Hustisya

12 1 0
                                    

Nakaupo siya sa sahig at nakalabas ang mga kamay sa rehas na tila inaabot ang mga kamay ni mama.

Naghawak sila ng kamay habang parehong may tumutulo na mga luha sa kanilang mga mata.

Ako? Eto, nakaupo sa silya, walang imik. Hindi ko lubos maisip na 'yong lalaking hinahangaan ko ay nandito sa loob ng maliit na seldang ito.

Dinudurog ang puso ko. Kumakabog ito ng napakalakas. Ngunit ang aking mga mata ay walang luha na inilalabas. Wala nga ba? Hindi, meron sana, ngunit pinipigilan ko lamang.

"Roberto, anong gagawin natin?" sambit ng aking ina habang lumuluha.

Hindi sumagot si papa sa kanya at sa halip ay tinawag niya ako at pinalapit sa kaniyang kinaroroonan na akin namang sinunod.

Hinawakan niya ang aking mga kamay at ako naman ay nakatitig lamang sa kaniyang sugat sa ulo na ngayon ay nakatahi na.

"Anak," tawag niya sa akin na naging dahilan para mapatingin ako sa kaniyang mga matang lumuluha. "Patawarin mo si papa. Kapag hindi ko ginawa ang bagay na 'yon, ako ang mamamatay," dugtong niya

Nagsimula nang lumabas ang mga luha sa aking mga mata na tila nag-uunahan sa pagbagsak.

Napakadaya ng batas.

Bakit kung sino ang tunay na walang sala ay siya pa ang napaparusahan?

Pero teka? Wala nga bang sala ang aking ama?

Gusto kong tumawa sa naisip ko. Mali, may sala nga siya. Nakapatay siya. Nakapatay siya para depensahan ang sarili niya. Nakapatay siya kaya sa mata ng batas, siya ang may sala at ang kabilang panig ang nangangailangan ng hustisya.

Slice of LifeWhere stories live. Discover now