Kandila ng Nagtitika Kong Puso

526 3 0
                                    

Marahang kinapa-kapa
ng aking kanang kamay
ang kandila na nakapatong
sa ibabaw ng matandang kabinet
sa bandang silangan ng aking silid.

Nasa tabi ng kabinet ang altar,
ang isang lantang rosas,
larawang naka-frame
at ilang pang mga aksesorya
at souvenirs mula sa mga pinuntahang bansa sa Asya,
Europa, at Amerika.

Nakahanda na rin ang lighter,
ang musikang opera,
ang wine,
at ang puso't isip ko
para sa isang payak na pagtitika.

Nasindihan ko na ang kandila.
Pinagmasdan ang nagsasayaw
na apoy sa bandang itaas nito
habang sinusundan
ang itim na usok
na dumidikit sa estante ng altar
na pinaglalagyan nito.

Bigla kong naalala ang unang gabi
ng ating pagkikita.
Doon sa sementeryo
nang minsang naligaw ako
hatinggabi dahil baguhan sa lunsod.
Doon ka pala naninirahan.

Marahan kang lumapit sa akin.
Dahan-dahan.
Ang iyong unti-unting paglapit
ay hindi nakapagpakilabot
sa akin. Ginising pa nito
ang tulala kong mga mata
habang pinagmamasdan
ang iyong paglapit. Maingat
ang iyong paghakbang. Tila
kalkulado ang bawat pagparito.

Binigyan mo ako ng isang
kandilang puti.
Sabi mo gawin ko itong liwanag
sa paglalakbay sa gabi.
Iniabot mo lamang ito
nang marahan saka ka biglang umalis.

Hindi na kita hinanap pa.
Umuwi na't bitbit
ang danas na hindi ko
alam kung saan ko ilalagak.

Binuksan ko ang aking silid.
Parang pariwarang hinahanap
ang switch ng ilaw sa dingding.
Ngayon ko naramdaman
ang takot. Ang kaba sa dibdib.

Oo nga pala,
Nobyembre ng taong ito.
Lumisan ka.
Iniwan akong mag-isa.
Binigyan mo lang ako
ng isang "paalam"
sa inbox ko
saka 'di na nagparamdam.

Minulto mo ako.
"Ghosting" nga sabi ng barkada ko.
Ilang araw pa nga lang tayo
pero agad-agad mo 'kong iniwan
na parang kaluluwang naligaw
sa kanto.

Heto.
Ipagtitirik ko na lamang
ng kandila ang kaluluwa mo.
Saka pati na rin ang puso ko
para hindi na muling multuhin
pa ng mga katulad mo.

Ang Ma(ka)ta sa PandemyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon