Sa Kumakalam na Tiyan

402 1 0
                                    

Sa kumakalam na tiyan
walang hindi maiisip
kung hindi ang maghanap
ng mga rason para mabusog—
na kahit ang pagpapalawak ng haraya
ay hindi akalaing gagawin:
akmang susubo ng masasarap na ulam
subo ng kanin at inom ng masarap na inumin
sabay dighay nang hindi ikinukubli.

Sa kumakalam na tiyan
hindi mo aakalaing
pati ang kabutihan
ay iyong makakalimutan
at ang gawi mong kabanalan
ay isasantabi nang panandalian
nang dahil sa naghihikahos
mo't abang kalagayan.

Sa kumakalam na tiyan
pati ang suot mong palamuti
ay walang magiging silbi
nang dahil sa kailangan
munang busugin ang tiyan
bago ang mga mata
ng sarili at iba.

Sa kumakalam na tiyan
minsa'y makakalimutan mo
ang suot mong puri at hiya
na noo'y kaingat-ingat mong dinadala:
ang dating tingala mong paglalakad
ay mapapalitan ng pagluhod
sa mga nakaaangat
nang may maihain lamang sa inyong hapag.

Sa kumakalam na tiyan
nakalilimutan mong may kaluluwa ka
na minsa'y inuna ang sarili
at hindi ang iba
ngunit nang naunawaan
na sa pamilya'y nagmamahal
ipauubaya ang sarili
uunahin ang tiyan ng pamilya
bago ang sariling kalamnan.

Ang Ma(ka)ta sa PandemyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon