Sa Silid at "Rusty" Bilibid

2.6K 3 0
                                    

Magkasama tayo ngayon sa silid
nakatitig sa mamahaling chandelier
na kumikinang sa ganda ng ornamental
nitong Europeong Europeo ang disenyo
habang nakasandal sa 'ting bagong biling sofa -
mula sa unang sahod natin sa part time job sa restoran-
habang ipinagdiriwang ang ikaanim na buwan bilang magnobya.

Pareho tayong nilunod ng red wine
na binili natin kahapon sa supermarket.
Gusto pang humirit.
kahit may curfew,
sabay tayong lumabas
nang palihim.
Nang 'di mahuli.
At 'di malintikan.

Magkahawak ang kamay
habang naglalakad sa tila napag-iwanang eskinita.
Lumulundag ang ating puso sa kilig.
Rinig na rinig ang pintig ng puso
dahil sa katahimikan ng paligid.
Natakot nang biglang may lumundag na pusang itim sa ating harapan.
Ang kaninang kilig napalitan ng kaba sa dibdib.

Narinig natin ang hakbang ng hukbo.
Palapit nang palapit sa tinataguan nating tambak ng plastic ng basura
sa ilalim ng kumikindap-kindap
na street light.

Tugudog-tugudog
ang ingay sa dibdib.
May kung anong nangangalit sa tiyan
na parang paru-parong nagpupumilit makaalpas para lumaya't
makalipad sa himpapawid.

At sa sandaling nangangalam ang sikmura
dahil inuna natin ang pag-inom ng wine
bago maghapunan,
bigla tayong napabitaw sa pagkakahawak sa tiyan
nang may kung kaninong bruskong tinig ang ating narinig.

Itinaas natin ang ating mga kamay
na kaninang nalulunod sa kalayaan.
Parehong tagaktak ang pawis
sa noo, kili-kili, at singit.

Naglapat ang ating mga mata,
nangusap na para bang nagsisisihan.
Ngunit walang magawa sa nagaganap
na paniningil.

Ngayo'y muli tayong pinag-isa.
Ng posas.
ngunit sa magkaibang rehas
itinutuloy ang nauntsaming kahibangan.

Nagsimula tayo sa inuupahang silid.
Sa kinakalawang na silid nga lang tayo mahihimbing ngayong gabi.
Di bale.
Tayo pa rin ang winner.
Menor de edad
Di pa puwedeng makulong nang matagal.

Pero, 'di na muling uulit pa!

Kung 'di dahil sa pusang itim,
'di sana ako napatili
dahilan para tayo ay mahuli
ng mga nahihimbing na mga "nagtatanod"
sa tabi.

Ang Ma(ka)ta sa PandemyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon