Mararating Din ng Aking Kalul'wa

983 1 0
                                    

Kapag nagsasawa, napipikon
sa mga kapalaluhan ng lunsod
Umiisip akong magliwaliw sa kabundukan
humanap ng kaluluwang sasagip
sa aking naguguluhang isip.
Kausapin ang hangin
habang pinagninilayan ang
mga nagkakagulo at
nag-uumpugang bagay-bagay.

Dito'y tatangkaing langhapin
'di lang ang sariwang hangin
kundi ang simoy ng kapayapaang
ubod ng tamis.
Habang pinagmamasdan ang
hindi mabilang-bilang na
pumapaimbulog na mga gusali
sa Metropolis.
Dito'y ipananalangin din kay Bathala na ibuhos
ang ulan ng pag-asa
sa natitigang na lupain
na dati ay mataba at napaghaharian ng awa at tuwa.

Kapag nahanap na ang kaluluwang sasagip
sa nalulunod kong isipan,
tatawid ako patungo sa malawak na karagatan.
Lalanguyin ang kailaliman
hanggang masumpungan ang rurok at dalisay na saya at laya.
Sisisirin kahit ang pinakaminamahal na perlas
nang 'di kalauna'y magising sa yaman
at kasaganahan.

Baka kapag mayroon nang taglay na ginto at pilak sa repositoryo,
galangin ako maging ang kaluluwa ko.
Luhuran tulad ng iginagalang na diyos ng lupa
at tawagin para maglingkod sa kapwa.

Dahil sa lunsod na ito,
hindi nakikita ang mulat na mamamayan
kundi ang may maiiabot na halagang
higit pa sa dasal.

Gayong ipagkakandiling hindi maging huwad
sa mata ng mundo at ng Maylikha.

Ang Ma(ka)ta sa PandemyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon