Kabanata 4

160 4 0
                                    

Mabilis na lumipas ang araw. Kasalukuyan akong nakapila ngayon sa Registrar’s Office ng university para mag-file ng application for graduation. Kaunting panahon na lang talaga ang bibilangin at makakatulong na ako sa pamilya ko.

Sa ngayon ay hindi pa kumpleto ang pangbayad ko para sa graduation pero nangako si Aling Ida sa amin ni nanay na magpapautang daw siya sa amin dahil alam niyang madali raw akong makakakuha ng trabaho at mababayaran ko rin naman daw iyon.

Nakakatuwa lang isipin na hindi lang ang pamilya ko ang buo ang tiwala sa akin kundi pati na rin ang mga kapitbahay namin na itinuring ko na rin na pamilya. Hindi na ako makapaghintay na makabawi sa kanila.

Nang matapos sa mga kailangan kong gawin ay nanatili muna ako sa gymnasium para libangin ang sarili. Hindi ko ugaling tumambay sa school pero pinagbigyan ko ang sarili ko ngayon kahit na saglit lang.

Nanood ako ng mga ilang naglalaro sa loob ng gymnasium. Mayroong nag-vovolleyball, may nag-babasketball, may naglalaro din ng table tennis sa gilid. Wala namang okasyon ngayon, kagaya ko ay nililibang lang din nila ang mga sarili nila.

Karamihan sa mga taong narito ngayon ay graduating students din kagaya ko. Sigurado akong sinusulit lang nila ang mga panahon na nandito sila sa school dahil pagkatapos ng graduation ay may kanya-kanya na kaming landas na tatahakin.

"Kassidy."

Nagulat ako nang may sumulpot sa tabi ko. Si Luis. Pawis na pawis siya dahil isa rin siya sa mga nakikipaglaro ng basketball dito sa gymnasium.

"Wala kang duty ngayon sa cafeteria?" Kaswal na tanong ko sa kanya.

Umusog ako ng kaunti para bigyan siya ng espasyo.

"Wala eh. Pero ayos lang. Nakapag-ipon na ako para sa pambayad sa graduation." Nakangiting sabi niya.

Parehas kaming graduating pero hindi kami magkaklase. Computer related ang course niya samantalang ako naman ay Business Management. Kaya lang kami nagkakilala ay dahil naging kaklase ko siya noon sa minor subjects, at iyon nga, naging kapalitan ko rin siya ng duty sa cafeteria.

"Buti ka pa. Pero ako naman ay papautangin daw ng kapitbahay dahil tiwala naman sila na babayaran ko naman iyon kapag nakapagtrabaho na ako."

Masyado kasing mahal ang graduation fee kaya mapipilitan kami ni nanay na tanggapin ang alok ni Aling Ida na mangutang muna sa kanila ng pangdagdag. Kalahati lamang ang napag-ipunan namin ni nanay.

"Sana sinabihan mo na lang ako para ako na lang ang magpapautang sa'yo. Hindi pa kita mamadaliing magbayad. May natira pa sa ipon ko, paano eh kung anu-anong raket ang pinasok ko." Sabi naman ni Luis.

"Legal naman ba 'yan?" Panunukso ko.

"Oo naman 'no! Baka habulin ako ng itak ng mama at papa ko kapag kumita ako ng pera sa maruming paraan."

"Nagbibiro lang naman ako." Natatawang sabi ko.

"Maiba tayo, sa Maynila ka rin ba maghahanap ng trabaho?" Tanong niya.

Iyon nga ang pinag-iisipan ko noong mga nakaraang buwan pa. Wala akong alam sa Maynila. Balak ko sana ay doon makipagsapalaran sa oras na maka-graduate ako kaso inaalala ko ang pamilya ko. Ayaw ko silang iwan dito.

At dahil nasa probinsya kami, sabik ang mga batchmates ko na makipagsalaran sa Maynila. Alam ko ay madaling makahanap ng magandang trabaho doon kung sakali pero maingay at magulo naman. Hindi kaya dito sa probinsya na tahimik.

Hindi ko masasabing sobrang payapa rito pero kung ikukumpara naman sa Maynila, mas tahimik naman dito.

"Hindi pa ako nakakapagdesisyon tungkol d'yan. Ang hirap iwanan ni nanay at ni Eli." Sagot ko.

Love Me Tender ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon