Nagmamadaling bumababa si Camilo sa bus nang huminto ito sa San Simon Public Terminal. Ilang taon na rin siyang hindi nakakauwi sa kanilang bayan simula nang lumuwas siya ng Maynila kung saan una siyang namasukan bilang construction worker.
Malaki na ang ipinagbago ng kanilang bayan, pansin niya. Mahigit pitong taon din siyang hindi nakauwi. Pinili niyang idagdag na lang sa padala niya sa pamilya niya ang dapat ay pamasahe niya pauwi. Malaki-laki din iyon pag naiipon. Napangiti siya nang mapansin niya ang mga gusaling nakatayo sa palengke. Unti-unti nang umuunlad ang kanilang bayan. Nung huling balitang narinig niya sa kababata niyang si Diego maraming investors na rin daw ang pumapasok sa kanilang bayan, lalung lalo na ang mga resort developers. Marami pang untouched beaches sa kanilang bayan na ngayon pa lang nakikilala ng ibang mga turista.
Sa katunayan nga ay di kalayuan ang dagat sa kanilang munting bahay. Dating mangingisda ang tatay niya pero nung madalas na itong inaatake ng arthritis at pananakit ng tuhod ay pinili na lang nitong mamasukan sa panaderya ng kumpare nito. Bago ito nag-asawa ay panadero ito sa Laguna. Ang nanay niya naman ay nasa bahay lang at minsan ay naglalako ng mga kakanin. May dalawa siyang kapatid na babae na nag-aaral sa local na kolehiyo sa kanilang bayan. Excited na siyang umuwi, lalo pa't halos isang taon din siyang wala komunikasyon sa mga ito dahil sa paglipat ni Diego ng trabaho. Dala niya ang perang naipon niya nung mga buwang hindi siya nakapagpadala sa mga ito. Nagkataong nawala rin ang luma niyang cellphone kung saan naka-save ang numero ng kanyang kapatid na si Tarin.
Sementado na rin ang kalahati ng daan papunta sa kanilang barrio, pansin niya, habang nakasakay sa jeep na isa sa mga regular na mode of transportation sa kanilang lugar. Pumara siya sa may kanto papasok sa kanila at muntik nang napaubo ng humarurot na ang jeep dahil sa alikabok. Marami na rin palang bagong mukha sa kanilang lugar. Wala siyang kakilala sa sinakyan niyang jeep tulad dati na mga kababaryo niya lang din ang kanyang kasakay. Napangiti siya at huminga ng malalim.
"There's no place like home nga yata talaga," bulong niya at tuluyan nang binaybay ang daan pauwi.
Pero ganoon na lang ang pagkabigla niya nang madiskubreng wala na ang komunidad na siyang kaniyang kinalakhan. Wala na ang kanilang kubo. Ang tumambad sa kanyang harapan ay isang malapad na lote na may billboard na nakapaskil - "COMMERCIAL LOT FOR SALE OR FOR LEASE"
Naikuyom niya ang kamay sa pinaghalong lungkot at poot. Hindi niya namalayang napaluha na pala siya. Nung araw na iyon ay nalaman niyang pinalayas ang lahat ng nakatira sa kanilang barrio sa kadahilanang wala naman silang pinanghahawakang titulo ng mga loteng kinatitirikan ng kanilang kabahayan. Narinig niya sa dati nilang kapitbahay na biglaan daw ang pagpapaalis sa mga ito – isang umaga'y walang pasabing may dumating na foreman na pinaaalis ang mga ito sa loob ng tatlong araw. Makalipas nga ng tatlong araw ay na demolish ang kanilang barrio. Para itong nabura sa mapa.
Hindi na rin niya nalaman kung saan pumunta ang buong pamilya niya. Isang buwan din ang inilagi niya sa San Simon pero sadyang mailap ang tadhana na mahanap niya ang mga ito.
BINABASA MO ANG
Ang Barako at Ang Prinsesa (ONGOING)
RomanceTypical Tagalog Pocket Book Romance inspired na istorya. Rags to riches, riches to rags? Alamin ang kuwento sa mga susunod na kabanata. Chus. Note: feeling writer lang ang nagsulat nito kasi imagination lang ang limit ngayong quarantine season. Stay...