Pag-ibig Bilang Higit sa Lahat

362 1 0
                                    

Relatibo ang pagkilala ng sinuman
sa kahit na anumang anyo,
kahulugan, katangian ng pag-ibig
na alam ng mga nakararanas,
gustong makaranas, at pinipigil dumanas nito.

Minsan, pinakilala ito
hindi bilang konsepto
kung hindi bilang diyalekto-
ng mga taong gustong
makahanap ng puwang
sa mundong puro sakit
at hinagpis ang nararamdaman.

Mayroon din namang
itinatanghal ang pag-ibig
bilang pagkilala muna sa sarili
na sinasagot ang tanong:
"Paanong iibig kung hindi alam
kung paano ibigin ang sarili?"

Sa kabila naman,
inilalahad ang pag-ibig
bilang susi sa kabanalan:
ang pag-ibig ay Siya
at Siya ang batis
ng busilak at mapagpalayang
pag-ibig na walang hanggan.

Gayundin,
ipinakikita sa kabilang dako
ang pag-ibig bilang konseptong
ito ang simula
at ito rin ang wakas
at kapag naglaon
tutungo sa walang hanggang
kapayapaa't kalayaan ng inuusig na bayan.

Makabuluhan din ang pagkilala
ng isang manunulat sa pag-ibig:
isang kumpletong alpabeto;
isang mapagpalayang himig
ng mga nagsasayaw na diwang
kumakawala sa dibdib
na ubod ng matinding pangarap,
at paglayang nais kumawala
sa isip at damdaming pinuno ng
haraya, talinghaga, tugma,
katotohanan, at danas.
Ito ay pag-ibig na hindi nasusulat;
kung hindi isang damdamin
sa kanilang mga isinulat.

Sadyang lilituhin ka ng pag-ibig
minsan titisurin, kukulitin
at kung minsan kikilitiin.
Pero, sa huli,
ang pag-ibig ay higit sa lahat
kung ang pag-ibig na ito ay para sa lahat.

Lagi't laging ang pag-ibig
ang una at huli;
natatanging walang tinatangi
dahil ang busilak na pag-ibig
kahit makasalana't nagsisisi ay iniibig
nang walang pagkukunwari.

Ang Ma(ka)ta sa PandemyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon