"Ano ba, Miko, gising!" pagsusumamo ko habang tinatapik ang kaniyang pisngi. "Tulong!" sigaw ko at hindi alintana kung mawalan ako ng boses, ang mahalaga, may makarinig sa akin at matulungan kami.
~•~
"Be, gusto kong makatulong," ani Miko nang malaman niyang hindi ako nakapag-aral ngayong taon dahil sa kawalan ng pera.
"Gaga. Ako na 'to. Magagawan ko ng paraan," sagot ko nang may ngiti sa labi.
"Basta, Vien, naniniwala ako sa 'yo lagi. Kapag may maitutulong ako, sabihin mo lang, gusto ko makatulong talaga," dagdag niya.
Umayos ako ng upo at tumingin sa madilim na kalangitan. Nandito kami ngayon sa tapat ng bahay nila at nakaupo sa damuhan. Sa tuwing may problema, sa kaniya ang takbo ko—hindi para humingi ng tulong—kung hindi para maglabas ng kinikimkim na sama ng loob.
"Naalala mo no'ng Grade 12 tayo? No'ng mga panahon na disappointed sa 'kin 'yong teacher ko pati nanay ko. Sabi mo, kahit disappointed sila, ikaw, hindi." Tumingin ako sa kaniya at napansin ko ang nagbabadyang luha sa kaniyang mga mata. "Thank you, ha? Kasi kahit hindi na ako naniniwala sa sarili ko ngayon, naniniwala ka pa rin sa 'kin simula noon."
Matapos marinig 'yon, nakita ko nang nag-unahan ang mga luha na tumulo sa mga mata niya bago tumawa. "Grabe ka! Pinapaiyak mo ako, hoy!"
Natawa naman ako at hindi ko na rin napigilan na mapaiyak. "Gaga. Ikaw nga 'yan e!" sabi ko bago makipagtawanan sa kaniya.
Para kaming tanga. Umiiyak pero tumatawa.
~•~
"Akala ko ba, naniniwala ka sa akin?! Bakit hindi ka naniniwala sa sarili mo na kaya mo?!" saad ko habang umiiyak at nakatingin sa kaniya.
Nandito ako ngayon sa morgue kung saan siya dinala.
Hindi ko alam na sa kabila ng tulong na gusto niyang maibigay sa akin ay ang tulong na dapat rin palang ibigay sa kaniya.
Napakadaya mo, Miko. Bakit ka nagpatalo sa depresyon?
Naniniwala ka palagi sa akin kaya naniwala ako sa sarili ko. Bakit hindi mo magawa sa sarili mo?
Hindi ko man lamang natanong kung kumusta ka. Hindi ko napansin na kailangan mo rin ng tulong ko. Patawad, Miko.
———
The person who always helps you also needs a help from you. Nalulungkot din 'yong taong nagpapatawa sa 'yo palagi. Gusto rin mapakinggan ng taong nakikinig sa 'yo parati. Kumustahin mo siya. Tao rin 'yan. Baka siya naman ang nangangailangan ng tulong.
YOU ARE READING
Slice of Life
AcakThis is just a compilation of my short stories I posted on facebook- which are based on my experiences and imagination. Enjoy reading!