nagbuntung-hininga ako, "Huwag kang mag-alala. Ako na kakausap sa kapatid mo."
I've found a way to find you before, Dumpling. I have to do the same for Crucy. I don't want to lose her.
Brokenhearted,
Dad
---
Version 1.0, 4 April 2020
BINABASA MO ANG
Dear Dumpling (Wala na, Finished na; Completed)
RomanceA young person's release from the frustrations of reality in the form of his dreams. That is the greatest tragedy. At least it also functions as a guidebook. Story in Filipino, with human-language English translation ongoing. --- Isang paraan para m...