Walang Tumutulang Hindi Umiibig

190 1 0
                                    

Kinalilimutan ko nang tumula
nang minsang talikuran ako
ng taong dahilan ng aking pagtula.
Masarap tumula nang tumula
kapag nasa tabi mo ang dahilan
ng iyong pagtula. Na siyang dahilan
din ng iyong pag-aabang sa pagsikat
at paglubog ng araw sa mapayapang
dalampasigan; na siya rin
namang nagpapalakas at nagpapahina ng 'yong tuhod
at kalamnan; na siyang nagpapabilis
ng tibok ng 'yong puso
at nagpapabagal ng takbo ng 'yong oras. Siya na siya ring dahilan ng marami pang dahilan kung bakit ka
nagpapatuloy mabuhay.
Siya ngang una mong minahal. Una kang minahal. Sa huli...
ikaw ang iniwang nagmamahal.

Tinapos ko na ang kinakathang koleksyon ng tula.
Mga apat na tula lamang
iyon para sa relasyong umabot
lang din ng apat na taon. Iyon ay tungkol sa pag-iibigan ng dalawang
Adan na piniling ibigin ang isa't isa
sa gitna ng panghuhusga. Marahil,
sa kabila ng dagat ng apoy na ating
naalpasan buhat nang ipakilala
ang pag-ibig— sa mundo, sa pamilya,
sa sarili, at sa lipunang may iba't ibang gusto at ayaw.

Higit nga pala ang pag-ibig sa lahat.
Lumaya ang tulad natin dahil
sa pag-ibig nating ipinaglaban.
Ngunit, ibang laya ang nagwakas
sa landas na dati ay dalawa nating
tinatahak. At sa wakas, bago ang wakas nagpaalam ka...
kailangan mo 'kong talikuran
para sa 'yong mga pangarap.
Magpapari ka nga pala.
Ano naman ang laban ko sa Kanya
na siya rin namang dahilan ng
aking tinatamasang laya?
Di ko maaaring ipagkait
ang laya sa Dakila na siyang
unang nagpalaya at patuloy
na magpapalaya.

Hanggang huli, sa pag-ibig na 'to
wala akong pinagsisihan.
Matapat akong tumula,
umibig, at mamamatay dahil
patuloy na umiibig. Ngunit,
sa sandaling 'to, kailangan
na munang magpahinga ng
aking tula. Maaaring wakas
na ang tula ngunit ang
makata ay mananatili
sa kaniyang mga naunang tula.
Na maghahari kasama ng
pag-ibig sa unang dahilan
ng kaniyang pagtula.

Ang Ma(ka)ta sa PandemyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon